Pambansang Isyu

Aquino mali hinggil sa VFA – Bayan


Hindi mapapanagot ni Pangulong Aquino ang US Navy kaugnay ng insidente sa Tubbataha kung hindi niya makikita ang papel ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa naturang usapin, pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Sinabi ni Reyes na walang sasakyang pandigmang US sa ating karagatan, kung walang VFA. “Walang sasakyang […]

Sinabi ng Bayan at iba pang grupo na patunay lamang ang insidente sa Tubbataha Reef na matagal nang dapat ibinasura ng gobyerno ng Pilipinas ang RP-US Visiting Forces Agreement. (Pher Pasion)

Hindi mapapanagot ni Pangulong Aquino ang US Navy kaugnay ng insidente sa Tubbataha kung hindi niya makikita ang papel ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa naturang usapin, pahayag ni Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.

Sinabi ni Reyes na walang sasakyang pandigmang US sa ating karagatan, kung walang VFA. “Walang sasakyang pandigmang US na walang limitasyong akses sa ating mga pantalan, kung walang VFA,” aniya pa.

Ang aroganteng aksyon ng mga opisyal at kawani ng US Guardian, na pigilan ang mga lokal na park ranger na lumapit sa sumadsad na barko, ay dapat tingnan sa konteksto ng VFA. Pinigilan ng VFA ang lokal na awtoridad para inspeksyunin ang barkong US, paliwanag ni Reyes.

Hindi na rin umano tayo magugulat kung isangkalan ng US Navy ang probisyon sa VFA kaugnay ng ‘just compensation’ para sa ‘meritorious claims’ na sa huli ay ang gobyernong US ang magpapasya.

“Ang insidente sa Tubbataha at ang insidente ng pagtatapon ng toxic waste sa Subic ay tungkol sa VFA. Ang VFA ay hindi lamang tungkol sa ehersisyong militar, tulad ng iniisip ni Aquino. Ang VFA ay tungkol sa patuloy at permanenteng presensya ng US sa ating bansa na nagresulta sa pagkasira ng kalikasan at paulit-ulit na paglabag sa ating soberanya,” sabi pa ni Reyes.

Nilinaw ni Reyes na ang isyu ay hindi lamang kung magkano ang ibabayad ng US Navy. Ang isyu pa rin ay soberanya at kung paano ito igigiit ng Pilipinas.

Duda naman ang ilang grupo kung nais ba talaga ng gobyerno ng Pilipinas na singilin ang US kaugnay ng nangyari sa Tubbataha.

Ayon kay Atty. Romel Bagares, executive director ng Center for International Law, maaaring magsampa ng damage claim sa bisa ng ‘espousal of claims’, pero kailangang ang gobyerno mismo ng Pilipinas ang magsampa nito.

Maaari rin umanong magsampa ng kasong kriminal laban sa US dahil nilabag nito ang isang batas sa Pilipinas na kailangan namang isampa ng lokal na pamahalaan. Ang Tubbataha ay itinuturing na protektadong erya.

Ayon naman kay Renmark Jun Martinez, isang research asssistant sa Marine Science Institute, tinatayang nasa P12 milyon  ang pinakamababang multa na maaaring singilin sa US. Base ito sa isinagawang pag-aaral ng apektadong bahagi ng Tubbataha Reef. Hindi pa kasama rito ang mga gagastusin ng mga magsusuri sa nasabing lugar.

Sinabi rin ni Martinez, na P12,000 ang suggested fine kada isang metro kwadrado. Sa kasalukuyan, umabot na sa halos 1,000 metro kwadrado ang apektadong bahagi ng Tubbataha.

Kung sakali, gagamitin ang naturang halaga para sa restoration activities. Isa sa plano ng Marine Science Institute ang pagsasagawa ng coral transplantation para mapabilis ang pagbuti ng mga apektadong reef.

“Ang tanong, willing ba ‘yong gobyerno natin na singilin ang Estados Unidos sa nangyari sa Tubbataha?” sabi naman ni Bagares.  (May ulat ni Junelle Narra)