Pambansang Isyu

‘Double standard’ sa Tubbataha: Malupit sa mga mangingisda, maluwag sa Kano


Itinuturo ng isang fact-finding mission na isa sa mga dahilan ng pagkasadsad ng USS Guardian ang iba umanong pagturing sa mga mangingisdang Pilipino at mga tripolanteng Kano kaugnay ng pagpapatupad ng mga batas sa proteksiyon ng Tubbataha Reef

Mga isdang huli ng mga mangingisda sa Palawan. Ayon sa pag-aaral ng UP Visayas, 200 tons per sq.km. kada araw ang isdang huli na mula sa Tubbataha. Sa di-bababa sa 4,500 sq.m. nasira sa reef dahil sa USS Guardian, mahigit sa 816 kilo ng isda kada araw ang nawawala sa mga mangingisda, o P48,987 kada araw, o P17,880,598.10 kada taon. (Angela Colmenares-Sabino)
Mga isdang huli ng mga mangingisda sa Palawan. Ayon sa pag-aaral ng UP Visayas, 200 tons per sq.km. kada araw ang isdang huli na mula sa Tubbataha. Sa di-bababa sa 4,500 sq.m. nasira sa reef dahil sa USS Guardian, mahigit sa 816 kilo ng isda kada araw ang nawawala sa mga mangingisda, o P48,987 kada araw, o P17,880,598.10 kada taon. (Angela Colmenares-Sabino)

Ganap na raw na naalis ng US Navy ang barkong USS Guardian na sumadsad sa pambansang yaman-dagat ng Pilipinas na Tubbataha Reef. Pero bukod sa nawasak na bahagi ng reef na daantaon ang kailangan para mabalik, ang hindi natin marekober: ang soberanya at karapatan ng mga mamamayang Pilipino na nayurakan ng armadong puwersa ng US.

Inanunsiyo ng administrasyong Aquino na nagbuo sila ng grupo ng mga eksperto na magtatasa sa pagkasira sa Tubbataha.

Pero sa naunang fact-finding mission ng mga grupong maka-kalikasan sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya) noong nakaraang buwan, napag-alaman ang dagdag at malagim na epekto ng pagsadsad ng USS Guardian. Nanganganib ang kabuhayan ng maraming mangingisda ngayon sa Palawan dahil sa pagkasira ng di-bababa sa 4,500 metro kuwadradong bahagi ng Tubbataha na pangitlugan ng mga isda.

Sa pakikipanayam ng mga eksperto at grupong lumahok sa naturang misyon, napag-alaman din ang diumano’y double standard o di-patas na pagpapatupad ng batas sa nasabing marine protected area sa mga Pilipinong mangingisda at sa mga barkong pandigma at sundalo ng US na napapadaan at napupunta sa lugar ng Tubbataha at Palawan.

Dahil sa double standard na ito, namihasa umano ang mga barkong pandigma ng US Navy na di-igalang ang mga batas ng Pilipinas. Humantong ito sa pagkasira ng Tubbataha at pagsadsad dito ng USS Guardian.

Iba ang pagtrato

Sa fact-finding mission na tinaguriang “Sovereignty and Environmental Mission: A People’s Inquiry on Tubbataha Tragedy noong March 11-13, 2013, nakausap ng mga kalahok sa misyon ang mga mangingisda na naghayag ng kanilang mga hinanakit sa naturang double standard.

Mga kalahok sa sovereignty and environmental mission sa Palawan na pinangunahan ng Pamalakaya. (Phot courtesy: Angela Colmenares-Sabino)
Mga kalahok sa sovereignty and environmental mission sa Palawan na pinangunahan ng Pamalakaya. (Phot courtesy: Angela Colmenares-Sabino)

Isang “no-take zone” ang Tubbataha Reef National Marine Park (TRNMP) na nagbabawal sa pagpasok sa mga mangingisda at di awtorisadong sasakyang-pandagat.

Kuwento ng ilang mangingisda, naranasan na nilang mahuli, kumpiskahin ang kanilang bangka at at kasuhan. Marami sa kanila’y may mga kaso pang nililitis sa korte.  Anila, hindi na naibalik ang kanilang mga bangka at kinakailangan pa nilang magmulta nang labis sa kanilang kapasidad para lang di sila makulong.

“Walang konsiderasyon ang (Tubbataha Reef) management kahit na napadpad lamang kami nang di sinasadya dahil nasiraan kami ng motor o dahil sa sama ng panahon,” sabi ng isang mangingisda na tumangging magpakilala.

Pero sa bisa ng matagal-nang-binabatikos na PH-US Visiting Forces Agreement (VFA), hinayaan ng gobyerno ng Pilipinas na makatakas ang 79 tripolante ng USS Guardian patungong Sasebo, Japan at mas pangunahin pang binigyan ng proteksiyon ang “seguridad” ng naturang barkong pandigma kaysa sa yamang-dagat at kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.

Malaking kawalan

Nagsumite ng petisyon sa tanggapan ni Palawan Gov. Abraham Mitra ang tagapagsalita ng Pamalakaya na si Salvador France. (Angela Colmenares-Sabino)
Nagsumite ng petisyon sa tanggapan ni Palawan Gov. Abraham Mitra ang tagapagsalita ng Pamalakaya na si Salvador France. (Angela Colmenares-Sabino)

Sa opisyal na pag-aaral Unibersidad ng Pilipinas-Visayas noong 2010, nakasaad na malaki ang kontribusyon ng Tubbataha Reef sa produksiyon ng isda sa karagatan ng Visayas at maging sa mga karatig-bansa tulad ng Malaysia at Indonesia.

Tinatayang limang ulit ang dami ng makukuhang isda sa Tubbataha kumpara sa ibang malulusog na bahura na aabot sa 200 tonelada bawat kilometro. Kung ito ang pagbabatayan, ayon sa Pamalakaya at ng katuwang nitong mga grupo ng environmentalists at marine scientists na lumahok sa misyon, tinatayang 816.47 kilo kada araw ang maaring mawala sa 4,500  metro kuwadrado na nasirang bahura o katumbas ng halagang P48,987 bawat araw o P17,880,598.10 sa isang taon sa produksiyon ng isda pa lamang.

Samantalang ang rehabilitasyon ng nasirang bahura ay maaring umabot ng 250 taon. Depende pa umano ito sa uri ng mga korales, temperatura at iba pang partikular na kalagayan sa lokasyon ng bahura.

Para masusing mapag-aralan ang laki ng pagkasira, epekto, kailangang rehabilitasyon, at mga panukala upang higit na pangalagaan ang Tubbataha, susi ang pagkakaroon ng direktang imbestigasyon sa naturang kalagayan ng independiyenteng mga grupo ng mga dalubhasa at stakeholders, ayon sa Pamalakaya.

Naniniwala ang Pamalakaya na kabilang dapat sa tinuturing na stakeholders ang mga mangingisda. Sila, higit pa sa mga turista, ang pangunahing maaapektuhan sa pagkasira ng ating yamang-dagat.

Pero wala o kulang diumano ang kanilang representasyon, at maging impormasyon, sa anumang kaganapan sa Tubbataha. Bukod pa rito, pahihintulutan lamang ang mga tagapagmasid sa layong 500 metro sa lugar ng insidente at ipinagbabawal din ang pagkuha ng litrato, ayon Philippine Coast Guard.

Panukala sa gobyerno

Sa isang liham kay Palawan Gov. Abraham Mitra noong Marso 13, naghain ang misyon ng mga panukala at kahilingan sa lokal na pamahalaan ng Palawan. Laman ng naturang liham ang diumano’y kahilingan ng mga mamamayan ng Palawan na magkaroon ng bukas-na-pakikipag-usap at pamamahagi ng impormasyon hinggil sa kalagayan ng Tubbataha.

Inireklamo na rin ng grupo ang double-standard na patakarang pinaiiral laban sa mga maliliit na mangingisda at pabor sa mga tripolante ng mga barko ng US tulad ng USS Guardian.

Hinimok ng grupo si Mitra na manindigan para sa pagtitiyak sa mabilis, epektibo at ligtas na pagtanggal sa nabahurang USS Guardian. Bukod dito, iminungkahi din nila ang pagkakaroon ng isang independiyenteng imbestigasyon sa implikasyon ng pagkawasak ng ilang bahagi ng bahura.

Pinaglilimian din ng mga lumahok sa misyon ang pagsasampa ng isang class suit sa internasyunal na korte laban sa mga salarin. Kailangan din umano magbuo ng kongkretong mga hakbang para maiwasan ang katulad pang mga trahedya gaya ng agarang pagbabawal sa mga sasakyang pandigma at mga sundalong Amerikano sa teritoryo ng bansa at pagpapawalang-bisa sa VFA.

Bukod dito, ipinanawagan ng misyon sa lokal na pamahalaan ng Palawan ang pagbabasura sa mga kaso laban sa mga mangingisdang nahuli sa Tubbataha. Kailangan umanong ibalik ang kanilang kinumpiskang mga bangka. Kailangang manindigan umano ang Palawan para sa kabuhayan at karapatan ng mga mangingisda.

Kabilang sa mga lumahok sa misyon ang mga mangingisda ng Puerto Princesa, Pamalakaya, Anakpawis Party-list, Earth Island Institute Philippines (EII-Phils), Fisheries Marine and Environmental Research Institute (FMERI), Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA), Katribu Party-list, Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog, College Editors Guild of the Philippines (CEGP)-Palawan, Anakbayan-Palawan, at International Fisherfolk and Fish Workers Coalition (IFWC).

* * *
Si Angela Colmenares-Sabino ay isang
environmental activist at naging bahagi ng “Sovereignty and Environmental Mission: A People’s Inquiry on Tubbataha Tragedy”