Konteksto

Gusto mo pa bang mag-aral sa UP?


Aminin mo. Nagdadalawang-isip ka. Kung nasa hayskul ka pa lang, pinag-iisipan mo nang seryoso kung kukuha ka ng eksaminasyon para makapasok sa tinaguriang “pambansang unibersidad” ng ating bansa. Kung estudyante ka naman ng unibersidad na ito, pinag-iisipan mo na rin siguro kung ipagpapatuloy mo pa ang pag-aaral sa pamantasang hirang. Unibersidad ng Pilipinas. UP naming […]

Prop. Danilo A. Arao

Aminin mo. Nagdadalawang-isip ka. Kung nasa hayskul ka pa lang, pinag-iisipan mo nang seryoso kung kukuha ka ng eksaminasyon para makapasok sa tinaguriang “pambansang unibersidad” ng ating bansa. Kung estudyante ka naman ng unibersidad na ito, pinag-iisipan mo na rin siguro kung ipagpapatuloy mo pa ang pag-aaral sa pamantasang hirang.

Unibersidad ng Pilipinas. UP naming mahal. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng salitang mahal? Wagas na pag-ibig o mataas na presyo?

Sa aking pagpasok bilang estudyante sa UP Diliman noong 1986, nagdalawang-isip din ako sa unibersidad na pinili ko. Bagama’t ang aking unang tatlong taon sa UP ay kinakitaan ng matrikulang P40 bawat yunit o mga P1,500 bawat semestre, nahirapan naman akong makakuha ng scholarship para matustusan ang aking pag-aaral. Tulad ng iba ko pang mga kaklaseng galing sa mahirap na pamilya, pahirapan ang pagbabayad sa bawat semestre at masasabing masuwerte ako dahil nakakuha ako ng private scholarship sa ikatlong taon sa kolehiyo. Maniwala ka: Malaking pera na ang P1,500 noong dekada 80! Pero ang kinatatakutan namin ay nangyari nang tumaas ang matrikula hanggang P300 bawat yunit o mga P7,000 bawat semestre sa pagpapatupad ng socialized tuition and financial assistance program (STFAP) noong 1989.

Walang pagkakaiba ang mga argumento ng administrasyon ng UP noon at ngayon hinggil sa STFAP (na ang tawag pa noon ay “Saint Fap” para idiin ang “mabuting balitang” hatid nito). Ayon sa mga opisyal, kailangang magkaroon ng sistemang magbabayad ang mga estudyante batay sa pinansiyal na kakayahan nila – ang mayayaman ay mas mataas ang babayarang matrikula samantalang ang mahihirap ay hindi na magbabayad at makakakuha pa ng pinansiyal na tulong tulad ng buwanang stipend at book allowance. Kung gagamit ng wikang Ingles, ang prinsipyong gagamitin diumano ay egalitarian (i.e., to each according to his or her means).

Dagdag pa ng mga nasa kapangyarihan, hindi naman daw mawawala ang pagiging “iskolar ng bayan” ng isang estudyante dahil ang nasa pinakamataas na bracket (Bracket 9 noon; Bracket A na ngayon) ay hindi pa rin ng magbabayad ng buong halaga ng edukasyon sa UP. Sa madaling salita, patuloy pa rin ang subsidyo ng pamahalaan sa LAHAT ng estudyante bagama’t iba-iba ang katangian nito batay sa pang-ekonomikong katayuan.

Maganda sana ang mga argumento pero tila nakakalimutan natin ang isang pundamental na isyu – ang UP ay isang pampublikong unibersidad. Ang pagkakapantay-pantay ng matrikula bago ipinatupad ang STFAP ay dahil sa pantay-pantay na pagtingin sa mga estudyante. Mahirap man o mayaman, may karapatan silang pumasok sa UP kung mapapatunayan nila ang kanilang kakayahang pang-akademiko. Ang pangunahing katangian ng state universities and colleges (SUCs) tulad ng UP ay ang pagtanggap ng mga estudyante anuman ang kanilang paniniwala, kasarian at katayuan sa buhay. Hindi dapat maging parusa kung siya ay mayaman bagama’t hindi siya dapat pabayaan kung siya ay mahirap.

Sa isang programang tulad ng STFAP, lumalabas ang katotohanang nasa bentahe ng administrasyon ng UP na magkaroon ng mayayamang estudyante. Marami sa mga opisyal ng UP noon at ngayon ay inaaming kumikita ang pamantasan mula sa pagpapatupad ng STFAP. Pero mabilis din ang pahayag na nagsasagawa sila ng kaukulang pagbabago sa sistema ng admission sa UP para mas dumami pa ang mahihirap na estudyante.

Sa puntong ito, tandaan natin ang isa pang pundamental na isyu – noon pang 1989 ipinatupad ang STFAP! Matapos ang 24 na taon, nananatiling minorya ang mga nasa pinakamababang bracket (Bracket 1 noon; Bracket E1 at E2 ngayon) na dapat ay nakakakuha ng libreng matrikula (sa kaso ng Bracket E1) at pinansiyal na tulong tulad ng stipend at book allowance (sa kaso ng Bracket E2).

Kahit na sabihing maiikli lang ang termino ng administrasyon ng UP (tatlong taon para sa mga opisyal ng mga constituent unit; anim na taon para sa mga opisyal ng UP System), hindi naman ito nangangahulugang walang pagpapatuloy sa mga programa ng mga administrasyong nagdaan. Ang STFAP ay isang mekanismong tuloy-tuloy na ipinatupad at ang anumang rebyung isinagawa ay sa balangkas lamang ng kung paano ito palalakasin pa sa mata ng administrasyon. Kailanman ay hindi seryosong tiningnan ang posibilidad ng pagbabasura nito at pagbabalik sa dating sistema ng pantay-pantay na matrikula.

Noong huling bahagi ng dekada 80, ang mga dahilan ng aming pagtutol sa STFAP ay siya ring argumento ng kasalukuyang kabataang mulat sa katotohanan. Una, tuluyang nawala ang pantay-pantay na pagtingin sa mga estudyante ng UP at nagkaroon ng sitwasyong ang mayayaman ay nagbibigay na ng “subsidyo” sa mahihirap na estudyante. Ikalawa, ang STFAP ay naging mekanismo para madagdagan ang kita ng pamantasan at nakatulong nang malaki sa hangarin ng mga nagdaang administrasyon ng UP na maging self-sufficient ito at huwag masyadong umasa sa subsidyo mula sa gobyerno. Ikatlo, nagkaroon ng pagdadalawang-isip sa bahagi ng mahihirap na estudyanteng pumasok sa pamantasan dahil hindi nila makakaya ang mataas na matrikula kung sakaling hindi nila makuha ang pinakamababang bracket.

Siyempre, nariyan din ang argumento hinggil sa mismong implementasyon ng STFAP kung saan hindi lahat ng mahihirap na estudyante ay napupunta sa pinakamababang bracket. Dahil dito, kailangan nilang magbayad ng matrikula at wala silang pinansiyal na suporta. Dahil sa komplikadong proseso ng pag-aaplay sa STFAP at sa sobrang dami ng kailangang isumite, hindi lahat ay naeengganyong pumasok sa programang ito. Ano ang mangyayari kung hindi ka mag-aplay sa STFAP? Awtomatiko kang ilalagay sa mataas na bracket! Sa madaling salita, malinaw na kahit noon pa, ang STFAP ay kinikilalang “mayaman” ang isang estudyante kung hindi niya kayang patunayan ang kanyang pagiging mahirap.

Kung interesado kang malaman, isa ako sa mga kinilalang “mayaman” (o “Bracket Niner” noong panahon namin) dahil hindi ako pumasok sa programang ito bilang protesta. Pero malakas ang loob kong gawin ito dahil sa aking private scholarship. Kailangan ko ring idagdag na sa tulong ng dekana ng aming kolehiyo, ginawan ng paraan ng private foundation na nagtustos sa aking pag-aaral na taasan ang aking pambayad sa matrikula, stipend at book allowance bunga ng implementasyon ng STFAP. Malinaw na kahit sa pagtingin ng marami noong huling bahagi ng dekada 80, ang STFAP ay nagsilbing mekanismo para mapataas ang matrikula sa UP.

Protesta rito, protesta roon. Magkakaiba man ang politikal na paniniwala, may pagkakaisa noon ang maraming estudyante ng UP sa iba’t ibang kampus na kailangang ibasura ang STFAP. Kahit ang mga hindi aktibista noon ay nakisigaw na rin ng “Edukasyon, edukasyon! Karapatan ng mamamayan!” Sa isang pulong ng Board of Regents (BOR) ng UP, nagkaroon ng kaguluhan dahil lakas-loob na inakyat ng ilang estudyante ang ikatlong palapag ng Quezon Hall sa UP Diliman at nagdaos ng programa sa mismong harap ng board room habang nagpupulong ang mga rehente. Sa pagpupumilit ng mga estudyanteng pasukin ang board room, napilitan ang ilang opisyal ng UP noong harapin ang mga nagpoprotesta.

Masasabing hindi naging tuluyang matagumpay ang mga protesta noon dahil naipatupad pa rin ang STFAP. At dahil hindi malalim ang pagkakaunawa ng ilang lider-estudyante sa pambansang kalagayan at kilusang estudyante, kapansin-pansin ang pagbabago ng kanilang posisyon sa STFAP. Naging bukambibig nila ang katagang “The STFAP is already a fait accompli.” Ibig sabihin, kailangan nang bitiwan ang panawagan sa pagbabasura at isulong na lang kung sakali ang reporma sa programang ito.

Hindi ko na babanggitin ang pangalan ng ilang lider-estudyanteng ito, pero malinaw na tinalikuran na nila ang aktibismong kinagisnan. Mainam lang sigurong malaman ang kanilang kasalukuyang kinalalagyan – ang isa sa kanila ay nagtatrabaho na sa stock market samantalang ang isa pa ay naging opisyal ng gobyerno. Sa pamantayan ng aktibismo, ibinenta na nila ang kanilang sarili sa sistemang dati nilang binatikos!

Buti na lang at may iba pang lider-estudyante noong nanawagan ng pagbabasura sa STFAP at nagbigay ng malalim na pagsusuri sa pambansang kalagayan at ang papel ng kilusang estudyante. Mahirap banggitin ang pangalan ng ilan sa kanila. Sa huli kong balita, sila ay kumikilos na sa ibang larangan, partikular sa kanayunan. Kung gusto mong mas maging partikular pa, doon po sa kabundukan nila piniling ipagpatuloy ang aktibismong patuloy nilang tangan. Ngayon, naiintindihan mo ba kung bakit mahirap banggitin ang kanilang tunay na pangalan?

Kung susuriin ang panawagan ng ilang kasalukuyang lider-estudyante sa UP, malinaw ang pagkakahati sa pagsusuri – ang isa ay nananawagan ng pagbabasura samantalang ang kabila ay nananawagan ng reporma. Paulit-ulit at paikot-ikot lang ang mga argumento. Sana’y maliwanagan ang mga nananawagan ng reporma sa STFAP na ang tanging solusyon sa isang mapaniil na sistema ay ang pagbabasura. Hindi man tahasang aminin ng mga nasa kapangyarihan, patuloy na tinitingnan ang mga estudyante bilang pinagkukunan ng kita sa pamamagitan ng koleksiyon sa matrikula. Bagama’t may ginagawa naman ang ilang administrador para mapataas ang badyet ng UP at iba pang SUCs, ang malinaw na mas maingay at mas masikhay sa gawaing ito ay ang iba’t ibang sektor sa UP, lalo na ang mga estudyante.

Dalawampu’t apat na taon na ang nakaraan mula nang ipatupad ang STFAP pero hindi pa rin naibabasura ito. Bagama’t may malaking kahinaan ang mga dating pagkilos noon para makamit ang layunin, mainam na tuloy-tuloy pa rin ang panawagan, bukod pa sa mga isinasagawang pag-aaral para ipakita ang kahinaan ng programang ito. Lubos na kailangan ang pagpapakalat ng impormasyon pati sa labas ng UP, lalo na sa sitwasyong may pinaplano ang ilang pamantasang gayahin ang STFAP na ipinapatupad sa UP.

Totoo namang maraming dapat gayahin ang ibang pamantasan sa UP, pero ang STFAP ay hindi isa sa mga ito. Ang mga problemang nababanggit sa kasalukuyan ay malinaw na pag-uulit lang sa mga argumento ng nakaraan.

Gusto mo pa bang mag-aral sa UP? Sana naman. Patuloy mong gawan ng paraan ang pagbabayad ng mataas na matrikula. Pero higit sa lahat, mas kinakailangan ang tulong mo para sa pagbabasura ng isang programang hindi lang ikaw ang biktima kundi ang marami pa.

(Paglilinaw: Kasalukuyan akong guro ng Peryodismo sa UP Diliman pero malinaw na sinulat ko ang sanaysay na ito bilang dating estudyante ng nasabing pamantasan.)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.