Kapirasong Kritika

BoboBotanteBinayBashing


Pagkatapos ng araw ng eleksyon nitong Mayo 13, bumaha sa social networking sites ang dalawang bungkos ng sentimyento. Una, bobo ang mga botanteng Pilipino. Ikalawa, hindi karapat-dapat si Nancy Binay na manalo bilang senador. May mga pagkakataong nagdudugtong ang dalawa: Bobo ang botanteng Pilipino at patunay niyan ang pagkahalal sa batang Binay bilang senador. Pareho […]

Pagkatapos ng araw ng eleksyon nitong Mayo 13, bumaha sa social networking sites ang dalawang bungkos ng sentimyento. Una, bobo ang mga botanteng Pilipino. Ikalawa, hindi karapat-dapat si Nancy Binay na manalo bilang senador. May mga pagkakataong nagdudugtong ang dalawa: Bobo ang botanteng Pilipino at patunay niyan ang pagkahalal sa batang Binay bilang senador. Pareho ang tinutungo ng dalawa: ang maliitin ang masang Pilipino, na siyang nakakarami sa mga botante, at itaas ang mga nasa panggitnang uri, na siyang nakakarami naman sa mga social networking sites.

Bakit pagmamaliit sa masa ang naging pag-insulto kay Binay? Maraming paraan kung paano siya pwedeng insultuhin. Pero ang naging porma ng pag-insulto sa kanya ay pag-insulto sa masa: walang kakayahan, puro on-the-job training at walang karanasan sa trabaho, hindi marunong makipagdebate, bobo, nakaasa sa ama. Ang panlalait sa kanya sa pagiging maitim ay rasismo lang sa paimbabaw na pagsusuri. Ang totoo, kodang salita o code word lang ang “maitim” para sa “mahirap.” Kaakibat ng panlalait kay Binay ang pagtanggi, malay o di-malay, ng mga nasa panggitnang uri sa paghalal ng mahirap.

Marami nang sumagot sa dalawang sentimyentong ito: Matalino ang masa, may dahilan sila sa pagboto kay Binay, kaunting paligo lang ang lamang ng ibang senador sa kanya, si Cory Aquino nga ay diretsong presidente, at iba pa. Pero may mapaminsalang epekto, kung hindi man layunin, ang paglutang ng dalawang sentimyentong ito. Kumbaga sa lumang problema sa pilosopiya ng subject bersus structure, idinidiin nito ang una para pagtakpan ang ikalawa. Kumbaga, sinisisi ang masa para pagtakpan ang pananagutan ng sistemang elektoral at pulitikal na kontrolado ng mga naghaharing uri sa bansa.

Ang epekto, kung hindi man layunin, ng dalawang sentimyento ay itali ang talakayan sa kamalayan at kagawian ng masa. Pero sino ba ang responsable sa resulta ng eleksyon? Hindi ba’t ang mga naghaharing uri na may samu’t saring pakana at maniobra? Nariyan ang malawakang pandaraya sa pamamagitan ng eleksyong automated. Nariyan ang pagbaha ng iba’t ibang tipo ng panlilinlang, panggigipit at pandarahas bago ang araw ng eleksyon. Dahil sa lahat ng ito, mababasa ang resulta ng eleksyon na mas pampulitikang pahayag ng mga naghahari kaysa ng masa – na kitang-kita sa bilang ng boto ng Kaliwa.

Lumang taktika na ito ng mga naghahari: ang humango ng lakas sa, at palakasin ang, sentimyentong kontra-maralita at elitista para pagtakpan ang pananagutan ng mga naghaharing uri na may kontrol sa sistemang pampulitika at pang-ekonomiya. Laging maralita ang may kasalanan! Hindi kataka-taka, na may bahagi nitong dumudulo sa pagtutulak ng diktadura para disiplinahin ang masa. Huwag tayong magkamali: Atake ito sa pagmamalasakit sa kapwa, lalo na sa maralita. Lalo nitong inihihiwalay ang loob ng mga nasa panggitnang uri, kahit pa dumadausdos din ang kabuhayan, sa mahihirap.

Naalala ko tuloy ang progresibong intelektwal na si Eqbal Ahmad. “Hindi pa ito nangyari noon,” aniya, patungkol sa “pagpokus ng kaisipan ng uring nakapag-aral, o isang seksyon nito, sa mga tao labas sa kanilang sarili – sa maralita, sa uring anakpawis, sa inaapi, sa mahihina…” Sagot niya ito sa isang tanong tungkol sa nagpapatuloy na kabuluhan ng kaisipan ni Karl Marx at ng Marxismo. Sabi niya, kaugnay ng pag-usbong ng naturang kaisipan: “Ito ang unang beses na nakita ang mga sekular na kaisipan na nagpokus sa mga isyu kaugnay ng kabutihan ng lahat [Confronting Empire, 2000].”

Hindi ang masang maralita ang may kasalanan, kundi ang sistema at mga naghahari sa bansa. Tanawin natin ang pagkakaisa ng online sa panggitnang uri at ng offline na masang maralita. Aktibidad na buong panahon, hindi lang pang-eleksyon, ang solusyon.

17 Mayo 2013