Migrante

Malawakang anomalya, dayaan sa eleksiyon, naitala ng Migrante


Di kapani-paniwala ang pagbilang ng mga boto sa nakaraang eleksiyon, para sa partido ng mga migranteng Pilipino at pamilya nila na lumahok sa eleksiyong party-list. Sinabi ng Migrante Party-list na kabilang sa mga dayaan ang vote shaving, at isa umano ang Migrante sa mga nabiktima. Patunay dito ang walang (zero) boto silang nakuha sa kanilang mga […]

Connie Bragas-Regalado ng Migrante Party-list (Sine Panayanon)
Connie Bragas-Regalado ng Migrante Party-list (Sine Panayanon)
Connie Bragas-Regalado ng Migrante Party-list (Sine Panayanon)

Di kapani-paniwala ang pagbilang ng mga boto sa nakaraang eleksiyon, para sa partido ng mga migranteng Pilipino at pamilya nila na lumahok sa eleksiyong party-list.

Sinabi ng Migrante Party-list na kabilang sa mga dayaan ang vote shaving, at isa umano ang Migrante sa mga nabiktima. Patunay dito ang walang (zero) boto silang nakuha sa kanilang mga balwarte.

Itinuturo ring patunay ng pandaraya sa boto ng mga migrante at pamilya nila ang mababang turnout at disenfranchisement sa overseas absentee voting (OAV), at ang anila’y vote-padding (pagdagdag ng boto) na pabor sa mga party-list na nagpapanggap na kumakatawan sa mga overseas Filipino worker (OFW).

“Kahit sa antas-presinto pa lamang, nakatanggap na kami ng mga tawag mula sa mga pollwatcher namin at sa mga OFW na nagrereklamo na di nabibilang ang mga boto para sa Migrante dahil karamihan sa mga presinto ay nagrerehistro ng zero na boto para sa aming partido. Ang ibang mga OFW, umiiyak; hindi sila makapaniwala,” sabi ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo at unang nominado ng Migrante Party-list.

Ipinakita niyang ehemplo ang Binan, Laguna kung saan may  humigit-kumulang 2,500 silang miyembro. Pero lagpas lamang ng 100 ang lumabas na boto.

Ilang araw nilang pagmamatyag at ebalwasyon, nakita nila ang parehas na pangyayari sa kanilang mga balwarte.

“Iyong mismong NCR coordinator namin, zero ang lumabas na boto sa mismong presinto niya,” kuwento pa ni ni Bragas-Regalado.

Aniya, nasa proseso sila ng pagtitipon ng mga ulat ng anomalya ng vote-shaving at isusumite ito sa Comelec at sa election watchdogs. Pero aminado siyang malaking hadlang ang kawalan ng transparency at check-and-balance buong proseso ng pagboto at pagbibilang ng Comelec.

Binatikos ni Bragas-Regalado ang Comelec, na nagsabing “nalungkot” daw ito sa mababang bilang ng botante na lumahok sa OAV.

Aniya, wala namang ginawa ang Comelec para matugunan ang mga problema bago at habang isinasagawa ang isang-buwang pagboto sa labas ng bansa.

OAV ng mga migrante sa Dubai (Angel Tesorero/PW File Photo)
OAV ng mga migrante sa Dubai (Angel Tesorero/PW File Photo)

“Nang magsimula ang OAV noong Abril 13, itinuro na namin sa Comelec ang mga area of concern na marami ang maaaaring ma-disenfranchise at makakaapekto nang husto sa turnout ng OAV. (Pero) may ginawa ba ang Comelec?” tanong pa ni Bragas-Regalado.

Ilan sa kanilang inilahad na problema sa OAV ang pagkakaantala ng pagdating ng mga balota, kawalan ng guidelines para sa mga lugar na pagdarausan ng pagboto, pagkasara ng mga konsulado at embahada, at ang layo ng polling places para sa mga boboto.

Pinunto ni Bragas-Regalado na nakatanggap pa sila ng mga reklamo kahit bago matapos ang OAV at sa panahon ng canvassing ng mga boto.

Ilan sa natanggap nilang mga reklamo ang mula sa Riyadh at Jeddah, Saudi Arabia.

Dahil sa protesta ng stranded na mga Pilipino doon, kabilang ang mga nagtayo ng tent city sa Jeddah, naghigpit ang mga konsulado at embahada sa pagpasok ng mga Pilipino. Marami tuloy ang hindi nakaboto.

Sinabi pa ng Migrante na may mga natanggap silang ulat hinggil sa di-gamit na CF cards na may pre-recorded nang boto sa Hong Kong. Dito rin naganap ang 20-minutong blackout–ang kauna-unahang insidente sa lugar. Panahong ito, di umandar ang Precinct Count Optical Scanner (PCOS) machines at kailangang palitan ang CF cards nito.

Inirereklamo rin ng Migrante ang party-list na OFW Family Club. Pangalawang nominado ng naturang grupo si Juan “Johnny” Revilla, na naging bahagi ng operasyon ng PCOS machines noong eleksiyon ng 2010.

“Seryoso ang aming pagkuwestiyon sa pagiging bahagi ni Revilla sa Smartmatic, sa gitna ng mga ulat at alegasyon ng dayaan at anomalya gamit ang PCOS sa eleksiyon nitong 2013.  Maraming kailangan ipaliwanag ang OFW Family at ang Comelec dahil ang kaugnayan ni Revilla sa Smartmatic ay malinaw na conflict of interest,” sabi pa ng lider-migrante.

Paliwanag ni Bragas-Regalado na bilang bahagi ng operasyon ng Smartmatic si Revilla noong eleksiyong 2010, alam niya ang mga pasikot-sikot ng sistema. “Seryosong bagay ito, lalo ngayon na napapalibutan ng mga tanong ukol sa teknikal at transparency issues ang sistema ng Smartmatic,” aniya.

Project manager si Revilla ng Placewell Manpower, ang recruitment agency na kinontrata ng Comelec upang pangasiwanan ang PCOS machines noong eleksiyong 2010. Nagsuplay ang ahensiya ng 50,000 information technology (IT) technicians para sa pagpapatakbo ng 82,000 PCOS machines.
Isa sa mga nangungunang party-list sa bilangan ngayon ang OFW Family. Nakakagulat din umanong sa 10 nangungunang party-list,  OFW Family lamang ang unang beses na tumatakbo ngayong halalan. Pinalitan ni Revilla ang second nominee ng partido, at hindi siya kasali sa orihinal na lista ng nominees na accredited ng Comelec.

“Kumpirmado kung hanggan saan puwede tumungo ang namumunong pangkatin ni Aquino sa paggamit ng makinarya ng estado para matupad ang adyenda nito sa pulitika at ekonomiya hanggang 2016 at pagkatapos,” sabi pa ni Bragas-Regalado.

Sinabi pa niya na “nakakaalarma” ang komposisyon ngayon ng gobyerno — mayroong Senado, Kongreso at Korte Suprema na dominado ng kaalyado at appointees ni Aquino.

Nanawagan ng Migrante sa mga OFW, sa kanilang mga pamilya at sa mga mamamayan na kondenahin ang “malakihang pandaraya sa eleksiyon” at disenfranchisement mga botante, at bantayan at tutulan ang mga “anti-mamamayang polisiya” ng administrasyong Aquino.