Istorya ng Linggo Pambansang Isyu

‘Handa na ang bayan sa pulitika ng pagbabago’


Handa na ang bayan sa pagbabago. Ito ang mensahe ng miting de avance ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) sa iba’t ibang lugar, kabilang sa Maynila at Davao City. Dinaluhan ito ng libu-libong miyembro at tagasuporta ng progresibong mga party-list at mga tagasuporta ni Teddy Casino sa pagtakbo niya sa pagkasenador. Malaking tagumpay umano ang […]

Siksikan ang libu-libong tao sa miting de avance ng Makabayan at progresibong mga party-list noong Mayo 7. (Macky Macaspac)
Siksikan ang libu-libong tao sa miting de avance ng Makabayan at progresibong mga party-list noong Mayo 7. (Macky Macaspac)

Handa na ang bayan sa pagbabago.

Ito ang mensahe ng miting de avance ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) sa iba’t ibang lugar, kabilang sa Maynila at Davao City. Dinaluhan ito ng libu-libong miyembro at tagasuporta ng progresibong mga party-list at mga tagasuporta ni Teddy Casino sa pagtakbo niya sa pagkasenador.

Malaking tagumpay umano ang kampanyang elektoral ng progresibong mga party-list at ni Casino, at kailangan na lang na siguruhin ang kanilang pagkapanalo sa Mayo 13.

Sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila at sa Freedom Park sa Davao City kung saan ginanap ito (noong Mayo 7 at 9, sa magkakasunod), nagdiwang ang mga miyembro ng siyam na party-list – Kabataan, Bayan Muna, Migrante, Katribu, Anakpawis, Akap-bata, ACT, Piston, at Gabriela – at nag-iisang pambato sa Senado.

“Tagumpay na ang ating kampanya,” sabi ni Nathanael Santiago, pangkalahatang kalihim ng Makabayan.

Ayon kay Casino, maraming bilang ng mga mamamayang Pilipino ang naabot ng mensahe ng pagbabago ng Makabayan, ng kanyang pangangampanya at ng pangangampanya ng progresibong mga party-list.

“Hindi pa man nagaganap ang eleksiyon, tagumpay ang libu-libo, daang libo nating mga namulat, na-organisa, at napakilos para isulong ang pulitika ng pagbabago,” sabi ni Casino.

Sa panahon ng kampanyang ito, malinaw na nailatag ang makabayang programa ng Makabayan, mula sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, hanggang sa makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa, pagtigil sa demolisyon, pangangalaga sa karapatan ng mga mamamayan, kababaihan, pambansang minorya, LGBT, at iba pa.

“Tayo lang ang kandidato na tanging nagsabing kailangang baguhin ang sistema,” sabi pa ni Casino.

Para sa Makabayan, ipinamalas ni Casino at ng progresibong mga partido kung ano ang tunay na alternatibong pulitika na taliwas sa nakagawiang pulitika sa bansa. Sa pamamagitan ito ng pagiging independiyente, at ng pagpapahayag ng kongkretong plataporma para mabago ang lipunang Pilipino.

Gayunman, sa kabila ng tagumpay na ito, hiniling ni Santiago sa mga tagasuporta na tiyakin din ang tagumpay sa botohan ni Casino at ng progresibong mga party-list.

“Ang gabing ito’y pagpapasinaya ng ating naunang mga tagumpay. Ngunit ito ri’y isang pagpapatibay ng ating determinasyon na isulong ang pulitika ng pagbabago,” ani Satur Ocampo, presidente ng Makabayan.

Kahanga-hanga’t malinis na rekord

Samantala, sinabi ni Casino na dalawang taong pinaghandaan ng mga progresibo ang kampanya at eleksiyon.

Sinabi rin niya na hindi dapat buung-buong paniwalaan ang mga sarbey tulad ng inilalabas ng Social Weather Stations at Pulse Asia, kung saan mababa ang ranggo niya.

Tinukoy niya ang iba pang nagsasagawa ng sarbey, tulad ng Philippine Star, 7-11, Unibersidad ng Pilipinas, at ang iba’t ibang online outlets, na nagsasabing pasok si Casino sa Top 12 sa mga kandidato sa pagkasenador.

“Kung survey rin lang ang pag-uusapan, ‘wag na tayong mag-eleksiyon. Mag-survey na lang tayo,” sabi pa niya. Kailangan aniyang bumoto ang mga mamamayan ng sa tingin nilang nararapat na kandidato.

Binigyan-diin ni Casino na hindi siya nagmula sa angkan ng mga pulitiko. Tanging mahabang rekord lang niya bilang aktibista at progresibong mambabatas ang salalayan ng paghalal sa kanya bilang senador.

“Pagdating ng Mayo 13, tayo po’y magkikita-kitang muli upang ipagdiwang ang ating tagumpay: 15 puwesto sa Kongreso, isang senador. Ipapanalo (ito) ng karaniwang tao,” pagtatapos niya.

Huling bugso

Sa Maynila, nagtipon sa iba’t ibang lugar ang mga miyembro at tagasuporta ng progresibong mga party-list, tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, ACT Teachers, Migrante, Piston, Akap Bata at Katribu, bago tumungo sa makasaysayang Plaza Miranda.

Noong miting de avance, nagpahayag din ng suporta kay Casino ang ilang kilalang personalidad sa musika at pag-arte, kabilang sina Dino Concepcion ng Brownman Revival, Cabring Cabrera ng Datu’s Tribe, Chickoy Pura ng The Jerks, ang batikang aktor na si Pen Medina (nagpahayag ng suporta kay Casino ang kanyang dalawang anak na sina Ping at Alex Medina, sa internet), at ang komedyanteng si Willie Nepomuceno.

Ayon sa Medina, ilang kaibigan na sa industriya ang kumausap sa kanya at sumubok na kunin ang kanyang suporta para sa ibang kandidato liban kay Teddy Casino. Pero hindi siya nagpatinag sa mga ito.

“Nakilatis ko na po ang ating kapatid na Teddy Casino,” sabi ni Medina.

Samantala, sa Davao City, nagtipon noong Mayo 9 ang mga tagasuporta at personalidad mula sa Teddy for Senator Movement (T4S), gayundin ang siyam na grupong party-list na Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Piston, Migrante, Act Teachers, Katribu at Akap Bata para sa miting de avance sa Freedom Park.

“Sinisikap nating itaguyod ang adyenda ng mga mamamayan para sa nasyunalismo, demokrasya at pagtaguyod ng karapatan at kagalingan ng mga mamamayan sa lahat ng panahon,” sabi ni Ariel Casilao, regional coordinator ng Makabayan.

Bago ang miting de avance, nagsagawa ng sabay-sabay na mga aktibidad ang mga kandidato at tagasuporta ng mga party-list at ng Makabayan sa iba’t ibang lugar ng lungsod.

Nagsagawa ng karaban ang Teddy for Senator Movement (T4S) mula Calinan patungong Freedom Park. Isang float parade naman ang isinagawa mula Talomo, Bangkerohan, Bucana patungong Freedom Park ang inilunsad ng lokal na kandidato ng Makabayan sa pagkakonsehal na si Leah Librado-Yap.

May ulat mula sa Davaotoday.com

Slideshow: Kuha nina Macky Macaspac, Pher Pasion, KR Guda at Soliman A. Santos