Editoryal

Malungkot na balita ngayong pasukan


Pasukan na naman. Tapos na ang bakasyon, pati ang eleksiyon. Balik-eskuwela ang mga bata. Balik-pasakit sa mga nakatatanda. Aabot sa 24 milyong kabataan ang pumasok sa mga paaralan ngayong pasukan. Ang mga inulat sa midya: ang paghahanda ng mga bata, magulang at mga eskuwela para sa pagbubukas ng bagong akademikong taon. Pero ang kulang sa […]

Dibuho ni Kendrik Bautista
Dibuho ni Kendrik Bautista
Dibuho ni Kendrik Bautista

PW-editoryal-thumbPasukan na naman. Tapos na ang bakasyon, pati ang eleksiyon. Balik-eskuwela ang mga bata. Balik-pasakit sa mga nakatatanda.

Aabot sa 24 milyong kabataan ang pumasok sa mga paaralan ngayong pasukan. Ang mga inulat sa midya: ang paghahanda ng mga bata, magulang at mga eskuwela para sa pagbubukas ng bagong akademikong taon. Pero ang kulang sa ulat, iyung problemang kinakaharap ng mga bata, guro at magulang ngayong pasukan. Kasama na rito ang kakulangan ng mga guro, klasrum, libro, pasilidad sa pag-aaral, at maraming iba pa.

Naikukubli sa mga ulat hinggil sa paghahanda ng Department of Education (DepEd) para sa pasukan ang grabe at malungkot na mga problemang ito. Sa maraming pampublikong mga eskuwelahan, umaabot sa puntong pinaghahati ang mga klasrum sa dalawa, para maipagkasya ang dalawang klase. Umaabot sa puntong sa ilalim ng puno na lamang nagkaklase. Umaabot sa puntong pinagdadala na lang ng sariling bangko ang mga bata, dahil kulang na kulang sa upuan ang siksikan nang mga klasrum.

Pasakit sa mga guro ang pagkalaki-laking mga klase. Hamon ng mga guro sa elementarya sa DepEd at maging sa nagmamarunong na mga opisyal ng administrasyong Aquino, subukan nilang magturo sa isang siksikang klasrum na may 50 malilikot na estudyante sa elementarya. Napakalubha na ng problema ng kakulangan sa guro, halos itinuturing na ito sa midya at sa gobyerno na pangkaraniwan. Pero hindi pangkaraniwan ang problemang ito. Kaya sanang masolusyonan. Pero ang problema, napalalala pa ng mga polisiya ng administrasyong Aquino.

Nitong nakaraang buwan, matapos ang eleksiyon, minadaling ipasa ni Aquino ang batas sa programang K-12. Bagamat kinikilala ng progresibong organisasyon ng mga guro tulad ng Alliance of Concerned Teachers o ACT na may pangangailangan ngang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa, malinaw sa kanila at sa iba pa na hindi solusyon dito ngayon ang pagdagdag ng taon ng pag-aaral ng mga bata. Malinaw sa oryentasyon ng K-12 na nakatuon ito sa pagtugon sa mumurahing lakas-paggawa (cheap labor) para sa dayuhang mga kompanya, sa loob at labas ng bansa.

Samantala, ipinagpapatuloy ng administrasyong Aquino ang neoliberal na polisiya nito sa edukasyon – ang pagbigay ng maliit, at di kasya, na badyet sa sektor ng edukasyon. Nasa likod ng polisiyang ito ang tunguhing itulak ang mga instisusyong pang-edukasyon na maghanap ng paraan para mapunan ang kakulangan sa badyet. Ibig sabihin, itinutulak nito ang mga pampublikong eskuwelahan at institusyon na magsapribado, bawasan ang akses dito ng dumaraming mahihirap at ituring na prebilehiyong maaaring pagkakitaan ang edukasyon.

Ipinagmamalaki ni Aquino ang record growth daw ng Gross Domestic Product ng ekonomiya ng bansa (isang “pag-unlad” na malayo sa katotohanan ng pangkaraniwang mga mamamayan). Pero ang hindi niya sinasabi, umaabot lamang sa 2.26 porsiyento ng GDP ang nakukuhang badyet ng DepEd (mula taong 2001 hanggang ngayong 2013). Gamilya ang layo nito sa sinasabi ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o Unesco na dapat daw gumastos ng di-babaa sa 6 porsiyento ng GDP sa edukasyon ang mga bansa.

Hindi tumataas ang sahod ng mga manggagawa, at pati na ang mga guro. Samantala, sa pribado at pampublikong sektor ng edukasyon, inaprubahan ng Commission on Higher Education ang taas-matrikula sa 354 na kolehiyo at pamantasan, at ng DepEd ang taas-matrikula sa 260 eskuwela sa elementarya.

Siksikan sa pampublikong mga paaralan at nagtataasan ang matrikula sa mga pribado, di nakapagtatakang halos 4.6 milyong kabataan na ngayon ang out-of-school youth. Sabi ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, mayroon lamang isang hayskul sa bawat limang elementarya. Ibig sabihin, tanggap at kinukunsinti ng gobyerno na di lahat ng nag-aaral sa elementarya ang makakatuntong ng hayskul. At higit pang liliit ang bilang ng makakapagkolehiyo.

Ang gusto ng administrasyong Aquino, magtapos na lamang ng vocational courses o mag-enrol ng skills training sa Tesda ang mahihirap na walang pangmatrikula sa hayskul at kolehiyo. Ginigiya ng gobyerno ang maraming bilang ng maralitang Pilipino na maging alipin – kung hindi man sa ibang bansa, kahit dito.

Mahigit dalawang buwan na ang nakaraan, naganap ang isang nakalulungkot na balita: Winakasan ng isang Iskolar ng Bayan ang kanyang buhay. Ayaw niyang maging alipin, pero dahil sa kahirapan, itinutulak siya ng sistema ng edukasyon na magpakaalipin na lamang.

Malungkot na balita sa mga magulang at mga mamamayan na may mga trahedya pang nangyayari tulad ng trahedya ni Kristel Tejada. Panahon na marahil para iwaksi ang ating lungkot at wakasan ang sistema ng edukasyon na ito na nagpapalungkot sa atin at sa ating kabataan.