Talakay-Takilya

Splintered lives*


Nabubura na raw ang mga hangganan ng mga bayan sa panahon ng globalisasyon. Ang sampung milyong Pilipinong nagkalat sa lahat ng dako ng mundo ay hindi na lamang mga Pilipino, kundi mga mamamayan ng mundo. Wala nang dayuhan, wala nang estranghero. Ngunit malayo ito sa reyalidad ng maraming migranteng Pilipinong nasa laylayan ng bawat bansang […]

Eksena sa pelikulang "Transit" na dinirehe ni Hannah Espia

Nabubura na raw ang mga hangganan ng mga bayan sa panahon ng globalisasyon. Ang sampung milyong Pilipinong nagkalat sa lahat ng dako ng mundo ay hindi na lamang mga Pilipino, kundi mga mamamayan ng mundo. Wala nang dayuhan, wala nang estranghero.

Ngunit malayo ito sa reyalidad ng maraming migranteng Pilipinong nasa laylayan ng bawat bansang kanilang dinayo. Binubuno nila ang bawat araw habang hinaharap ang mga tahimik na trahedyang madaling kaligtaan at hindi agad na napapansin.

Kadalasang tampok sa mga naratibo ng mga OFW ang tema ng diskriminasyon, pang-aabuso at pangmamaltrato.  Bahagyang lumihis sa ganitong tema ang pelikulang Transit, ang unang full length na pelikula ni Hannah Espia, na tinangkang talakayin ang mga hindi gaanong hayag ngunit kung minsa’y mas masalimuot na mga isyu ng nasyonalidad at pagkakakilanlan.

Kwento ang Transit ng mga migranteng Pinoy sa Tel Aviv, Israel na nagpupunyaging  panatilihing buo ang pamilya sa kabila ng banta ng deportasyon. Sa bagong batas na ipinatupad ng Israel, maaaring ipa-deport ang mga anak ng mga migranteng may gulang na apat na taon pababa. Para hindi ma-deport ang anak, itinatago ni Moises (Ping Medina) ang apat na taong gulang na si Joshua (Marc Justine Alvarez) mula sa mga awtoridad. Katuwang ni Moises sa pag-aalaga kay Joshua ang kasamahang si Janet (Irma Adlawan). Pero maging si Janet ay namomroblema sa tila pagrerebelde ng teenager na anak na si Yael (Jasmine Curtis-Smith). Sa kabila nga kani-kanilang problema, nagawa pa ni Janet na tulungan ang bagong saltang si Tina (Mercedes Cabral).

Sa halip na tahiin ang kawing-kawing na kwento ng limang tauhan ng pelikula sa isang linear na naratibo, binasag ni Espia ang kwento sa limang bahagi. Bawat isa sa limang bahagi ay nagpokus sa indibidwal na kwento ng bawat pangunahing tauhan. Sa paggamit ng estilong ito, pinapasilip sa manonood kung paano nakikita ng limang tauhan ang kanilang mundo.

Maaaring tingnan din ang estilong ito ni Espia bilang pagsasalamin sa fragmentation o pagkakapira-piraso ng identidad o pagkakakilanlan ng mga migranteng Pilipino sa ibayong dagat. Partikular itong naisalarawan sa kwento nina Yael at Joshua bilang mga supling ng globalisasyon. Dahil kapwa isinalang at lumaki ang dalawa sa Tel-Aviv, ang bayan na ito na ang kinilala nilang tahanan. Mas gamay na rin nila ang kulturang Hudyo at mas matatas sila sa wikang Hebrew. Gayunpaman, batid nila at ng kanilang mga magulang na hindi sila lubos na tanggap ng bayang kanilang nakagisnan at minamahal.

Eksena sa pelikulang "Transit" na dinirehe ni Hannah Espia
Eksena sa pelikulang “Transit” na dinirehe ni Hannah Espia

Para sa marami, kapana-panabik ang mga pagbabalik at pag-uwi. Ngunit paano masasabing pagbabalik o pag-uwi ito ng mga anak ng mga migrante kung hindi pa nila nakikita ang bayang pinagmulan ng kanilang mga magulang? Sa Transit, puno ng pangamba at agam-agam ang mga banta ng pag-uwi. Bagamat dayuhan pa rin sila sa Israel, mas nanaisin nilang manatili rito kaysa umuwi sa Pilipinas na walang kasiguraduhan.

Inilarawan din sa pelikula ang magkaibang pananaw sa pagtugon ng mga migrante sa mga problemang kanilang kinakaharap. Kapwa mahal nina Janet at Moises ang kani-kaniyang anak at gagawin nila ang lahat para protektahan sina Yael at Joshua. Naniniwala si Janet na kailangan ang pakikipagtulungan at pakikiisa sa komunidad sa pagharap sa problema ng mga migrante. Sinarili naman ni Moises ang pagharap sa problema nilang mag-ama.

Sensitibo at puno ng puso ang paglalahad ni Espia ng kwento ng limang tauhan bilang bahagi ng komunidad ng mga migranteng Pilipino sa Tel Aviv. Nagawa ni Espia (katuwang si Giancarlo Abrahan sa pagsulat ng iskrip) na talakayin ang mga isyung kinakaharap ng mga migrante sa pamamagitan hindi lamang ng pananaliksik at pakikipanayam kundi lalo’t higit sa pakikihalubilo at palubog nila sa mundo ng mga migrante. Makikita ito sa eksenang kinukuwentuhan si Tina ng isang grupo ng OFW tungkol sa kanilang karanasan sa pagtatrabaho at paninirahan sa Tel Aviv. Tunay na mga OFW ang kinuha ni Espia para sa eksenang ito, at ang kanilang tunay na karanasan ang kanilang ibinabahagi.

Sa pagtatapos ng pelikula, isang epilogo ang idinagdag ni Espia na nagpapabatid sa mga manonood sa kasalukuyang sitwasyon ng mga migranteng Pinoy sa Tel Aviv. Ginawa ito ni Espia hindi para sumahin at ulitin ang inilarawan na ng pelikula. Sa puntong ito, isinasara ni Espia ang unibersong nilikha ng kaniyang pelikula habang binubukas sa mga manonood ang reyalidad ng mga migranteng Pinoy na dapat harapin at kagyat na tugunan.

Pinasusubalian ng mundong ipininta ni Espia sa pinilakang tabing ang mito ng globalisasyon. Ang pagbubura ng pagkakakilanlan at nasyonalidad ay lumilikha ng mga dayuhan at estranghero sa sariling bayan.

*Rebyu ng pelikulang Transit ( direksyon: Hannah Espia; dulang pampelikula: Hannah Espia at Giancarlo Abrahan; produksyon: Ten17). Humakot ang Transit ng sampung parangal mula sa katatapos pa lamang na Cinemalaya 2013, kabilang na ang parangal sa pinakamahusay na pelikula sa New Breed Category.