Mga pelikula hinggil sa pambansang kasarinlan sa 5th Pandayang Lino Brocka
Imahen ni Andres Bonifacio, hawak ang tabak sa isang kamay at pulang bandila sa kabila, ang icon na ginamit ng ika-5 Pandayang Lino Brocka Political Film and Video Festival na ginanap sa Film Institute ng Unibersidad ng Pilipinas (UP)-Diliman noong Agosto 29. Napapanahon ito, dahil bukod sa itinaguyod ni Bonifacio ang pambansang kalayaan laban sa […]

Imahen ni Andres Bonifacio, hawak ang tabak sa isang kamay at pulang bandila sa kabila, ang icon na ginamit ng ika-5 Pandayang Lino Brocka Political Film and Video Festival na ginanap sa Film Institute ng Unibersidad ng Pilipinas (UP)-Diliman noong Agosto 29. Napapanahon ito, dahil bukod sa itinaguyod ni Bonifacio ang pambansang kalayaan laban sa kolonyalismong Espanyol noong huling bahagi ng ika-19 siglo, ipagdiriwang ngayong taon ang ika-150 kaarawan ng tagapagtatag ng unang pambansang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.
Pambansang kalayaan at kasarinlan ang tema ng Pandayang Lino Brocka ngayong taon. Sa pamumuno muli ng progresibong grupong audio-visual na Tudla Productions, muling napamalas sa mga manonood ang mga pelikula na sumasalungat sa pangkaraniwang mga palabas sa telebisyon at sinehan — mga palabas na pang-aliw lamang at escapist, o pampalimot sa reyalidad ng lipunan. Sa tema nito, sinikap ng mga organizer ng naturang film festival na ipamalas ang makapangyarihang potensiyal ng pelikula para magbigay-liwanag, magpalalim at magpukaw ng damdamin hinggil sa kalahagan ng pagtataguyod ng pambansang kasarinlan sa panahon ng papatinding impluwensiya ng dayuhang dekadente at konserbatibong kultura, at ng dominasyon sa ating pulitika at ekonomiya.
Isang porum hinggil sa relasyong US at Pilipinas, at pagsasalamin dito ng mga pelikula, ang idinaos sa Pandayang Lino Brocka noong Agosto 29. Pagkatapos nito, naganap ang pagpapalabas ng mga pelikulang nagtatalakay sa nabanggit na tema. Tampok sa mga pinalabas ang pelikulang “PX” (1982) ni Lino Brocka, at “Supremo” (2012) ni Richard V. Somes.
Sa “PX” pinaksa ang paghangad ng hustisya ng isang Pilipino (Philip Salvador, gumanap sa karakter na Sidro) para sa kanyang nakababatang kapatid na pinaslang sa loob ng isang baseng militar ng US sa Pilipinas. Lalong napoot si Sidro sa pagkaalam na hati ang kanyang minamahal na si Lydia, isang prostituted na babae, sa pagitan niya at isang Amerikanong sundalo.
Sa “Supremo” naman, tinalakay ang paghihimagsik ng Katipunan sa pangunguna ni Bonifacio. Nakita ng Supremo ang limitasyon ng “mapayapang pagrereporma” sa loob ng sistemang kolonyal na namumuno sa mga Pilipino noong ika-19 siglo. Ipinakita ang kahanga-hangang kabayanihan ng isang lider ng unang rebolusyong Pilipino.
Matapos ang pagpapalabas sa UP Diliman, magpapatuloy ang Pandayang Lino Brocka sa University of Sto. Tomas (UST) sa Setyembre 14, at sa iba’t ibang paaralan at komunidad ngayong Setyembre hanggang Oktubre.
