'IKA NGA SA AMIN

Aso’t Pusa


Hindi. Hindi pa pumipihit ang paksa ng kolum na ito papuntang animal rights and welfare. Hindi ko rin planong magbigay ng payo kung paano wastong aalagaan ang inyong mga hayop. Pero ganun na rin nga, tungkol ito sa kahayupan ng mga balitang  naglabasan sa tri-media at internet nitong nakaraang maaresto ang mag-asawang Benito Tiamzon at […]

Hindi. Hindi pa pumipihit ang paksa ng kolum na ito papuntang animal rights and welfare. Hindi ko rin planong magbigay ng payo kung paano wastong aalagaan ang inyong mga hayop.

Pero ganun na rin nga, tungkol ito sa kahayupan ng mga balitang  naglabasan sa tri-media at internet nitong nakaraang maaresto ang mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Austria, mga lider ng rebolusyunaryong kilusan sa bansa.

Syempre kagimbal-gimbal ang balitang ito. At dalawang institusyon ang hindi magkamayaw kung paano pagpipyestahan ang parang bagong putahe sa hapag. (Tumabi ka muna Vhong.)

*****

Ang unang naglaway siyempre ay kung sino ang nakahuli sa mga big fish, ang institusyong militar ng gubyerno ni Aquino. ‘Ika ng top brass nila, isa na naman daw tagumpay ito. At ang pagkakadakip sa matataas na lider-komunista.ay parangal raw sa mga biktima ng karahasan ng CPP-NPA.

‘Ika ni AFP chief of staff Gen. Emmanuel Bautista, “tiyak na gaganti ang NPA. Nakahanda kami.”

Wow. Parang iskrip lang ng war B-movie kung ituring niya ang gyera sa bansa.

Ang kagila-gilalas talaga ay nang buong-tapang nilang sabihin na, “Magsisuko na kayo! Hawak na namin ang lider ninyo!”

Nag-aattempt akong magpatawa. Hindi ‘yan ang eksaktong linya nila.

Pero ang nagpaguho na ng pasensya ko mismo ay ang napaka-artikulanteng kuwento ni Lt. Jim Aris Alagao ng Central Command tungkol sa mga alagang hayop ng mag-asawang Tiamzon. Diumano ay kailangang gumastos ng P14,000 kada buwan para sa mga alagang hayop ng mag-asawa.

At marami pang side story tungkol rito. Ano ang brand ng pagkain ng aso. Ano ang ipapangalan sa pusa. Under arrest raw ba ang mga hayop na ito. Aampunin daw ng AFP at ituturing nilang parang tunay na, pet.

Ay anak ng pusa’y kuting! Aakalain mo ba namang kakagatin ng media ang kwentong ito?

*****

Ang media ang ikalawang institusyon na nakinabang sa pangyayari dahil pinatulan nilang lahat ang pahayag ng AFP.

Human interest ang tawag nila riyan.

Pero people’s interest na ang nakasalang sa pagkakadakip sa matataas na lider-rebolusyunaryo sa bansa. Apat na dekada nang nagrerebolusyon ang CPP-NPA laban sa pamahalaan. Napakatagal nang labanan ng mga uri sa lipunang Pilipino.

Parang aso’t pusa.

Bakit hindi ang kalkalin ng media ay ang tunay na dahilan, ang sadyang ugat, ng labanang ito.

*****

Isa sa maagap na pumalag sa pagkakadakip sa mag-asawang Tiamzon ay ang PKM o Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid, kasaping samahan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

‘Ika ng PKM,  bago ang pag-aresto, “gumagampan sina Kasamang Benito at Wilma ng direktang pagsisiyasat at konsultasyon sa mga magsasakang pangunahing mga nasalanta at biktima ng superbagyong Yolanda.”

Dagdag pa ng PKM sa pahayag nila na may kinalaman ang gawaing ito ng mag-asawa sa kanilang ginagampanang papel bilang mga consultant sa usapang pangkapayapaan.

Paglilinaw ng PKM, nakaugnay ang trabaho ng mag-asawang lider-komunista sa usapin ng “nakabinbing substantive agenda para sa isang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER).”

CASER – big word? Malamang. Baka sa mainstream media ay mas madaling angguluhan ang breed ng aso’t pusa.

*****

Ang CASER ay yaon sanang tutukoy sa kalutasan ng ugat ng armadong tunggalian sa bansa – ang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, na ayon sa PKM ay “mga usaping ayaw pag-usapan ng GPH, ang tunay na dahilan kung bakit tusong sinasabotahe ng hacienderong rehimeng Aquino ang usapang pangkapayapaan.”

Sa panig ng NDFP,  noon pa nila iginigiit sa GPH na para humantong sa makabuluhang pagkakasundo ang negosasyong pangkapayapaan ay kailangang matalakay ang CASER.

Mahalagang agenda sa peace talk ang CASER dahil ina-address nito ang daan taon ng suliranin ng uring magsasaka sa kawalan ng lupang-mabubungkal, na siyang ultimong dahilan kung bakit may gyera sa kanayunan ng bansa. Ang hangarin para magkaroon ng lupa ang magpapaliwanag kung bakit ang mga maralita sa kanayunan ay nag-aarmas at siyang nagiging mga kumander at mandirigma ng NPA.

Kung gayon, bakit ba hindi ito ang gawing pagkakataon para ugatin at mapag-usapan kung anong apoy ang nagpapalagablab sa mga lider-komunistang ito, sa kanilang kilusan, at sa kanilang kasapian at taga-suporta kung kaya’t hanggang ngayon ay hinding-hindi sila maapula sa pagrerebolusyon.

Dahil hindi naman maaasahan na sa ganitong konteksto dadalhin ng gubyerno ni Aquino ang pangyayari, maging ng mainstream media, nagkakaroon ng tungkulin ang sambayanan na itulak ang sentro ng usapin sa kalutasan ng tunay na pinag-ugatan.

‘Ika ni Prof. Jose Maria Sison, ang ugat ng armadong rebolusyon ay hindi nalulutas ng pang-aaresto at pagbibilanggo sa mga rebolusyunaryo at/o mga lider nito.

*****

Nangyari pang noong Marso 27 ay  nadakip naman ang anak na babae ng namayapang Ka Roger, si Andrea Rosal na nagkataong buntis.

Ano ang kaya ang susunod na banner story ng mga pahayagan?

“Anak na buntis ni Ka Roger, naglilihi sa J.Co Donuts”

*****

Pero puwera biro, medyo nanindig ang balahibo ko sa serye ng mga pagdakip. Lalo na at sa susunod na buwan, sa Abril 28 ay ika-walong taon ng pagkakaaresto at pagkakabilanggo ko.

Been there. Done that.

Binansagan din ako at ang dalawa ko pang kasamahan, pati na ang driver namin at ang kapitbahay niyang magsasabong na mga high ranking leader raw kami ng NPA sa probinsya namin.

Magtatanim daw kami ng bomba sa Mendiola sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

‘Yun pala ay kami ang tataniman ng isang 9 mm pistol bilang ebidensya laban sa amin.

Pababagsakin daw namin ang gubyerno. Hindi ito napatunayan sa korte.

At saka mahirap magpabagsak ng gubyerno na iisa ang dala-dalang baril.

Kukulangin ang bilangguan sa Pilipinas kung ito ang nakikitang kalutasan ng gubyerno sa armadong paglaban ng mamamayan.

‘Ika nga sa amin, kailanman ay hindi mabibihag ang hangin. Lalo na kapag tumalakas.

*****

ikanga.saamin@gmail.com