Panitikan, Ideolohiya, Rebolusyon: Edukasyon at Pedagohiya sa Bisa ng nobelang ‘Desaparesidos’ ni Lualhati Bautista


1.  Sa unang malas, umaayaw na o natatabangan ang marami sa pagkasulyap sa salitang “ideolohiya.” Ano ba ito, propaganda o chika tungkol sa politika na hindi bagay sa okasyong itong pagsunod sa binagong K-12 curriculum. Kung inyong nabasa ang Batas at Memo ni Dir. Licuanan, nais daw hasain ang estudyante sa kritikal at malikhaing pag-iisip […]

desaparecidos ni lualhati bautista
‘Desaparesidos’ ni Lualhati Bautista

1.  Sa unang malas, umaayaw na o natatabangan ang marami sa pagkasulyap sa salitang “ideolohiya.” Ano ba ito, propaganda o chika tungkol sa politika na hindi bagay sa okasyong itong pagsunod sa binagong K-12 curriculum. Kung inyong nabasa ang Batas at Memo ni Dir. Licuanan, nais daw hasain ang estudyante sa kritikal at malikhaing pag-iisip upang itransporma ang sarili at kapaligiran. Naku, bigating layunin ito. Idiniin din na kailangan daw iakma o iayon ang turo’t aralin sa global istandard.

2. Isa sa required reading sa mga kolehiyo sa Europa & mga bansa sa Aprika at Amerika ang The German Ideology nina Marx at Engels. Tiyak na alam ng lahat na bawal ang komunistang lathalai’t usapan sa mga klasrum, laluna sa panahon ng “Cold War.” Tapos na ito sa buong mundo, pero patuloy pa rin tayo sa mentalidad ng pagbabawal. Kung sa bagay, ngayon ang panahon ng “total surveillance,” & hanggang ngayon, ang premyadong pelikulang “Orapronobis” ni Lino Brocka ay hindi pinahihintulutang maipalabas sa publiko.

Sa ano’t anuman, ang “ideolohiya” ay salitang laganap na sa iba’t ibang sangay ng aralin sa humanidades at siyensiyang sosyal. Hindi na dapat pagtalunan kung bakit mahalagang siyasatin ang kaugnayan nito sa pagtuturo. Halimbawa na nga ang inyong pagtaka o pagkamangha, kung nangyari nga, sa paglitaw nito sa programa.

3. Isa pang halimbawa: Malimit nating pasalamatan ang mga burokratang upisyal sa pagtustos sa pagpupulong tulad nito. Sa katunayan, ang dapat pasalamatan ay mga manggagawa, magbubukid at empleyadong tulad ninyo na siyang yumayari ng kayamanan ng bansa. Ang lakas-paggawa ng karaniwang mamamayan ang nagbubuwis ng halaga upang mangyari ang miting na ito, kaya sa kanila ang pasasalamat natin–hindi sa mga politiko at kanilang “pork-barrel” na nakaw sa pagod ng mga anak-pawis, bukal ng anumang kabihasnan.

4.  Sa gayon, ang ideolohiya ay hindi lamang pumapatnubay na ideya o paniniwala kundi kilos, gawi, praktika. Ito’y mga institusyong siyang gumagawa ng sabjek sa bawat indibidwal. Ang sabjek ang siyang aktor na kinikilala, nagpapasiya, kumikilos, may pananagutan.

Makikita sa relasyon ng titser at estudyante: “Hoy, makinig kayo!” giit ng guro. Awtoridad ang titser, kinatawan ng Estado at siyang nagdedeposito ng kaalaman sa basyong utak ng mga kabataan. Ito ang “banking method” ng edukasyon na tinuligsa ni Paulo Freire. Galing ito sa mahabang karanasan natin sa disiplinang pedagohikal ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano.

Sa pagsakop ng ekonomiyang nakaangkla sa “exchange value” ng trabaho, wikang Ingles ang instrumento sa paghulma ng sabjek ng malayang pamilihan–ipagbili ang lakas-paggawa kung may bibili.  Bagamat ang hangarin ng makabagong sistema ay indibidwal na may nagsasariling katwiran (“autonomous rational mind,” naisaad ni Immanuel Kant), kaiba ang resulta: ginagawang masunuring sabjek ang indibidwal sa posisyon niya sa istruktura ng lipunan.

5. Ang lipunan ay katumbas sa ugnayan o relasyon ng mga sabjek. Hindi ito kumpol lamang ng hiwa-hiwalay na inbidwal. Bawat identidad/kaakuhan–halimbawa, sabjek bilang awtor, mambabasa, guro, atbp.–ay nabubuo lamang sa loob ng ugnayang panlipunan. Samakatuwid, ang sabjek ay produkto ng pagkilala, pagtawag, interpelasyon ng diskurso, praktika, institusyon.

Hindi kaakuhan/identidad ng awtor ang pinagmumulan ng kahulugan ng akda. Iyon ay bunga ng diskurso, ng tekstong binubuo ng magkasalungatang puwersang nagsusulong sa kasayaysan.  Ang indibidwal ay ginagawang sabjek ng wika sa diskursong gamit ng mga institusyong ideolohikal. Makapangyarihan ang asignatura sa panitikang Filipino sa paglalantad ng sitwasyon kung saan ang wikang Ingles ay dominante pa rin, tanda ng poder ng modernisadong oligarkiya, na bunyag nga sa paggamit ng “mother tongue” sa unang baytang ng iskwela. Pahiwatig na sa kompitensiya ng wika, nananaig pa rin ang poder ng bangko’t korporasyong global ng U.S., Europa, Hapon, at sirkulo ng industriyalisadong bansa.  Ang poder ay naisakatawan sa wikang Ingles, o sa mga “englishes,” na bumubuhay sa gahum o hegemonya nito sa buong daigdig.

Sa pamamagitan ng mga institusyon at operasyong praktikal nito, kinikilalang sabjek ang sinuman upang makaganap ng takdang tungkulin sa isang tiyak na lugar sa kasaysayan ng lipunan. Gayundin ang awtor: batay sa institusyonalisadong praktika, ang identidad ng awtor at gawa niya ay nakasalig sa pagtawag at pagkilala sa kanya ng namamayaning pananaw–ang normatibong paniniwalang operasyonal sa gawi, batas, atbp. kung saan nakasandig ang kapangyarihan ng dominanteng uri sa hinating lipunan.

6.  Walang sitwasyon na permanente sa kasaysayan. Lapatan natin ng historikal na panimbang ang pabago-bagong pagtingin sa awtor at akdang itinuturo natin.

Namihasa tayong ipalagay na ang isang akda ay bunga ng henyo o talino ng awtor. Iba noong sinaunang panahon: ang awtor ng epiko, korido, pasyon, atbp. ay kabilang sa pangkat na naglilingkod sa lider ng tribu, ng simbahan o aristokrasya (tulad ni Balagtas). Ginagabayan sila ng kombensiyon, determinadong kodigo, at panuntunang institusyonal.

Nag-iba ito paglipas ng Renaissance; tuluyang humiwalay ang artisano’t naging negosyante ng kanyang dunong sa sinumang bibili nito. Malaya na siya sa malas, pero alipin naman ng pamilihan. Ganito pa rin ang sitwasyon ng awtor  o sinumang intelektwal (guro, peryodista, atbp) na walang pag-aari ng kailangang kagamitan upang mabuhay.

Noong ika-19 siglo, umaklas ang mga artista laban sa burgesyang orden ng kapitalismong industriyal. Batay sa romantikong pananaw, ang awtentikong galing ng manunulat ay tiwalag sa burgesyang lipunan at indibidwalistikong pamantayan nito. Itinuring na doon nagmumula ang kahulugan at katuturan ng akda.  Kalaunan, pinatingkad ito ng ideolohiya ng sistemang kapitalismo, bagamat ang normatibong mapang-angkin ay tinuligsa nina Flaubert, Zola, Dostoevsky, Gorki, Dreiser, Hemingway, atbp.

Ang rebelyon nina Villa, Abadilla, Amado Hernanez, at mga modernistang sumunod ay sintomas ng krisis ng sitwasyon ng petiburgesyang intelektwal sa neokolonyang predikamentong tumitingkad at lumalala ngayon.