Main Story Pambansang Isyu

‘COA, sangkot din sa pork barrel scam ni Napoles’


Hiniling ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa administrasyong Aquino na agarang repormahin ang Commission on Audit (COA) na ahensiyang may pangunahing ugnay sa kuwestiyonableng mga operasyon ni Janet Lim-Napoles. “Maliban sa mga senador, kongresista, opisyal ng ahensiya/departamento, mangangalakal at middle men, dapat na lamanin ng affidavit ni Napoles ang mga kontak niya sa COA… […]

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares: <strong>PW File Photo/Pher Pasion</strong>
Bayan Muna Rep. Neri Colmenares: PW File Photo/Pher Pasion

Hiniling ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa administrasyong Aquino na agarang repormahin ang Commission on Audit (COA) na ahensiyang may pangunahing ugnay sa kuwestiyonableng mga operasyon ni Janet Lim-Napoles.

“Maliban sa mga senador, kongresista, opisyal ng ahensiya/departamento, mangangalakal at middle men, dapat na lamanin ng affidavit ni Napoles ang mga kontak niya sa COA… (K)amakailan lamang nabunyag ang mahigit 10 taong operasyon (ni Napoles),” sabi ni Colmenares.

Sinabi pa ng militanteng kongresista at deputy minority leader na may mga impormante siya na nagsabing may panahon na hindi sineseryoso at hindi mapagkakatiwalaan ang mga COA report dahil dinoktor na ang mga ito para itago ang mga anomalya.

“Sa nakakalulang saklaw at lawak ng pork barrel scam, panahon na para magsagawa ng mayor na revamp sa COA, siyasatin ito at maparusahan ang tiwaling mga opisyal at empleyado dahil sino ang nagbabantay sa mga bantay?” ani Colmenares.

Makapangyarihan umano ang naturang komisyon dahil may awtoridad at tungkulin itong suriin, tuusin at bayaran ang mga utang at gastos ng gobyerno. May kapangyarihan din umano itong pigilan ang iregular at abusadong gastusin, o paggamit ng mga pondo at pag-aari ng gobyerno.

Samantala, tinututulan ng militanteng mga mambabatas ang panukalang gawing state witness si Napoles. Ayon kay Colmenares, dapat na magpokus na lamang si Napoles na sabihin ang buong katotohanan ng kanyang maanomalyang mga operasyon kakuntsaba ang mga opisyal ng gobyerno.

“Dapat na maging mapagmatyag tayo dahil hanggang ngayon maaaring may mga iareglong kasunduan para pagtakpan ang katotohanan at iiwas sa pananagutan ang mga salarin. Bilang mga mamamayan, dapat di tayo napapagot na magbantay,” sabi pa ni Colmenares.

Sa nababalitang affidavit ni Napoles, nasasangkot umano sa scam niya ang di-pa-napapangalanang 12 senador.

Dalawa sa mga senador, sina Francis Escudero at Alan Peter Cayetano ang nagsabing handa silang harapin ang mga paratang kung babanggitin man ang kanilang mga pangalan. Hinamon nila sina Justice Sec. Leila de Lima at dating Sen. Panfilo Lacson na ilabas ang pangalan ng naturang 12 senador.

Sinabi naman ni Senate Pres.Franklin Drilon na hindi umano dapat ilabas ang pangalan ng mga senador hangga’t walang “supporting documents.”

Pero giit nga ni Colmenares, hindi lang ang mga senador ang dapat na pangalanan ni Napoles kundi pati mga opisyal ng COA at kung papaano naipapalusot ng naturang ahensiya ang maanomalyang mga transaksiyon ni Napoles.