Alcala ng Agrikultura, sinampahan ng kabataan ng kasong pandarambong
Sinampahan ng mga miyembro ng Youth Act Now (YAN) ng kasong plunder si Agriculture Sec. Proseso Alcala sa di umano’y pagiging sangkot nito sa multi-milyong pork barrel scam. Sa 13-pahinang complaint-affidavit na isinumite nila sa tanggapan ng Ombudsman, kinasuhan ng mga lider-kabataan ng “systematic plunder of government resources” sa ilalim ng Republic Act No. 7080 […]

Sinampahan ng mga miyembro ng Youth Act Now (YAN) ng kasong plunder si Agriculture Sec. Proseso Alcala sa di umano’y pagiging sangkot nito sa multi-milyong pork barrel scam.
Sa 13-pahinang complaint-affidavit na isinumite nila sa tanggapan ng Ombudsman, kinasuhan ng mga lider-kabataan ng “systematic plunder of government resources” sa ilalim ng Republic Act No. 7080 si Alcala.
YAN ang pinakamalawak na grupo ng kabataan na kontra sa sistema ng pork barrel sa bansa na may mga miyembro sa iba’t ibang organisasyon ng kabataan mula Luzon, Visayas, at Mindanao.
“Sa nakalipas na mga araw, nasaksihan namin ang naunang criminal proceedings laban sa mga senador na sangkot sa pork barrel scam. Gayunpaman, hindi pa rin nagsasampa ang Palasyo – o ano man sa mga instrumento nito – ng anumang kaso sa matataas na gabinete na sangkot dito,” ani Victor Villanueva, pambansang convenor ng Youth Act Now.
Binanggit ng mga nagpetisyon ang diumano’y pagiging sangkot ni Alcala sa hindi tamang paggamit ng P36 Milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel sa paglipat nito sa isang non-government organization (NGO) na Economic and Social Cooperation for Local Development Foundation, Inc. noong termino nito bilang kinatawan ng Quezon.
Nasasangkot din si Alcala sa paglipat ng P39-M ng pampublikong pondo kay Janet Lim-Napoles at kanyang NGOs noong termino niya bilang kalihim ng Agrikultura.
“Hindi na makapaghintay ang kabataan sa gobyerno para kasuhan ang mga alyado ng administrasyon na sangkot din sa pork barrel scam,” dagdag ni Villanueva.
Hiniling din ng mga nagpetisyon sa Office of the Ombudsman na kasuhan ng plunder si Alcala dahil sa paglabag ng huli sa mga probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices at mahahalagang probisyon ng Revised Penal Code.
Binanggit din ng mga nagpetisyon ang Special Audit Report of the Commission on Audit on the PDAF at ang Mayo 26, 2014 na sinumpaang affidavit ni Napoles bilang pangunahing ebidensiya para sa pagsampa ng plunder.
“Una lamang ang kaso laban kay Secretary Alcala sa marami pang ikakaso ng YAN sa susunod na mga araw,” sabi pa ni Villanueva.
Si Florencio Abad, kalihim ng Department of Budget and Management, ang umano’y isusunod nilang kakasuhan.