Istorya ng Linggo Main Story Manggagawa

Silang gumagawa ng microchips sa iyong gaheto


Silang mga manggagawa ng NXP Semiconductors sa Cabuyao, Laguna–ang mga bumubuo ng microchips ng ating mga gaheto—ang nasa harap ng laban kontra sa kontraktuwalisasyon sa lakas-paggawa sa Pilipinas

Mga manggagawa ng NXP Semiconductors Cabuyao, Inc. na nagrali sa harap ng planta noong Hunyo 16. <strong>KR Guda</strong>
Mga manggagawa ng NXP Semiconductors Cabuyao, Inc. na nagrali sa harap ng planta noong Hunyo 16. KR Guda
Cathy Onate, lider-unyonista sa NXP Semiconductors Cabuyao, Inc. <strong>KR Guda</strong>
Cathy Onate, lider-unyonista sa NXP Semiconductors Cabuyao, Inc. KR Guda

Sila ang dahilan kung bakit gumagana ang cellphone at laptop mo—kung bakit ka nakakapag-internet, nakakapaglaro, nakakapag-text at kakatawag. Sila ang mga manggagawang gumagawa ng microchips ng naturang mga gaheto.

Isa na rito si Cathy Onate, na 18 taong nang nagtatrabaho sa NXP Semiconductors Cabuyao Inc., isa malaking planta ng semiconductors sa Pilipinas at isa sa 10 pinakamalaking semiconductor company sa buong mundo.

“Nagsimula ako sa production operation,” kuwento niya. Mahirap ang trabaho sa industriya ng electronics, aniya. Makuti ang trabaho, kailangan ng matindi at matagal na konsentrasyon. Magmula nang lumago ang industriya ng electronics noong dekada ’70 at ’80, sumami rin ang mga planta sa mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas na nag-eempleyo ng murang lakas-paggawa. Isa na rito ang planta sa Laguna ng Philips Semiconductors—ang kompanyang pinasukan ni Cathy bago ito kumalas sa multinasyunal na kompanyang Philips at naging NXP noong taong 2006.

Semiconductors at microchips ang ginagawa ng nila sa planta—microchips ng karamihan sa mga kompanyang nagmamanupaktura ng cellphones at laptops, tulad ng Apple Inc., Nokia, Siemens, Dell Computers, atbp. Gumagawa rin sila ng chips para sa security systems ng luxury vehicles.

Sa tagal ni Cathy sa trabahong ito, isa siya sa maraming manggagawa ng NXP na nagkaroon ng mataas ang kasanayan sa kanilang trabaho. Kalaunan, hanggang sa kasalukuyan, naging inspektor na si Cathy sa mga ginagawang microchips para sa cable and television. “Mata ang gamit ko sa trabaho. Walong oras akong nag-i-inspect. Tsine-check ko ang mga produkto, bago ang testing,” aniya.

Kasabay ng pag-usbong ng NXP at paglaki ng taun-taong netong kita nito (umabot sa US$4.82 Bilyon ang kinita ng kompanya noong 2013), lumakas din ang pagkakaisa ng mga manggagawa. Mula panahon ng Philips hanggang NXP na pag-aari ngayon ng kapitalistang Amerikano, tumatag at napanday ng mahabang karanasan ang unyon ng mga manggagawa rito, ang NXP Semiconductors Cabuyao Inc. Workers’ Union (NXPSCIWU).

Nakakapaggiit sila ng kanilang mga karapatan. Sa mga collective bargaining agreement (CBA), matagumpay na nagiit nila ang taas-sahod sa mga manggagawa.

Sa tabi ng mga guwardiyang bantay ng planta, masigla ang protesta ng mga manggagawa. <strong>Macky Macaspac</strong>
Sa tabi ng mga guwardiyang bantay ng planta, masigla ang protesta ng mga manggagawa. Macky Macaspac

Paggiit ng taas-sahod

Ngayong taon, muling naharap ang unyon sa CBA.

Bilang bise-presidente ng unyon, isa si Cathy sa mga negosyador na kaharap ng manedsment. Muli, at tulad ng inaasahan, giniit nila ang makatwirang dagdag-sahod na 8 porsiyento sa sahod. Bukod dito, ipinaglaban nila ang pagreregularisa ng maraming kontraktuwal na mga manggagawa.

Sa pagkakataong ito, tila desidido ang manedsment na hindi ibigay ang hiling ng mga manggagawa. Desidido silang pahinain ang posisyon ng unyon. Desidido silang “putulan ng ulo” ang unyon, kumbaga. Noong Mayo 8, batay sa pagliliban ng mga unyonista sa legal na holidays noong Abril 8, 17 at 19 at Mayo 1 (Labor Day pa), tinanggal ng manedsment ang 24 lider-unyonista. Kasama rito si Cathy.

Pero hindi nanahimik o nangimi ang unyon. Mahigit 1,500 ang kanilang miyembro, at madaling umusbong ang bagong mga lider mula rito. Samantala, isang internasyunal na kampanya para sa pagbalik sa trabaho ng 24 ang inilunsad—na tila’y yumayanig ngayon sa naturang planta sa Pilipinas, pati ang mismong special economic zone na kinalulugaran nito.

Isa sa ipinaglaban ng unyon ang karapatan ng mga kamanggagawa na di makapagmiyembro rito—ang kontraktuwal na mga manggagawa sa NXP.

Paggapang ng kontraktuwalisasyon

Noong 2007, magsasara ang isang departamento namin, kaya kailangan ng isang transition. Umabot kami ng 700 hanggang 800 contractuals,” kuwento ni Cathy.

Ito umano ang pinakamaraming bilang ng mga kontraktuwal sa kompanya—noon. Habang inililipat kasi silang mga regular sa ibang departamento, kailangang kumuha ng mga kontraktuwal para magpatuloy ang operasyon ng isasarang departamento. “Kasama ako sa mga inilipat,” aniya.

Masusing binantayan ng kanilang unyon ang kilos ng manedsment. “Hindi man nila (manedsment) hinihingi ang permiso namin, mabilis kaming nakikipagdiyalogo kapag napapansin nilang dumarami ang kontraktuwal. Iyung mga regular din kasi ang nagsasanay sa mga kontraktuwal, kaya, ani Cathy, napipilitan ang manedsment na magpaliwanag kung bakit sila nag-eempleyo ng mga kontraktuwal.

Batid nina Cathy at ng regular na mga manggagawa at miyembro ng unyon na hindi nila kaaway ang mga kontraktuwal. Dahil sa hirap ng buhay, marami naman talaga ang napapasok sa kontraktuwal na mga trabaho, kahit sobrang baba ang sahod, walang benepisyo at walang kaseguruhan kung bukas o makalawa’y may trabaho pa sila. Sa mga negosasyon sa CBA, pinepresyur ng unyon ang manedsment na gawing regular ang mga kontraktuwal.

Gayunman, ang pinagbabantayan umano nila, ang unti-unting tanggalin ang mga regular para palitan ng mga kontraktuwal. “Kung sa sahod, sa isang regular kasi, ang katumbas ay hanggang tatlong kontraktuwal,” ani Cathy. Ibig sabihin, malaki ang matitipid ng manedsment; mas malaki ang kikitain ng mga kapitalista at malalaking shareholders ng kompanya. Ang problema lang ng manedsment, dahil highly skilled sina Cathy, hindi nila basta-basta mapalitan ang mga regular.

Pero pagpasok ni Pang. Benigno Aquino III, tila mas nabigyan ng kumpiyansa ang NXP management na planuhin ang unti-unting pagkokontraktuwalisa ng mga manggagawa sa Cabuyao plant.

Manggagawa sa harap ng barbed wire fence na nakapalibot ngayon sa planta ng NXP. <strong>KR Guda</strong>
Manggagawa sa harap ng barbed wire fence na nakapalibot ngayon sa planta ng NXP. KR Guda

Binabarat na lakas-paggawa

Bago pa man umupo sa poder si Aquino, matagal nang pang-akit ng gobyerno ang murang lakas-paggawa (cheap labor) ang pag-akit sa foreign investors na magnegosyo sa bansa.

Taong 1989 pa ipinasa ng Kongreso ang Republic Act No. 6715, na nag-amyenda sa Labor Code at tinaguriang “Herrera Law”. (Ipinangalan ito sa senador na tagapanguna nito at lider noon ng “dilawang” Trade Union Congress of the Philippines.) Isa sa mga pangunahing laman ng Herrera Law ang paglatag ng legal na batayan para sa “contractual work arrangements”, ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler).

Ayon sa Eiler, pinadali ng Herrera Law ang pagkuha ng mga kompanya ng kontraktuwal na lakas-paggawa. “Mistulang pinakamalalang bangungot sa mga manggagawang Pilipino ang Herrera Law, sa panahong sinasabi raw na binalik na ang demokrasya matapos ang pag-aalsang EDSA 1,” sabi ni Anna Leah Escresa, executive director ng Eiler. “Sa unang pagkakatao, nilegalisa ng batas ang kontraktuwalisasyon na naging matinding banta sa karapatan ng mga manggagawa sa seguridad at disenteng sahod.”

Kabilang pa sa nilegalisa ng Herrera Law ay ang assumption of jurisdiction o AJ, na nagbibigay-kapangyarihan sa Department of Labor and Employment na makialam sa isang labor dispute. Ani Escresa, kadalasang ginagamit ito para ipuwersa ang mga manggagawang nagwewelga na bumalik sa trabaho. Sukdulang ginagamit pa ng DOLE ang pulisya o militar, sa maraming pagkakataon.

Pinakalagim na halimbawa nito ang AJ order ng DOLE sa mga nagwewelgang manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong 2004 na nagresulta sa pagmasaker ng mga pulis at militar (at armadong tauhan ng pamilyang Cojuangco) sa pitong welgistang manggagawang bukid.

Alipin sa engklabo

Paggiit ng mga manggagawa na makapasok sa LISP 1. <strong>Macky Macaspac</strong>
Paggiit ng mga manggagawa na makapasok sa LISP 1. Macky Macaspac

Noong 1999, pinasa naman ng Kongreso ang Republic Act. No. 8748, na nag-amyenda sa RA 7916 na nagtatakda ng special economic zones o ecozones.

Sa mga lugar na ito, tinagurian ngayong mga “engklabo”, maaaring magtayo ang multinasyunal na mga kompanya ng kanilang mga planta at mag-empleyo ng mga manggagawang Pilipino. Maraming insentibo ang gobyerno para magtayo sila ng planta; kabilang dito ang tax holidays, o matagal na panahong di kailangan ng mga kompanyang ito na magbayad ng buwis sa gobyerno.

Ang isa pang susing katangian ng mga engklabo: mura ang lakas-paggawa rito. “Nagpapatupad ang mga export processing zones (isang kataga ng ecozones) ng no union-no strike policy,” sabi ni Daisy Arago, executive director ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR).

Matatagpuan ang planta ng NXP Semiconductors sa Light Industry and Science Park (LISP) 1, isang pribadong engklabo sa Cabuyao. “Sa kabila ng polisiyang ito, isa ang NXPSCIWU sa iilang independiyenteng mga unyon na nabubuhay kahit nasa loob ng isang EPZ,” sabi pa ni Arago. Hinala pa niya, sadyang hakbang ang pagtanggal sa 24 lider-unyonista para pahinain ang pag-uunyon sa ecozones. Malamang, dagdag ni Arago, suportado ito ng Philippine Export Processing Zone Authority (PEZA), ang ahensiya ng gobyerno na nangangasiwa sa ecozones.

Sinabi ni Cathy na nitong taong 2014 nila unang napansin ang tila di-maipaliwanag na pagdami ng kontraktuwal na mga manggagawa sa planta ng NXP sa Cabuyao. “Halos nagdoble ang bilang nila. Aabot na siguro ito sa 2,000 ngayon,” aniya.

Patuloy din ang pagtulak ng manedsment sa regular na mga mangagawa na sanayin ang mga kontraktuwal sa trabaho nilang mga regular. Pinatotoo ito ni Reden Alcantara, isang laboratory assistant na 15 taon nang nagtatrabaho sa NXP Cabuyao. “Tinutulak ako (ng manedsment) na sanayin ang mga kontraktuwal sa trabaho ko,” ani Reden. Pero dahil Pangulo siya ng unyon, abala siya sa mga gawain nito; hindi siya napuwersang sanayin ang mga kontraktuwal.

Tiyak, ani Reden at Cathy, na bahagi ito ng plano ng NXP management na tanggalin na ang regular na mga manggagawa at palitan ng mga kontraktuwal. Katunayan, sa pagliban ng halos 1,500 miyembro ng unyon sa legal holidays noong Abril 8, 17 at 19 at Mayo 1, nagsampa ang manedsment ng kasong illegal strike laban sa kanila sa National Labor Relations Commission.

Iyung mga tenured na miyembro ng unyon, mga 1,500 empleyado. Umabot sa 75 porsiyento sa amin, papalo na ng 20 taon sa kompanya. Kalahati (ng 1,500) ay retirable na sa sunod na taon,” paliwanag ni Cathy. Ibig sabihin, kalahati ng mga retirable ang kinakasuhan ng manedsment ng illegal strike at gustong tanggalin. “Kalakhan ay may binabayaran pang bahay sa Pagibig.”

Kung sakaling tanggalin nga nila ang kalahati ng mga unyonista, malaki pa ang kikitain ng kompanya mula sa di ibibigay na retirement benefits.

Martsa, ng mga lider-manggagawa at tagsuporta mula sa iba't ibang sektor, sa loob ng engklabo sa Cabuyao, Laguna patungo sa planta ng NXP. <strong>KR Guda</strong>
Martsa, ng mga lider-manggagawa at tagsuporta mula sa iba’t ibang sektor, sa loob ng engklabo sa Cabuyao, Laguna patungo sa planta ng NXP. KR Guda

Suporta ng gobyerno—sa kapitalista

Tinatayang may apat nang pribadong labor outsourcing na mga kompanya ang pinagkukuhanan ngayon ng NXP Cabuyao ng kontraktuwal na mga manggagawa.

Noong Mayo 1, isa sa mga kompanyang ito, ang Testech Inc., ang unang binisita pa mismo ni Pang. Benigno Aquino III—malinaw na tatak ng approval ng Pangulo sa laganap na kontraktuwalisasyon, kabilang ang nagaganap sa NXP, ayon kay Reden.

Noong 2011, pinasa ng DOLE ang Department Order 18-A, na sinasabi ng gobyerno na may layuning wakasan daw ang pangongontrata ng mga kompanya ng limang buwan lamang (bago umabot ang anim na buwan kung kailan kailangan nang iregularisa ang manggagawa, ayon sa batas), o ang iskemang 5-5-5. Pero, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang ginawa lamang ng mga kompanya ay pinaikli lalo ang mga kontrata. Lusot na sila. Samantala, lalong pinalakas ng naturang department order ang paglelegalisa sa kontraktuwalisasyon.

“Hindi kami service-oriented; manufacturing kami,” sabi ni Cathy sa katangian ng trabaho nila sa NXP. Dahil dito, matataas ang antas ng skills na kailangan para magawa ng manggagawa ang trabaho. “Kaya kahit inanunsiyo nilang Mayo 15 ang tanggalan (sa ibang manggagawa), hindi nila magawa. Kasi ang skills hindi pa mai-transfer sa mga kontraktuwal.”

Pero dahil sa napapalapit na pagretiro ng maraming regular na manggagawa, at dahil siyempre sa direktang suporta ng gobyerno na nagtutulak ng neoliberal na polisiya na mababang pasahod para maakit ang dayuhang mga mamumuhunan, nariyan ang banta sa kanilang mga trabaho.

Sa kabila nito, patuloy ang paglakas ng laban ng mga manggagawa. Sa ilalim ng kampanyang #BringBackNXP24, dumarami ang bilang ng mga tagasuporta nina Cathy at Reden, sa loob at labas ng unyon. Noong Hunyo 16, nagsagawa ng karaban ang mga manggagawa at tagasuporta mula sa iba’t ibang sektoral na organisasyon, patungong Cabuyao. Sa kabila ng mga harang at presensiya ng pulisya, muling nakapasok ang daan-daang katao sa LISP 1 para magprotesta. Pinrotesta din nila ang tanggapan ng DOLE, na anila’y kasabwat ng dayuhang mga kapitalista at manedsment ng malalaking kompanya tulad ng NXP sa pag-atake sa karapatan ng mga manggagawa.

Bukod sa chants na ibalik ang 24 lider-unyonista, isa sa mga isinigaw nina Cathy, pagpasok sa engklabo sa Cabuyao, sa panahong papalabas ang isang shift ng mga manggagawa sa iba’t ibang planta sa LISP 1: “Mga kapwa manggagawa, mag-unyon tayo!”


Video ng bisita ni Aquino sa Testech Inc. sa Laguna: Mula sa Radio Television Malacanang

 


SIDEBAR

‘Pinas ang isa sa pinakamasahol na bansa para sa mga manggagawa’

Kontra kontraktuwalisasyon: Mga lider-unyonista na sina Reden Alcantara ng NXP at Ian Ordono ng Hoya Glass. <strong>KR Guda</strong>
Kontra kontraktuwalisasyon: Mga lider-unyonista na sina Reden Alcantara ng NXP at Ian Ordono ng Hoya Glass. KR Guda
Kung manggagawa ka sa Pilipinas, maghanda ka para sa pinakamalupit na kondisyon sa paggawa.
  
Ito ang sinabi ng International Trade Union Confederation (ITUC), isang pandaigdigang grupo ng trade unions. Ayon sa kanilang Global Rights Index para sa taong 2014, maituturing ang Pilipinas sa pinakamasahol na lugar para sa mga manggagawa. Dahil ito sa mahaba at malalang rekord ng bansa ng pagdurog sa mga unyon, bilang ng kontraktuwal na mga manggagawa, kawalan ng seguridad sa trabaho, pagbuwag sa welga, at iba pa.
 
“Ang Pilipinas ngayon ang isa sa nagpapatupad sa mga paglabag sa ILO (International Labour Organisation) Convention 87 — ito yung right to organize. Ito ay tampok lalung lalo na sa export-processing zones,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa isang panayam ng Pinoy Weekly.
 
Sinabi pa ni Labog na walang batayan ang deklarasyon ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz, na matapos lumabas ang Global Rights Index ng ITUC ay nagsabing wala naman daw problema ang mga manggagawa sa Pilipinas.
Pinatotoo ng nilalabanan ngayong pagtanggal sa 24 lider-manggagawa ng NXP Semiconductors Cabuyao Inc. ang obserbasyong ito ng ITUC, sabi pa ni Labog.
 
Bukod dito, nariyan din ang naganap sa Carina Apparel, kompanya ng textile na biglang nagsara ng planta at nagtanggal ng libu-libong manggagawa, sa kabila ng pag-uunyon ng mga ito.
 
Halimbawa rin ang naganap kamakailan sa Hoya Glass Disk. Ayon kay Ian Ordono, lider-manggagawa sa Hoya Glass, katatatag pa lamang ng kanilang unyon nang ianunsiyo ng manedsment ang pagtigil nito ng operasyon–isang laganap na taktika ng mga kompanya para muling gawing kontraktuwal ang mga manggagawa at ipagkait sa kanila ang pag-uunyon. Sinampahan na ng unyon ng kaso ang kompanya na illegal closure.
 
Hoya ang gumagawa ng ilang component na ginagamit sa hard disk drives ng mga computer.
 
Ang sinasabi ng manedsment, nalulugi ang kompanya. “Tatlong taon na sunud-sunod na nalulugi dapat. Pero sa financial statements nito, tatlong sunud na tumubo. Taong 2013, mas lalong tumubo. Napakalaking question mark sa amin kung bakit nila ginawa ito,” ani Ordono.
 
Ang malinaw, nawalan ng hanapbuhay ang halos 2,000 manggagawa.