Main Story Manggagawa

‘No one is above d’ law (dilaw)’


Nagpakita ng lakas ang mga empleyado ng Hudikatura para iprotesta ang anila’y “panggaganti” ng Malakanyang sa 13-0 desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara na labag sa Saligang Batas ang ilang bahagi ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng administrasyong Aquino. Bilang simbolo ng kanilang protesta, lumabas sa harap ng Korte Suprema at Court of Appeals ang […]

Court of Appeals sa Manila. <strong>Darius Galang</strong>
Court of Appeals sa Manila. Darius Galang

Nagpakita ng lakas ang mga empleyado ng Hudikatura para iprotesta ang anila’y “panggaganti” ng Malakanyang sa 13-0 desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara na labag sa Saligang Batas ang ilang bahagi ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng administrasyong Aquino.

Bilang simbolo ng kanilang protesta, lumabas sa harap ng Korte Suprema at Court of Appeals ang mga empleyado nitong Hulyo 21, Lunes, at naglagay ng pula at itim na laso. Sumasagisag umano ito ng kanilang paglaban at pagdadalamhati sa “bullying” ng administrasyong Aquino.

Dala ng ilan ang islogang ‘No one is above D’ Law (dilaw)”. Tinutukoy nito ang legal na prinsipyo na walang tao na mas makapangyarihan sa batas—habang pinatutukuyan din ang kulay na dilaw na sumisimbolo sa administrasyong Aquino.

“(K)ailangan nang magsalita (ang mga empleyado ng Hudikatura),” sabi ni Jojo Guerrero, tagapangulo ng Judiciary Employees Association (Judea). Kinondena ng mga empleyado ang anila’y “diktadura ng dilawan” sa pagmamatigas ng administrasyong Aquino na nakaayon sa Saligang Batas ang DAP, samantalang malinaw ang tindig dito ng Korte Suprema.

Kinondena rin nila ang tila paghahamon ni Pangulong Aquino sa Korte Suprema nang nagtalumpati siya para depensahan ang DAP noong Hulyo 15.

Anila, di-makatarungan na pinagdidiskitahan ng Malakanyang ang Judiciary Development Fund (JDF), isang pondo sa loob ng hudikatura na pinagkukunan ng benepisyo para sa mga empleyado ng naturang sangay ng gobyerno.

“Ang pag-alis sa JDF ay pag-alis na rin ng lehitimong mga benepisyo ng mahigit 30,000 empleyado ng Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals at trial courts,” pahayag ng Judea.

Press conference ng Judea sa Court of Appeals nitong Hulyo 21. <strong>Darius Galang</strong>
Press conference ng Judea sa Court of Appeals nitong Hulyo 21. Darius Galang

Kaibahan sa DAP

Paliwanag ni Amiel de Vera, tagapangulo ng Association of Court of Appeals Employees, aabot sa 80 porsiyento ng JDF ay napuunta sa mga benepisyo na natatanggap ng rank and file employees.

Hindi katulad ng DAP, hindi dumadaan sa “cross-border transfer” o paglilipat ng pondo mula sa isang ahensiya–kung saan ito inilaan ng Kongreso—patungo sa isa pa. Ang naturang transfer ang isa sa mga katangian ng DAP na idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas.

Sinabi ng abogadong si Rene Enciso, tagapangulo ng Supreme Court Lawyers-Employees (Scale), na nagmumula ang JDF sa perang nalilikom mula sa mga kaso at hindi sa buwis.

Paliwanag pa ni Nene Rafael, tagapangulo ng Manila Metropolitan Trial Court Employees Association, na wala pa sa 1 porsiyento ang tinatanggap ng Hudikatura sa Pambansang Badyet na binubuo ng Ehekutibo, kaya obligado silang pagtipirin ang maliit na badyet na ito.

“Ikumpara naman ang ilang libong natatanggap ng mga manggagawa mula rito sa milyon na natanggap ng iilan mula sa DAP,” dugtong ni Rafael.

Sinabi naman ng Judea na magkabaliktad ang DAP at JDF, dahil ang DAP ay mula sa natitipid ng mga ahensiya na may bahaging inilalaan sana para sa mga benepisyo ng mga empleyado pero isinesentro sa Pangulo. Samantala, ang JDF ay natipid na pondo ng Hudikatura na kalakhan ay inilalaan sa mga bepensiyo ng mga empleyado ng sangay na ito.

Hindi sila nag-iisa sa laban na ito, pagkat nagkakaisa rin ang mga kawani ng gobyerno sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, paliwanag pa ni Guerrero.

Protesta ng mga empleyado ng Hudikatura sa Memorandum Order No. 23-2014 ng Bureau of Internal Revenue. <strong>Darius Galang</strong>
Protesta ng mga empleyado ng Hudikatura sa Memorandum Order No. 23-2014 ng Bureau of Internal Revenue. Darius Galang

Dagdag-buwis sa kawani

Kasabay na tinututulan din ng Judea at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage ang Memorandum Order No. 23-2014 ng Bureau of Internal Revenue.

Naglalayon ang naturang memoramdum na patawan ng buwis ang “fringe benefits” ng mga empleyado ng gobyerno, na aabot sa 30 hanggang 32 porsiyento. Ipinatupad na ito magmula noong Hulyo 7.

Naghahanda na ring magpetisyon ang mga kawani ng gobyerno, kabilang ang mga kawani ng Hudikatura, para itigil ang implementasyon ng naturang memorandum, na anila’y lalong panggigipit sa kanilang hanay.

Sinabi ng mga kawani, kasama rin sila sa mga magtitipon rin malapit sa Sandiganbayan sa susunod na Lunes, Hulyo 28, araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, para batikusin ang administrasyong Aquino sa panggigipit sa mga kawani at sa iba pang “kontra-mamamayang” hakbang nito.