Main Story Manggagawa

Luistro ng DepEd, nangakong susuporta sa dagdag-sahod ng guro

Panghahawakan ng mga guro ang kanyang pangako. Ito ang sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) bilang reaksiyon sa paghayag ng suporta ng Department of  Education (DepEd) sa pangunguna ni Sec. Armin Luistro sa laban ng mga guro para sa dagdag-sahod. Inihayag ni Luisitro ang naturang pangako sa diyalogo sa pagitan ng mga guro ng […]

Nakipag-selfie mismo si Department of Education Sec. Armin Luistro sa mga guro kaugnay ng kanilang panawagan para sa dagdag na sahod.Pher Pasion
Nakipag-selfie mismo si Department of Education Sec. Armin Luistro sa mga guro kaugnay ng kanilang panawagan para sa dagdag na sahod.Pher Pasion

Panghahawakan ng mga guro ang kanyang pangako.

Ito ang sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) bilang reaksiyon sa paghayag ng suporta ng Department of  Education (DepEd) sa pangunguna ni Sec. Armin Luistro sa laban ng mga guro para sa dagdag-sahod.

Inihayag ni Luisitro ang naturang pangako sa diyalogo sa pagitan ng mga guro ng ACT at ng nasabing ahensiya noong nakaraang linggo.

“Aking posisyon, ang DepEd (ay) dapat itulak kung ano ang suweldo na nararapat sa mga guro. Ako dapat ang maging tulay para ang inyong mga hinaing ay maipaabot,” ayon kay Luistro.

Magiging mapagmatyag umano ang mga guro, lalo’t wala pang anumang dagdag-sahod ang mga guro mula nang maupong pangulo si Benigno Aquino III noong 2010. Panahon pa ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo unang ipinatupad na dagdag-sahod sa kanilang mga guro, ayon kay Benjie Valbuena, tagapangulo ng ACT.

Wala sa 2015 badyet

Bagamat walang inilaang pondo ang administrasyong Aquino para sa dagdag-sahod ng mga kawani ng gobyerno, kabilang ang mga guro, sa panukalang 2015 badyet, nangako si Luistro na makikipagtulungan siya sa ACT para maidagdag ito sa supplemental budget.

Sinabi ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na sa karanasan niya sa mga deliberasyon sa badyet, hindi basta-basta napapalitan nakakapagdagdag ng karagdagang alokasyon kapag ipinasa na ng Kongreso ang badyet. Pero optimistiko naman ang mambabatas na baka maaari nga ang hakbang na iminumungkahi ni Luistro.

ACT Teacher's Partylist Rep. Antonio Tinio habang tinatanong si Sec. Luistro kaugnay ng mga problema ng mga guro.Pher Pasion
Tinanong ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio si Sec. Luistro kaugnay ng mga problema ng mga guro. Pher Pasion

We can explore that. Positibo naman dito ang pahayag ni Bro. Armin na susuportahan n’ya ang laban ng mga guro at iba pang kawani para sa salary increase. So panghahawakan namin ‘yan,” ayon kay Tinio, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Kasalukuyan namang tinatalakay ang House Bill 245 ng ACT Teachers Party-list sa Kamara na naglalayong taasan ang sahod ng mga guro sa P20,000 mula P18,549 at para naman sa mga kawani na P15,000 mula P9,000.

Dagdag ni Tinio, di kailangan ng batas para ma-adjust ang suweldo ng mga nasa gobyerno kung ang ginawa ng nakaraang mga administrasyon ang pagbabatayan.

“Noong panahon ni (Pang. Joseph Estrada), nag-approve ang gobyerno ng 10 percent increase noong 2000-200… Noong 2008, year before the SSL3 was passed, nagbigay ng 10 percent adjustment si GMA through executive order. Ang nangyari hindi binago ang batas inadjust lang ng by 10 percent yung rates,” ayon kay Tinio.

Hindi na rin umano tatanggapin ng mga guro ang sasabihin ng gobyerno na walang pondo para sa dagdag na sahod. Matapos ito ng paglitaw ng eskandalo ng  bilyung-bilyong pisong pork barrel gaya ng Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program (DAP).

“Ang isa sa mga dehado sa DAP ang mga government personnel, kasi ‘yung savings na dapat ipambayad sa benepisyo, hindi nagamit at ginamit sa iba. Ang point, malaki ang savings at ito nga puwedeng gamitin para sa pagpondo sa salary increase,” ayon kay Tinio.

Nasa P500 Bilyon naman ang lump sum funds na sa halip na gamiting mala-DAP ay maaaring gamitin para sa dagdag sa suweldo, ayon sa ACT.

“At kung si President Aquino is honest and sincere na kami ang boss n’ya, ilaan niya itong P500 Bilyong Special Purpose Funds (para sa salary increase), sa pamamagitan ng executive order o administrative order, without necessarily passing the legislation. Katulad (ito) ng ginawa ni Estrada–for two years, dalawang beses si Estrada na nakapagbigay ng increase by virtue of executive order,” ani Valbuena.

DepEd, ayaw din daw sa RPMS

Inireklamo rin ng mga guro ang Results-based Performance Management System (RPMS) dahil nagpapahirap lamang umano ito sa mga guro at maaari pang gamitin para tanggalin sila sa trabaho.

Pero paglilinaw ng DepEd, hindi raw ito makaapekto sa sahod at benepisyo ng mga guro. Tutol din daw dito ang nasabing ahensiya dahil “hindi ito aplikable” sa mga guro.

Sec. Luistro habang nagpapaliwanag sa mga tanong ng mga guro.Pher Pasion
Sec. Luistro, nagpapaliwanag sa mga tanong ng mga guro. Pher Pasion

Sa RPMS na inilabas para sa mga kawani ng pamahalaan kabilang ang mga guro, kinakailangan makamit ang isang empleyado ang kanyang target output para makagawaran ng 130 porsiyento o ver satisfactory na rating. Ang rating umano na ito’y maaaring makaapekto sa mga benepisyo, at maging sa trabaho, ng isang empleyado.

Kung magkakaroon raw kasi ng dalawang unsatisfactory na marka ang isang kawani o guro, puwedeng maging batayan ito para matanggal siya sa trabaho.

“Pinayagan tayo na hindi i-link ang performance o evaluation ng teachers sa PBB (performance based bonus). Kung ang resulta ng RPMS ay makakaepekto sa incentives n’yo? Wala po yun. Wala pong link sa PBB,” ayon kay DepEd Usec. Lino Rivera.

Matatanggap din umano ng mga guro ang kanilang PBB sa huling linggo ng Setyembre ngayong taon. Pero tutol pa rin ang ACT sa PBB dahil mapanlinlang at mapanghati umano ito sa kanilang mga guro.

Ayon naman kay Luistro, lilinawin nila sa ilalabas na memo ang tungkol sa RPMS dahil maaaring nagkalituhan sa implementasyon.

Ayon naman kay Rivera, kausap na umano nila ang Civil Service Commission kaugnay ng RPMS dahil hindi magiging aplikable ang 130 percent output na sinasabi dito.

LIS, problemadong sistema

Humingi naman ng paumanhin ang DepEd sa problema sa implementasyon ng Learners Information System (LIS) o ang pag-uupload ng mga guro sa records ng kanilang mga estudyante sa website ng DepEd.

Lagi umano itong down o hindi ma-access dahil sa laki at dami ng nag-a-access at nag-u-upload dito.

Pero hindi lamang umano ito ang problema ng LIS, ayon sa ACT. Dagdag lamang umano ito sa marami nang trabaho ng mga guro sa paaralan at bahay. Pinagmumulan pa umano ito ng dagdag na gastos ng mga guro lalo na sa mga computer illiterate at yung mga walang access sa internet sa paaralan man o sa bahay.

May naitalang kaso ang ACT na nakunan ang isang guro mula sa pagbubuntis dahil sa madaling araw niyang  pagpupuyat para sa LIS. Pinagmumulan din umano ito ng away at pagtatalo sa pamilya dahil nadagdagan ang kanilang trabaho.

Mga opisyal ng Alliance of Concerned Teachers at mga opisyal ng DepEd na humarap sa dialogo.Pher Pasion
Mga opisyal ng Alliance of Concerned Teachers at mga opisyal ng DepEd na humarap sa diyalogo. Pher Pasion

Pero ayon kay Luistro, nasa 80 porsiyento na ang nakapagpasa nito. At malaki umano ang maitutulong nito para hindi na paulit-ulit ang paglilista sa records ng mga mag-aaral.

Magiging flexible din daw ang DepEd sa deadline para dito.

Tinanong naman ni Tinio kung masisiguro ba ang kaligtasan at privacy ng records ng mga bata. Sinuguro naman ni Luistro na malinaw na naipaabot nila na ginawa ito hindi para magkaroon diskriminasyon sa mga bata at kung paano gagamitin ng tama ang mga datos sa kanilang internal guidelines.

Iba pang problema

Tinalakay din sa diyalogo ang iba pang hinaing ng mga guro. Kabilang dito ang sinasabi ni Luistro na pabahay para sa walang-bahay na mga guro.

Gayundin, ipinagmalaki ni Luistro ang pakikipag-usap sa Landbank na babaan ang interes ng pautang sa mga guro sa 10.5 percent sa huling Memorandum of Agreement (MOA) umano nila sa nabanggit na bangko. Kakausapin din umano nila ang iba pang bangko ng gobyerno na tapatan ito.

Pagdating sa magna carta for teachers for health care, ibinida ni Luistro ang pakikipag-usap nito sa Department of Health para sa implementasyon ng libreng annual check-up para sa mga guro.

Pagdating sa tinatanggal na mga benepisyo, pinaboran din daw ni Luistro ang panig ng mga guro para sa allowances.

Paghaharap ng mga guro at opisyal ng DepEd sa ginanap na dialogo.Pher Pasion
Paghaharap ng mga guro at opisyal ng DepEd sa ginanap na diyalogo. Pher Pasion

Ipinaabot naman ni France Castro, pangkalahatang-kalihim ng ACT, ang militarisasyon sa kampus dulot na rin ng EO 221 ng DepEd na nagpapahintulot umano sa mga militar na magkaroon ng mga aktibidad sa mga paaralan.

Nakapagtala umano ang ACT ng mga kaso ang operasyong militar sa mga paaralan na nagdudulot ng paglabag sa karapatan ng mga bata at guro.

Mismong si Tinio ang nagsabi nang kanilang mariing pagtutol sa nasabing memo ng DepEd dahil kinukunsinti umano nito ang pagkakaroon ng mga operasyon sa mga paaralan na naglalagay sa buhay ng mga mag-aaral at guro sa panganib.

Sinabi ng DepEd na pinagbabawalan ng EO 221 ang operasyong militar sa mga paaralan at hindi ito nagpapahintulot tulad ng binabanggit. Pero hindi nito napipigilan ang kasalukuyang gawain ng militar na pagkakampo sa mga eskuwelahan.