Main Story Pambansang Isyu

Mga Abuso ng Tropang Kano Noong Batas Militar


Umaasa pa ba kayong mapipitik man lamang sa bayag ng ating mga batas ang marinong Amerikanong si Joseph Scott Pemberton na pumatay diumano kay Jennifer Laude kamakailan sa Olongapo? Nang nasa Pilipinas pa ang mga base militar ng Amerika sa Sangley Point, Cavite, sa Subic Bay, Olongapo, at sa Clark Field, Pampanga, mga 30 kaso mulang pagpatay […]

Subic, noong base militar pa ito ng mga Kano www.maritimequest.com
Subic, noong base militar pa ito ng mga Kano www.maritimequest.com

Umaasa pa ba kayong mapipitik man lamang sa bayag ng ating mga batas ang marinong Amerikanong si Joseph Scott Pemberton na pumatay diumano kay Jennifer Laude kamakailan sa Olongapo?

Nang nasa Pilipinas pa ang mga base militar ng Amerika sa Sangley Point, Cavite, sa Subic Bay, Olongapo, at sa Clark Field, Pampanga, mga 30 kaso mulang pagpatay at pambubugbog hanggang panggagahasa noong dekada ’60 lamang ang kinasangkutan ng mga “puting unggoy” na nakaunipormeng marino. Tingnan na lamang ang mga sumusunod bilang halimbawa:

1. Noong 1968, basta na lamang binaril at napatay ng marinong si Kenneth Smith si Rogelio Gonzales, isang limpiya bota (shoe shine boy) na nagnanakaw diumano ng bisikleta sa tarangkahan ng base nila sa Sangley Point;

2. Noon ding 1968, binaril at napatay ng marinong si Michael Moomey si Glicerio Amor habang nakatalungko at umiinom sa isang sapa sa sakop ng base militar ng Amerika sa Subic Bay dahil napagkamalan diumanong baboy-ramo;

3. Noong 1970, ipinagsakdal sa salang pangingidnap na may tangkang panggagahasa ang mga marinong sina Ronald McDaniel, Cecil Moore, Bernard Williams at Hiawatha R. Lane, pawang mga miyembro ng nakilala’t kinatakutang Col. Averill Holman’s Gestapo Unit sa Clark Field.

4. Noon ding 1970, nilapitan ng anim na sundalo ni Holman ang anim na sibilyang empleyado sa loob ng Clark, dalawa ang babae, hiningan ng mga ID at agad pinagbubugbog at pinaghihipuan ang dalawang babae.

5. Sa loob din ng Clark, noon ding dekada ’70, limang obrerong Pilipinong papunta sa gusali ng inhenyeriya ang basta na lamang ginulpi ng dalawang marinong Amerikano. Nakapagpakita pa ng ID ang isa, pero itinapon iyon ng isang marino sa imburnal at iniutos sa Pilipino na kunin iyon. Nang kinukuha niya iyon, bigla siyang sinipa ng isang marino at napangudngod siya sa imburnal.

6. Muli, isang hapon, isang Pilipinong nangungumpay ng damo sa labas ng bakod ng Clark ang nilapitan ng dalawang Amerikanong nakauniporme ng fatigue at basta na lamang sinipa. Sumigaw ang biktima, humingi ng saklolo, pero tinakpan ang kanyang bibig, saka muling pinagsisipa. Pagkatapos, inihagis ang biktima sa loob ng bakod, isinakay sa isang naghihintay na jeep, tinadyakan pa ang bibig ng Pilipino na ikinalagas tuloy ng tatlong ngipin.

Nang dadalhin na siya sa tanggapan ng seguridad ng Clark, nasalubong ang 18 sundalong Amerikanong nakapulang tsapa na agad na naghalihalili sa paggulpi sa kahabag-habag na Pilipino. (Mula sa peryodikong THE WHIG — isang publikasyong Amerikanong lumilitaw na tutol sa masamang pamamalakad ni Uncle Sam hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang mga bansang abot ng galamay ng kanyang imperyo — ang binanggit na mga ulat tungkol sa mga nangyari sa Clark).

Marami pang mababanggit na mga halimbawa ng kalupitan at inhustisya ng mga “puting unggoy” laban sa kahabaghabag na mga Pilipino ngunit, lubhang nakalulungkot at nakapaghihimagsik — dahil sa kalambutan ng gulugod ng pambansang lideratong nananatiling papet at tagahimod ng kuyukot ng kanilang diyus-diyosang si Uncle Sam — wala ni isa mang salaring Amerikano sa naturang mga kaso ang naparusahan sa ilalim ng ating mga batas; ni hindi man lamang nasaling ang kanilang mga daliri ni nalamutak ang kanilang mga bayag at, sa halip, agad silang nakaalis sa ating bansa at pinawalang-sala sa mga lutong makaw na paglilitis sa kanilang hukumang militar.