Kasaysayan at katotohanang binabaluktot
Ngayong nagkaroon ng kontrol ang pamilyang Marcos sa pagpilipit sa katotohanan, nararapat na magkaroon ng matibay na pag-aaral at pag-intindi ang masa, lalo na ang kabataan, sa malagim na kasaysayan ng diktadura.
Sa pag-upo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang presidente, bitbit nito ang hangaring burahin sa alaala ng taumbayan ang diktadurang inilatag ng kanyang ama na kalauna’y naging hudyat ng kolektibong pagkilos ng masa laban sa hindi makataong sistema ng pamumuno.
Halos apat na dekada na ang lumipas mula nang tapusin ng mamamayan ang diktadurang Marcos Sr. Tinatayang lagpas 3,000 ang bilang ng mga pinaslang noong kasagsagan ng batas militar. Bukod dito, lantaran rin ang pag-aresto at pagtortyur sa mga hinihinalang kumakalaban sa rehimen.
Matapos patalsikin ng taumbayan si Marcos Sr. noong 1986, nanalo naman sa maruming halalang pampanguluhan si Marcos Jr. noong 2022. Ito ang naging daan upang magkaroon ng pagkakataong kontrolin ng pamilyang Marcos ang mga impormasyong nakasentro sa kasaysayan ng martial law.
Sinimulan ni Marcos Jr. na manipulahin ang mga impormasyon sa basic education curriculum sa pamamagitan ng pagbabawas ng imahe ng kanyang ama bilang isang diktador.
Agad itong kinondena ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy at Alliance of Concerned Teachers. Anila, maituturing na isang porma ng historical revisionism at halimbawa ng disimpormasyon ang ginawang hakbang na ito ng kasalukuyang administrasyon.
Kasunod nito, naglitawan na ang iba’t ibang disinpormasyon katulad ng pagpapalabas na bayani si Marcos Sr. Naging kontrobersiyal ang usaping ito lalo na ng ipalibing ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktador noong 2016.
Pekeng bayani
Isang magiting na bayani ng digmaan, isang magaling na pinuno.
Kabalintunaan ito sa mga buhay na testimonya ng mga biktima ng masahol na rehimen, tila isang mabangong bulaklak ang pilit na itinatanim sa bulok at masangsang na kasaysayan ng diktadura.
Kabilang na rito ang huwad at mapanlinlang na mga kuwento ng kanyang kabayanihan na pilit tinatahi ng kanyang pamilya.
Taong 2019 nang gunitain ni Imee Marcos ang mga Pilipinong nakipaglaban sa mga Hapon at ang kanyang ama na umano’y pinuno ng guerilla intelligence group na “Ang Mga Maharlika” noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Gayundin ang pagtanggap umano ng kanyang ama ng United States (US) Congressional Medal of Honor mula kay Lt. Gen. Jonathan Wainwright at isang Distinguished Service Cross mula kay Gen. Douglas MacArthur.
Ngunit pinabulaanan ito ng Akademiya at Bayan Laban sa Disimpormasyon at Dayaan, isang network ng mga guro, tagapagturo at institusyong akademiko, ang mga pahayag na ito.
Ayon sa kanila, hindi kasama si Marcos Sr. sa database ng mga taong nakatanggap ng US Congressional Medal of Honor.
Bukod pa sa mga ito, ipinahayag din ni Marcos Sr. na buong kabayanihan niyang ipinagtanggol ang junction ng Salian River at Abo-Abo River sa Bataan sa loob ng limang araw noong Ene. 22-26, 1942.
Ayon sa kanya, mayroon lamang siyang 100 mandirigma sa pagkilos na lumaban sa 2,000 tropang Hapones na lubos na sinanay at mahusay sa mga armas.
Gayunpaman, malaki ang pagdududa sa mga kuwentong ito ng eksperto sa kasaysayan ng militar at diplomasya na si Ricardo Jose.
Ayon kay Jose, sa napakaraming bilang, imposible ang 100 tropa na matagumpay na humarang sa 2,000 Hapones. Idagdag pa rito na isang assistant intelligence officer umano at hindi isang infantry soldier si Marcos Sr.
Dagdag pa rito, isang mapa batay sa mga opisyal na rekord ng gobyerno ng Hapon ang nagsiwalat na walang mga sagupaan na naganap sa junction. Ang mapa ay nagpakita rin ng mga pagkakaiba sa mga petsa at posisyon ng mga tropa na ipinahayag ni Marcos.
At ilang taon ang nakalipas, si Marcos Sr.—na noon ay isang kongresista—ay nakatanggap ng Medalya ng Kagitingan para sa kanyang inaangking kabayanihan. Ito ang isa sa mga naging batayan at argumento na iniharap sa Korte Suprema noong 2016 para ikatuwiran na si Marcos Sr. ay karapat-dapat na ilibing sa Libingan ng mga Bayani.
Naging daan patungo sa kapangyarihan ang inaakalang kabayanihan ni Marcos Sr. Naipanalo niya ang pagkapangulo noong 1965 laban sa dating Pangulong Diosdado Macapagal at muling nahalal noong 1969.
“Kung titingnan mo ang kalagayan ng daigdig noong panahong iyon, karamihan sa mga pinuno ng daigdig noong panahong iyon ay mga bayani ng digmaan. Sa US, Eisenhower, siya ‘yong top US general sa Europe, 1960s si Kennedy ang pangulo ng US, war hero din siya sa South Pacific, sa Europe si Charles de Gaulle sa France, war hero ‘yon,” ani Jose sa Ingles.
“So parang gano’n yung idea na in order to become a more effective political leader, kailangan World War II hero ka [rin],” sabi niya.
Binuburang katotohanan
Samu’t sari ang naging reaksiyon at komento sa nangyaring diskusyon sa Mariano Marcos State University (MMSU) sa Ilocos Norte noong Set. 10 ukol sa naging buhay ni Marcos Sr. Nakaangkla ang mga talakayan sa naging impluwensiya ni Marcos Sr. sa bansa at kung paano siya namuno bilang presidente.
Binida ng ispiker sa naturang diskusyon na si Imelda Najorda ang mga istrukturang pinagawa ni Marcos Sr. katulad ng San Juanico Bridge, mga dam at pag-ayos ng pampublikong transportasyon na galing sa bulsa ng taumbayan. Iginiit rin niya na layunin ng kanyang talakayan na magkaroon ng balanseng perspektibo ang kabataan tungkol kay Marcos Sr.
Subalit, hindi ito sinang-ayunan ng Anakbayan Ilocos na nagsabing nagpapakalat ng disimpormasyon at pinapabango ng MMSU ang pangalan ng pamilyang Marcos.
“Bilang isang pamantasan, dapat imulat ng MMSU ang kabataan sa katotohanan ukol sa diktadurang Marcos [Sr.] at huwag maging kasabwat sa pambubulag sa kabataan,” ayon sa Anakbayan Ilocos.
Binatikos din ng Tanggol Kasaysayan ang mga kapwa guro at historyador na nakiisa sa talakayan. Hindi rin ikinatuwa ng ilang organisasyon katulad ng Karapatan at ilan grupong akademikong ang mga maling impormasyon ibinahagi sa MMSU.
Sa kabila ng mga negatibong reaksiyon, nagbigay pa rin ng pahayag si Office for Strategic Communication and chair of the lecture series Herdy Yumul tungkol sa mga kritisismong natanggap ng talakayan.
Aniya, parte ng hanay ng mga “dilawan, pinklawan at komunista” ang mga pumupuna sa nangyaring diskusyon na pinaghandaan ng paaralan.
Hindi naman ito ikinatuwa ng Anakbayan na nagpahayag dapat suriing mabuti ng pamantasan ang mga dokumentong naglalaman ng pag-abuso sa mga karapatang pantao ng mga Marcos bago gumawa ng isang talakayan na nakasentro dito.
Ngayong nagkaroon ng kontrol ang pamilyang Marcos sa pagpilipit sa katotohanan, nararapat na magkaroon ng matibay na pag-aaral at pag-intindi ang masa, lalo na ang kabataan, tungkol sa malagim na kasaysayang iniwan ni Marcos Sr.
Ang pagbibigay pugay sa mga naging biktima ng batas militar ang magpapaalala na walang disinpormasyong makakatatalo sa katotohanang pilit pinagtatakpan ngunit hindi mabubura ng kahit sino man.