Scope Out

Para sa isang mapagpalayang midya


Araw-araw tayong binabaha at sumusuong sa tunggalian ng iba’t ibang ideya at pananaw. Parang pinag-aagawan ng mga ito ang atensiyon ng madla. Propaganda wars kumbaga. Dinadagsa tayo ng kung anuo-anong balita, impormasyon at opinyon sa telebisyon, pahayagan, radyo at internet. Sa mga lansangan ay nariyan ang mga paskil at naglalakihang billboard na hindi lamang nagbebenta […]

Araw-araw tayong binabaha at sumusuong sa tunggalian ng iba’t ibang ideya at pananaw. Parang pinag-aagawan ng mga ito ang atensiyon ng madla. Propaganda wars kumbaga.

Dinadagsa tayo ng kung anuo-anong balita, impormasyon at opinyon sa telebisyon, pahayagan, radyo at internet. Sa mga lansangan ay nariyan ang mga paskil at naglalakihang billboard na hindi lamang nagbebenta ng mga produkto, maging ng mga ideya. Wala tayong kawala.

May kakayahang humubog ng opinyong publiko ang midya. Sa mga palitan ng kuro-kuro at talakayan nabubuo ang opinyon ng masa sa mga isyu ng bayan. Magkakaiba ang lalabas na mga pananaw dahil na rin sa pagkakaiba ng estado sa buhay o antas ng pinag-aralan.
Mahalaga na may malayang talastasan ang mga mamamayan sa mga isyung nakakaapekto sa kanilang buhay at lipunang kinabibilangan. Hindi lamang ito daan upang talakayin ang mga usapin kundi para rin sa pagbubuo ng mga bagong paraan at alternatibong solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng isang bansa.

Sa Pilipinas, hawak ng malalaking kompanya at mayayamang pamilya ang dambuhalang media networks at news organizations. At dahil hawak ng mga negosyante ang dominanteng midya, hindi maikakailang malaking negosyo ang midya sa bansa. Milyun-milyong piso ang kinikita ng major networks sa mga patalastas pa lamang.

Dahil sa bahid ng komersiyal na interes, nalilimitahan ang pag-uulat ng dominanteng midya sa mahahalagang isyu ng mga mamamayan. Minsan, kundi man kadalasan ay ‘di nabibigyan ng sapat ng pansin ang isyu o naiiba ang nilalaman ng balita sa tunay na pangyayari. At sa pinakamalala, hindi maibabalita ang dapat malaman ng taumbayan tulad ng news blackouts sa mga isyung maaaring ‘di tugma sa interes ng advertisers at maging ng pamahalaan.

Ilan sa mga halimbawa.

Naging popular na konotasyon na ng ilan na ang mga kilos-protesta ay puro kaguluhan at sakitan ang at nagdudulot lamang ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan. Hindi nabibigyan ng tuon ang panawagan kung bakit may rally, kung bakit kailangang lumabas ng kalsada para manawagan.

Dahil sa news blackout, marahil ay hindi natin nabalitaan ang strike ng mga manggagawa sa Coca-Cola o Nestlé noong mga nakaraan taon. ‘Di rin natin nabalitaan ang pagigiit ng reinstatement at regularisasyon ng mga manggagawa at paggalang sa collective bargaining agreement ng NXP, isang kompanya na gumagawa ng semi-conductors na nagsusuplay sa malalaking kompanya ng electronics.

Hindi rin natin naririnig sa balita ang matinding militarisasyon ng mga komunidad sa mga probinsiya na nagreresulta sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan. O ang mga mamamayang hinuhuli, kinukulong, tinotortyur o pinapaslang dahil sa pagtatanggol sa kanilang mga karapatan.

Nakalulungkot isipin na ganito ang kalagayan. Hindi ko masisisi ang ating mga kasamahan sa midya dahil sila man ay biktima ng sistemang komersiyal sa dominanteng midya.

Sa kasaysayan ng pamamahayag sa ating bansa, ang mga unang mamamahayag at propagandistang Pilipino ang naging daan upang ipamulat sa ating mga ninuno ang pang-aabuso at ang kabulukan ng pamamahala ng mga Espanyol at nagpasiklab ng damdaming makabayan upang maghimasik para sa kalayaan.

Mula sa Unang Kilusang Propaganda nina Marcelo H. del Pilar, Jose P. Rizal, Graciano Lopez Jaena at ng iba pang propagandista na nagsulong ng reporma hanggang sa pahayagang Kalayaan ng Katipunan ni Andres Bonifacio noong Rebolusyong 1896 umusbong ang isang alternatibong midya na may progresibo at makamasang katangian.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nariyan ang mga guerrilla press upang magbigay ng tunay na balita sa mga mamamayan na hindi dumadaan sa sensura ng mga Hapones.

Hanggang sa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos, maraming mamamahayag ang piniling sumapi sa underground o mosquito press upang ipalaganap ang totoong mga nangyayari sa lipunang Pilipino na ‘di ipinapakita sa midyang kontrolado ni Marcos at ng kanyang mga crony.

Sa kasalukuyang panahon na nasa kontrol ng kapital ang balita at impormasyon, mahalaga ang pagpapaunlad sa alternatibong midya upang magbahagi ng mga balita at opinyon na may makabayan at makamasang pananaw.

Hindi lamang makabayan at makamasa ang alternatibong midya ng mga mamamayan, ito rin ay mapagpalaya. Napatunayan na ito sa kasaysayan ng ating bansa mula pa noon panahon ng kolonyalismong Espanyol hanggang sa kasalukuyan.

May mahalagang papel ang alternatibong midya upang balansehin ang inilalabas sa dominanteng midya at ipakita sa mga mamamayan ang tunay na kalagayan ng lipunan.

Ang alternatibong midya ay naglalahad ng mga kuwento ng mga mamamayan na ‘di kadalasang naipapalabas ng dominanteng midya. Isang halimbawa ang pagkakaroon ng mga pahayagan ng mga mag-aaral sa mga paaralan na nagbibigay boses sa mga estudyante sa iba’t ibang isyu ng kabataan, edukasyon at lipunang Pilipino.

Sa panahon rin na lumalawak ang paggamit sa internet, mas nagiging mabilis ang palitan ng kaalaman sa buong daigdig. Ang pagdami ng gumagamit ng internet ay isang pagkakataon upang ipalaganap ang mga tunay na kuwento ng mga mamamayan sa mas malawak na madla.

Isang malaking hamon para sa mga nasa praktika ng alternatibong midya na lalo pang ipalaganap sa sambayanan ang mga kuwento ng mga sektor ng lipunang Pilipino na walang media mileage na tulad ng kay Kris Aquino.

Ang pagbubuo ng pagkakaisa sa hanay ng mga makabayang mamamahayag ay isa sa mga unang hakbang para lalo pang palakasin ang boses ng sambayanan. Mahalaga ang pagbabahagi ng mga karanasan at kasanayan para paunlarin ang praktika. At nagpapatuloy sa paghahanap ng mga pamamaraan upang lalo pang makaabot at paghusayin ang paglilingkod sa mga mamamayan.