Magsasaka Main Story

‘Aquino, di mapagkakatiwalaan sa coco levy fund’


Hindi dapat ipagkatiwala kay Pangulong Aquino ang pondo ng coco levy. Ito ang tugon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa plano ng pangulo na maglabas ng executive order para sa kontrobersiyal na pondo, matapos makipagpulong (Aquino) sa isang grupo ng mga magsasaka mula sa Davao noong Miyerkules. Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, […]

Willy Marbella ng KMP, sa koprasang bayan sa Malakanyang noong Oktubre 19 para igiit ang pagbalik ng coco levy fund (Macky Macaspac)
Protesta ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas noong nakaraang taon sa Malakanyang para igiit ang pagbalik ng coco levy fund sa mga magniniyog. PW File Photo/ Macky Macaspac

Hindi dapat ipagkatiwala kay Pangulong Aquino ang pondo ng coco levy.

Ito ang tugon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa plano ng pangulo na maglabas ng executive order para sa kontrobersiyal na pondo, matapos makipagpulong (Aquino) sa isang grupo ng mga magsasaka mula sa Davao noong Miyerkules.

Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, kung nais tulungan ng pangulo ang mga magniniyog, dapat suportahan nito ang panukalang batas na magbubuo sa isang trust fund na kasalang sa Kamara.

“Hindi mapagkakatiwalaan si Aquino. Hindi dapat ipagkatiwala ng malilit na mga magniniyog ang kanilang pera sa pamangkin ng taong pangunahing nangurakot sa pondo,” pahayag ni Mariano.

Pamangkin si Aquino ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., na dating namuno sa Philippine Coconut Authority noong panahon ng diktadurang Marcos. Sinuportahan ni Cojuangco si Aquino noong eleksiyong 2010.

Sa panahon ng batas militar ni Marcos, kinolekta bilang buwis mula sa mga maliliit na magniniyog ang coco levy fund. Kalauna’y ginamit ni Cojuangco ang pondo para makakuha ng malaking sapi sa San Miguel Corp. gayundin sa United Coconut Planters Bank.

Noong nakaraang taon, nagdesisyon ang Korte Suprema na hindi pag-aari ni Cojuangco ang perang nasa UCPB.

Pinangangambahan din ng KMP ang kasabay na planong pagbenta sa UCPB. Ayon sa KMP, malaki ang implikasyon nito sa paghahabol ng mga magniniyog sa pondo kapag ibinenta ang bangkong mula sa coco levy fund.

Sinabi pa ni Mariano na hindi raw pondo ng gobyerno ang coco levy fund.

“Pera ‘yan ng maliliit na magniniyog na puwersahang kinolekta ng diktador na si (Ferdinand) Marcos at ng tiyuhin ni Aquino (na si Cojuangco),” giit ni Mariano.

Sabi naman ni Nestor Villanueva, tagapagsalita ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (Claim) na walang pinag-iba sa presidential decree ni Marcos ang planong executive order ni Aquino.

“Hindi namin tatanggapin ang kahit anong executive order. Bibigyan lang nito ng awtoridad si Aquino na dambungin ang pondo,” pagtatapos ni Villanueva.

Panawagan nila na kung totoong seryoso si pangulong Aquino na tulungan ang mga maliliit na magniniyog, dapat daw suportahan nito ang panukalang batas ng Anakpawis, ang House Bill House Bill 1327 o Genuine Small Coconut Farmer’s Trust Fund na isinampa ni Rep. Fernando Hicap noon pang Hunyo 2013.

“Kung talagang interes ng mga maliliit na magniniyog at industrya ng pagniniyog ang nasa isip ni Aquino, ibigay niya ang buong suporta niya sa pagpasa ng batas. Layunin naman nito na ibalik sa totoong nagmamay-ari ang coco levy fund,” sabi ni Hicap.