Istorya ng Linggo Magsasaka Main Story

Sampung taon ng inhustisya, sampung taon ng paglaban


Pinipilit na muling buhayin ng administrasyong Aquino ang matagal nang patay na programa para sa “reporma sa lupa”, ang Comprehenisve Agrarian Reform Program (CARP). Noong Setyembre, ipinasa sa Senado ang Senate Bill No. 2278 na naglalayong tapusin ang pagbibigay ng mga notice of coverage sa mga lupang saklaw ng CARP. Pero marami ang naghuhumiyaw na […]

HUSTISYA. Pinagmamasdan ng isang matanda ang mga naging biktima ng madugong masaker sa Hasyenda Luisita na pag mamaya-ari ng mga Conjuanco-Aquino na hanggang sa ngayon ay wala pa ring linaw na naparusahan. <strong>Boy Bagwis</strong>
HUSTISYA. Pinagmamasdan ng isang matanda ang mga naging biktima ng madugong masaker sa Hasyenda Luisita na pag mamaya-ari ng mga Conjuanco-Aquino na hanggang sa ngayon ay wala pa ring linaw na naparusahan. Boy Bagwis

HLM-XPinipilit na muling buhayin ng administrasyong Aquino ang matagal nang patay na programa para sa “reporma sa lupa”, ang Comprehenisve Agrarian Reform Program (CARP). Noong Setyembre, ipinasa sa Senado ang Senate Bill No. 2278 na naglalayong tapusin ang pagbibigay ng mga notice of coverage sa mga lupang saklaw ng CARP.

Pero marami ang naghuhumiyaw na halimbawa ng kapalpakan ng programa. Sa mismong lupain ng tinaguriang asenderong pangulo na si Pangulong Aquino, di-totoong naipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Muling napapasakamay ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang malalawak na lupain, sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa ng kanilang angkan.

Kinakasangkapan ngayon ang Tarlac Development Corp. (Tadeco) na nasa kontrol ng pamilya, gayundin ng mga tulad ni Virginia Torres, dating hepe ng Land Transportation Office na kaibigan ni Aquino.

Habla sa pamilyang Cojuangco-Aquino

Kamakailan, muling nagsampa ng patung-patong na kaso ang mga miyembro ng Alyansang ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (Ambala) laban sa kapatid ni Aquino na si Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz, tiyuhin na si Jose “Peping” Cojuangco Jr., at board members ng Tadeco, kasama na si Torres at dalawang opisyal ng kapulisan sa Tarlac.

Kinasuhan sila ng mga magsasaka dahil sa “panlilinlang at pagmamaltrao sa kanila bunsod ng paggiit nila sa mga lupang binubungkal nila na bahagi ng proyektong bungkalan ng Ambala.” Labas sa ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na lupang kakarampot batay sa kautusan ng Korte Suprema. Pero malinaw umano na bahagi ito ng Hacienda Luisita na dapat pakinabangan ng mga magsasaka.

Agarang dumepensa ang mga alipures ni Aquino sa Malakanyang at sinabing pakulo lamang ng Ambala ang mga paratang at hinamon pa na maglabas ng ebidensiya.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, iginiit ng mga magsasaka na “bogus” ang ipinatupad ng DAR na pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa mga lumahok sa tambiolo raffle noon. Reklamo ng mga benepisyaryo dapat ng lupain, hindi ang lupang kanilang nilinang at pinagyaman ang ibinigay sa kanila.

“Dito na ako tumanda. Nagsasaka kami, sampung taon na ngayon. Tapos ganyan ang gagawin nila sa amin. Hindi naman totoo ‘yung CLOA na binibinigay nila,” ani Conchita Ocampo. Kasama siya sa 125 benepisyaryo na diniskuwalipika ng DAR dahil hindi sila lumahok sa tambiolo raffle.

Rebecca Santos ng Hacienda Luisita <strong>Macky Macaspac</strong>
Rebecca Santos ng Hacienda Luisita Macky Macaspac

Bogus

Katwiran ni Ocampo, ayaw niyang kumuha ng CLOA dahil “bogus” ito at 0.6 ektarya lamang ang nakasaad dito—bukod pa na nasa sa malayong lugar o ibang barangay ang ipinamahaging mga lupa.

Sinabi niya na matapos ang madugong welga ng 2004, at nagpanawagang bungkalin ang lupa, nilinang na ng kanyang pamilya ang halos limang ektaryang lupang malapit lamang sa kanilang lugar sa Brgy. Mapalacsiao. Pero nitong mga nakaraang buwan, matapos magpamahagi ng CLOA ang DAR, inaangkin na ng mga tauhan ni Virgie ang lupa at sinabing sila raw ang may-ari sa lupa.

“Pinarenta nila kay Torres ang lupa. Sinira pa nila ‘yung mga tanim na palay at mga gulay namin,” aniya. Kasama daw sa mga sumira sa kanilang mga pananim ang ilang taga-DAR na may kasamang mga pulis.

“Lumuhod na nga ang kapatid ko para pigilan ang pagsira sa palay namin. Anong magagawa niya, puro may mga baril ang mga kasama ng mga tauhan ni Torres,” aniya. Lehitimong benepisyaryo ang mag-anak ni Ocampo na mula pa noong 1968 nagtatrabaho sa dating tubuhan.

Hinaing ng mga manggagawang bukid na nakakuha ng CLOA, hiwa-hiwalay ang kakarampot na lupang ipinamahagi at nasa malalayong lugar.

“Sana ang ginawa ng DAR, kung ano ang sinaka at pinagyaman na lupa ng mga tao rito ‘yun na ang pinamahagi. Kung sobra ang ektarya, handa naman sila na bawasan ito,” ani Rebecca Santos na nawala ang pangalan sa master list ng mga benepisyaryo kaya’t napilitan na ring magbungkal ng sarling lupa.

“Ang masakit, marami sa mga nakakuha ng CLOA, hindi totoo na naging manggagawang bukid ng asyenda. Ni hindi narumihan ang kanilang mga kamay sa pagbungkal ng lupa. Kaya madali rin sa kanila na ibenta at iparenta ang lupa,” sabi niya.

Isa rin sa mga binuldoser na pananim ang lupang binungkal ni Santos. “Malaki ang nawala sa amin: palay, saging at gulay,” aniya.

Binenta ang CLOA

Iba naman ang kuwento ni Lucia (di-tunay na pangalan). Ibinenta niya ang kanyang CLOA sa halagang P250,000.

“Napilitan akong ibenta ang CLOA ko kasi mahirap ang buhay namin. Hindi naman namin masasaka ‘yung lupang binigay dahil malayo, nasa ibang barangay. ‘Yung lupang sinasaka namin ng pamilya ko, may ibang nakakuha,” sabi niya. Isang Ronnie Reyes daw ang bumili ng kanyang CLOA at sinabing nakarenta raw ang lupa kaya hindi ibinigay ang kabuuang kabayaran nito. Dagdag pa niya, ibinili niya ng traysikel ang nakuha sa pagbenta. Ang napunta sa kanya ay P210,000 lamang.

Sabi pa ni Lucia, maging ang kanyang dalawang anak, ibinenta na rin ang kanilang CLOA. “Iyung isa, binenta niya ng P120,000 at yung isa P300,000 naman. Pero ang binigay, P200,000 lang,’aniya.

Pero bakas sa kanyang mukha ang lungkot habang ikinukuwento ang pagbenta ng nakuhang CLOA.

Gayundin, ilan sa mga nakausap ng Pinoy Weekly ang nagsabing ipinarenta na lang nila sa mga tauhan ni Virgie Torres at sa ibang tao na dating mga superbisor ng mga Cojuangco ang kanilang mga CLOA.

“Pinarenta ko ng P14,000 ‘yung nakuha kong lupa noong Mayo. Pero isang taon lang at hindi ko binigay ang dokumento ko,” sabi ni Ana Goralan. Sabi niya, kailangan daw niya ng pera noon dahil kailangan sa pagpapaaral sa kanyang tatlong anak na nasa hayskul.

“Ayaw nilang tumigil sa pag-aaral, kaya napilitan akong iparenta ang lupa,” aniya.

Isinasaad sa kasunduan nang pamamahagi ng lupa na hindi maaaring ibenta, isangla o iparenta ang lupang ipinamahagi ng DAR sa loob ng ilang taon. Nakasaad din na bubungkalin ng benepisyaryo ang lupang ipinamahagi.

Pero sa kaso ng mga taga-asyenda, kakarampot na lupang hindi naman kayang tustusan ang isang pamilya ang naipamahagi. Bukod pa sa hiwa-hiwalay ito at naging sanhi pa ng away ng mga taga-asyenda ang pormula ng DAR. Wala rin suporta ang gobyerno para sa kanila para paunlarin ang kanilang produksiyon.

Pero ang kolektibong pagtatanim—ang proyektong bungkalan na di hamak na mas produktibo at kapaki-pakinabang sa mga magsasaka at manggagawang bukid na kaanib ng Ambala—ang tuluy-tuloy na winawasak ng mga alayado at alipures ni Aquino, sa tulong ng DAR.