Main Story Pambansang Isyu

‘Tuloy ang rebolusyon ni Bonifacio’


[cycloneslider id=”2014-bonifacio-day”] “Ikinararangal kong makaharap ang mga tunay na rebolusyonaryo.” Ito ang sabi ng aktor na si Robin Padilla nang humarap siya sa humigit-kumulang 8,000 katao na nagtipon at nagprotesta sa Liwasang Bonifacio para sa ika-151 araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio. Mensahe ng mga nagprotesta: buhay ang diwa ng dakilang Supremo sa mga […]

[cycloneslider id=”2014-bonifacio-day”]

“Ikinararangal kong makaharap ang mga tunay na rebolusyonaryo.”

Ito ang sabi ng aktor na si Robin Padilla nang humarap siya sa humigit-kumulang 8,000 katao na nagtipon at nagprotesta sa Liwasang Bonifacio para sa ika-151 araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio.

Mensahe ng mga nagprotesta: buhay ang diwa ng dakilang Supremo sa mga mamamayang lumalaban para sa “tunay na pagbabago”.

Suot ang umano’y damit ng Ama ng Rebolusyong Pilipino na binigyang-buhay ni Padilla sa kanyang bagong pelikula, binigkas ng aktor ang Kartilya ng Katipunan. Ito ang 14 na talata na isinulat ng noo’y kabataan na si Emilio Jacinto. Para kay Padilla at sa mga nagprotesta, buhay pa rin ang mga aral na ito para sa kanilang nagpapatuloy ng rebolusyong Pilipino.

“Huwag po kayong mawalan ng pag-asa. Sapagkat ngayong araw na ito, bubuhayin natin ang Katipunan!” hiyaw ni Padilla.

Pag-asa ng rebolusyon

“Ngayon ang kaarawan ni Andres Bonifacio na siyang namuno ng unang pambansa-demokratikong rebolusyon sa Asya, na inunsiyami ng pakikialam ng pagsulpot ng imperyalismong Amerikano,” maiksing baybay ni Satur Ocampo sa ambag ni Bonifacio sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sinabi pa ni Ocampo na “inagaw ang tagumpay ng rebolusyon ng Katipunan, at ibinalik iyong mga binawing lupa mula sa mga prayle at kaharian ng Espanya.” Kaya hanggang ngayon, tinatawag na pakikibakang anti-piyudal at pakikibakang para sa repormang agraryo at paglaban sa imperyalimong US ang nagpapatuloy na rebolusyon.

“Magkasabay sumulpot ang Amerika bilang imperyalistang kapangyarihan sa paglunsad ng rebolusyong Pilipino,” pagpapatuoy ni Ocampo sa kahalagahan ng umusbong na rebolusyon na aniya’y magpapabagsak sa mapang-aping sistema.

Nagsalita para sa mga delegado ng Manilakbayan ng Mindanao si Rev. Pio Mercado ng United Church of Christ in the Philippines o UCCP. Aniya, tinitignan ng mga taga-Mindanao ang buhay ni Bonifacio bilang hamon at inspirasyon kung papaano isulong ng uring anakpawis ang pakikibaka para sa kalayaan.

“Ang ating mga katutubo ngayon, lalung lalo na iyong mga narating ng ating programa sa edukasyon, literasiya at numerasiya—ito nama’y ating tinuturuan ng progresibong pananaw sa kasaysayan upang…makita nila kung paano isinulong ni Andres Bonifacio ang kagalingan ng maliliit, kagaya ng ating mga Lumad. Kaya alam ng aming mga bata kung sino ang nararapat na tanghalin na pambansang bayani ng ating bansa,” sabi ni Mercado.

Samantala, nakiisa ang komunidad ng LGBT (Lesbians, Gays, Bisexuals, Transgender) sa pagdiriwang at protesta.

Sabi ni Corky Hope Marañan, pangkalahatang kalihim ng Kapederasyon, hamon sa mga miyembro ng komunidad ng LGBT na ipagpatuloy ang laban ni Bonifacio, ang tunay na kalayaan sa Pilipinas, at pakikiisa sa masa, dahil aniya’y matagal nang nahihiwalay ang LGBT sa masang Pilipino.

“Panahon na ngayon para makiisa sa laban ng bayan,” aniya. Kasama sa adbokasiya ng grupo ang paghangad ng hustisya para kay Jennifer Laude, miyembro ng LGBT na diumano’y pinaslang ng isang sundalong Amerikano sa Olongapo City noong Oktubre.

“Hindi tunay ang tagumpay at hindi tunay ang kalayaan sa Pilipinas (kung) hindi lalaya ang sektor ng LGBT,” saad ni Marañan. “Kaya kung tinatanong nila kung pasok, well, pak na pak ang ipinaglalaban ng LGBT sa ipinaglalaban ni Andres Bonifacio.”

Kamanggagawa

Sinabi naman ni Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, “Kung inyong tatanungin, mismong mga kawani ng pamahalaan noong panahon ng Espanyol ay kasama ng rebolusyon na isinulong nina Bonifacio sa ilalim ng Katipunan.”

Halimbawa umano nito si Teodoro Plata, at iba pang manggagawa sa loob ng pamahalaan na nakiisa sa rebolusyon. Bilang paggunita sa kanilang kabayanihan, kinikilala rin ang araw na ito bilang isang bahagi ng kasayaysayan ng pakikibaka ng mga mamamayan kasama ang kawani at manggagawa sa loob ng pamahalaan, sabi pa ni Gaite.

Lumahok din siyempre ang iba’t ibang grupo ng manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno, mga pederasyon at unyon. Kinikilala nila ang Nobyembre 30 bilang araw ng manggagawang anakpawis.

Sabi ni John Estabaya ng Samahan ng mga Manggagawang Kontraktuwal o Sama-Ako, nagpapatuloy ang paghahapi ngayon, katulad ng pananakop ng mga Espanyol, sa uri ng mistulang pananakop ng US sa Pilipinas .

“Malaking bagay (ang paglahok sa protestang ito), kasi dito namin naipapahayag ang pakikiisa, at ang kasalukuyang nararanasang pang-aabuso ng kapitalista. Dito namin maipapahayag ito,” ani Estabaya.

Hindi rin magpapahuli ang mga tinaguriang bagong bayani, ang migranteng Pilipino, sa pakikiisa sa kaarawan ni Bonifacio. Kahit pa nasa labas ng bansa ang ating mga kababayan, saad ni Sol Pillas, tagapagsalita ng Migrante International, alam at dama nila ang mga nangyayari dito sa Pilipinas.

“Kaya napakahalaga na ipaalam sa kanila at malaman nila na ipinagpapatuloy ang diwa ng rebolusyon ni Bonifacio,” ani Pillas.

Sabi ni Estelita Bagasbas ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, walang ginagawa si Aquino para matugunan ang kanilang karapatang mabuhay.

“Nakita namin na wala kaming maayos na tirahan, tinataboy kami sa malalayong relokasyon na nagdulot na ito ng kamatayan para sa amin doon sa relokasyong pinagdalhan sa amin. Kaya itong araw na ito’y dakilang paggunita dahil ito ang isinusulong ni Gat Andres Bonifacio, ang Araw ng Kalayaan tungo sa pambansa-demokratikong Pilipinas,” sabi ni Bagasbas.

Maliban sa kanila, nagsalita sa Liwasang Bonifacio ang iba’t ibang lider ng kilusang kontra-korupsiyon at kontra-pork barrel tulad nina Sr. Mary John Mananzan ng Babae Laban sa Katiwalian (Babala), ang aktres na si Mae Paner ng Scrap Pork Network, Carol Pagaduan-Araullo na tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), at iba pa.

Nandoon din ang iba pang mga grupong kaisa sa laban para sa malinis na pamahalaan tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC at iba pang lider at miyembro ng Scrap Pork Network.

Sa tabi ng programa, nakatayo pa rin ang kampuhan ng mga Lumad, magsasaka at iba pang sektor mula sa Mindanao. Tinaguriang Manilakbayan ng Mindanao, naglakbay ang mahigit 300 katao mula Timog hanggang sa kabisera ng bansa para ihayag ang laganap na paglabag ng karapatang pantao sa Mindanao at panganib ng malawakang komersiyal na pagmimina at plantasyong agro-industriyal doon.

Matapos ang programa sa Liwasang Bonifacio, nagmartsa ang mga demonstrador patungong Mendiola Bridge, sa paanan ng Malakanyang, para muling irehistro ang panawagan para sa tunay na pagbabago.

Ipinapanawagan din nila ang pagbibitiw ni Pangulong Aquino.

Ika-50 anibersaryo

Kaalinsabay ng kaarawan ng Suprema ang ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan (KM), ang unang pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataan na tinatag ni Jose Maria Sison noong 1964.

Pinamunuan ng KM ang pagpapalaganap ng makabayang kasaysayan at kultura noong dekada ’60 hanggang maitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1968 at mailunsad ang “bagong tipo” ng pambasa-demokratikong rebolusyon na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

“Iyong mga naghahari, walang pagdiriwang ngayon at wala silang paggunita ngayong araw na ito. Ang taumbayang api ang naggugunita sa araw na ito dahil sa araw na ito’y hinahasa ng mga mamamayang api ang tabak na itatarak nila sa mga naghahari sa mga panahon ng panangumpay ng pakikibaka,” sabi ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, na nagdiriwang din ng anibersaryo sa araw na iyon.

Sa kanyang talumpati sa Mendiola, pinasalamatan ni Crisostomo ang mga tagapagtatag at naunang mga miyembro ng KM, gayundin ang lahat ng bayani at martir ng kilusang kabataan.

Sa Mendiola, inirehistro ng mga nagprotesta ang panawagang pagpapatalsik kay Pangulong Aquino.

Pinaghalawan din ng inspirasyon ng mga modernong makabayan ang asawa ni Bonifacio at kapwa niyang rebolusyonaryo na si Gregoria de Jesus.

“Si Gregoria ang tipikal na babaing bayani na hindi pahahalagahan sa mga libro. Pero alam natin na napakalaki ng kanyang ambag sa rebolusyon sa pagsulong ng totoong kalayaan at demokrasya ng mga Pilipino. At kung hindi sinuportahan ni Andres si Gregoria, hindi rin natin makukuha iyong halimbawa na hinahanap natin sa ating mga bayani,” sabi ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan.

Ipinakita ng mga nagprotesta na may bagong kahulugan ang rebolusyon ni Bonifacio sa kasalukuyan: ang pagpapatalsik kay Aquino. Pero higit dito, isinusulong din umano nila ang tunay na pagbabago: pagpapabagsak sa kasalukuyang mapang-aping sistema at pagpalit ng bagong makabayan at demokrating sistema na pamumunuan ng mga mamamayan.

Sabi nga ni Ocampo, “Ang tungkulin ng kasalukuyang henerasyon, ang ikaapat na henerayon ngayon, ay tapusin ang sinimulan ni Andres Bonifacio.”