Manggagawa

Anyare, DOLE?


Nawawalan na ng pasensiya sa gobyerno ang mga obrero: Nasaan na ang pangakong makabuluhang dagdag-sahod at pagwakas sa kontraktuwalisasyon?

Ano pa ang hinihintay ng Department of Labor and Employment (DOLE) bago tuluyan nang wakasan ang kontraktuwalisasyon at itaas ang sahod?

Nagtataka ang progresibong mga manggagawa sa tila pagpapaliguy-ligoy ng DOLE sa pagpapatupad ng marching orders ni Pangulong Duterte na itigil ang praktika ng endo (end of contract) na pag-eempleyo sa mga manggagawa. Kamakailan, tumiklop din si Sec. Silvestre Bello III sa presyur ng mga grupo ng malalaking negosyante na pigilan ang P125 dagdag na sahod sa mga manggagawa.

Sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na tila nakiki-pagkuntsabahan ang isa pang ahensiya ng gobyerno, ang National Economic Development Authority (NEDA), at grupo ng malalaking negosyante na Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) para barahan ang anumang hakbang sa loob at labas ng DOLE at Kongreso para sa signipikanteng taas-sahod— P125 man ito o pagkakaroon ng P750 pambansang minimum na sahod sa mga manggagawa.

Sinungaling

Ayon kay Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, malinaw na nagsisimungaling ang NEDA at ECOP sa mga pananakot nito na maraming negosyo ang titiklop kung ipapatupad ang makabuluhang dagdag-sahod.

“Nangangahulugan lang ng 12.3 porsiyentong pagbaba ng kita ng mga kapitalista ang isang P125 across-the-board na dagdag-sahod,” sabi ni Labog. Ang kanyang patunay: ayon mismo sa 2013 taunang sarbey ng Philippine Business and Industry (ASPBI) ng Philippine Statistical Authority (PSA), may tinatayang P1.58-Trilyong kita ang 35,000 kompanya sa Pilipinas na may 3.9 milyong empleyado.

Ayon sa micro, small at medium enterprises, ani Labog, ang kumakain sa kita ng mga kapitalista at lalo na ng maliliit at panggitnang mga negosyante ay ang mataas na singil sa kuryente, sira-sira o palpak na imprastraktura, korupsiyon o red tape sa gobyerno, at malawakang smuggling at pagbaha ng mumurahing imported na mga produkto.

Sa kabila nito, ang P125 dagdag-sahod at lalo na ang pagkakaroon ng P750 pambansang minimum na sahod ay malaking tulong na sa mga manggagawa para makaalwan sa pang-araw-araw na nagtataasang presyo ng mga produkto at serbisyo, ayon pa sa KMU.

Ayon din sa progresibong mga ekonomista, makaka-tulong sa ekonomiya ang dagdag-sahod. Palalakasin nito ang purchasing power ng mga manggagawa. Gagastusin din nila ito sa pagbili ng mga produkto at serbisyo—babalik din ito sa ekonomiya.

Matagal nang kailangan

Matagal nang hiningi ang naturang dagdag-sahod. Ayon pa sa progresibong mga ekonomista, palayo nang palayo ang kasalukuyang minimum na sahod (P481 sa National Capital Region) sa P1,096 na family living wage na kailangan ng isang pamilya para mabuhay nang disente sa pang-araw-araw.

Kaya nga ang hinihingi na ng mga manggagawa ngayon ay National Minimum Wage na P750. Ayon sa KMU, nangangahulugan ito ng 30 porsiyento lang na kaltas sa dambuhalang mga kita ng mga kapitalista.

Binatikos ng KMU ang 10-puntong socio-economic agenda ng administrasyong Duterte na itinulak ng NEDA. May layunin ang naturang agenda na mang-akit ng mga dayuhang mamumuhunan sa pamamagitan ng pagpapaliit sa sahod at pagkait sa karapatan ng mga manggagawa.

Pero dapat umano makinig si Duterte, ang DOLE at ang NEDA sa mga mamamayan: Sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia, lumalabas na pinamalaking usapin sa mga Pilipino ngayon ay ang kanilang sahod.

Lalong kumalakam na ang sikmura ng manggagawang Pilipino.