FEATURED

Gabay ni Obispo Ramento


Ginabayan at inalalayan ni Obispo ang kanyang pamilya sa pagharap sa pakikibaka ng buhay, katulad ng paggabay at pag-alalay din niya sa pakikibaka ng sambayanan.


EDITOR’S NOTE: Isang dekada na ang nagdaan matapos paslangin si Obispo Alberto Ramento noong Oktubre 3, 2006. Para gunitain ito, inilalabas muli ng Pinoy Weekly ang ulat na ito na unang lumabas sa print edition noong Oktubre 18, 2006.

Bata pa lang si Aldos, tinuruan na siya ng amang si Alberto Ramento kung paano tuntunin ang daang pauwi. Minsan, tinedyer pa lamang siya, iniwan siya nito sa kung saan-saan sa Paco. Sinusubok siya kung kakayanin niyang makauwi nang mag-isa sa pambansang katedral ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa Taft Avenue. Ayon sa ama, sundan lamang ang tren ng Light Rail Transit (LRT), makakauwi siya.

“Ganoon siya,” kuwento ni Aldos, hinggil sa ama. “Hindi niya isinusubo sa amin kung ano ang gagawin namin. Basta itinuturo niya kung nasaan ang liwanag.  Bahala ka na kung paano iyon susundan.”

Ito ang pilosopiya ni Obispo Alberto Ramento sa pagpapalaki sa apat na anak. Hinayaan niyang piliin nila ang kani-kanyang daan sa buhay. Hinayaan niyang piliin ang kani-kaniyang eskuwelahan, ang kursong pag-aaralan. Si Aldos, hinayaan niyang magkahilig sa rock n’ roll at magpahaba ng buhok. “Basta ang bawal lang,” ani Aldos, “ang makasama o makatapak kami ng ibang tao.”

Pagtirik ng kandila matapos ang pamamaslang kay Obispo Ramento. Arkibong Bayan
Pagtirik ng kandila matapos ang pamamaslang kay Obispo Ramento. Arkibong Bayan

Sa pakikitungo sa iba, sa mga tagaparokya at nakakahalubilong tao, ganito rin si Obispo Ramento.

Alaala pa ni Aldos, ayaw na ayaw nitong manglimos ng pera sa mga batang kalsada. Bukod sa bawal sa batas, di niya alam kung saan mapupunta ang pera. Mas gusto niyang pakainin ang mga bata. Sa simbahan ni Obispo sa Lungsod Tarlac, na huli niyang destino, tanyag siya at ang kanyang asawa sa mga batang kalsada. Araw-araw, tumutungo ang mga ito sa simbahan para pakainin ni Obispo.

Maliit at luma na ang simbahan ng IFI sa Tarlac, laluna kung ikukumpara sa karatig na simbahang Katoliko sa plasa. Ngunit di ito nawawalan ng mga tao, nagsisimba man, batang kalsada, o maralitang araw-araw dumulog sa mabait na obispo.

Regular ang pagdulog ng mga manggagawa at magsasaka. Nang sumiklab ang welga sa Philippine Rabbit, nanguna si Obispo sa pagpapanawagan sa publiko na suportahan ang mga manggagawa.

“Naging bukas ang simbahan ni Obispo Ramento sa mga pagpupulong namin,” kuwento ni Lito, isa sa mga steward ng United Luisita Workers Union (ULWU), unyon ng mga manggagawang bukid sa asyenda. Nang pumutok ang welga sa asyenda, naging sanktuwaryo nila ang simbahang IFI. Pinangunahan ni Obispo ang pakikipagdiyalogo sa pamilya Cojuangco: Tugunan ang karaingan ng mga welgista, huwag silang dahasin.

Kuwento ni Crisanto Andaya, direktor ng ULWU, di lang lugar ang ibinigay ni Obispo sa kanila, kundi payo. Di dapat magmula sa mga welgista ang karahasan. Tulad ng pakikitungo niya sa mga anak – dahil parang anak ang turing ni Obispo sa mga manggagawang bukid, di niya ipinipilit kung ano ang palagay niya na dapat gawin ng mga welgista.

“Halos linggu-linggo, nagmimisa ang IFI sa piketlayn,” kuwento ni Boy Mendoza, steward ng Ulwu. Ani Boy, minsan, nagdala ng kaunting bigas sa piketlayn ang Obispo. Ang akala niya, kaunti lang ang nakawelga. Nagulat siya sa dami ng tao sa piketlayn. Agad siyang nanawagan sa mga taga-parokya na mag-abag ng mga gamit o pera para sa mga welgista.

Naaalala pa ni Crisanto ang pagkakataong lumapit sila sa Obispo. “Walang-wala kami. Humingi kami kay Obispo ng pambili ng gas at pagkain,” ani Crisanto. Nagkataong wala ring pera ang Obispo. Inilabas ni Obispo ang huling tatlong daan mula sa bulsa. “Ibinigay ang dalawandaan sa mga welgista at itinira ang sandaan para sa kanya,” ani Crisanto.

Nang pagbabarilin ang piketlayn ng mga manggagawang bukid at tagasuporta nito na ikinamatay ng pito noong Nobyembre 16, 2004, pinangunahan ni Obispo ang pagkondena.

Bata pa sina Aldos, aktibo na ang kanilang ama sa pagtataguyod ng karapatang pantao. Dati, nakilala siya sa pagtataguyod ng karapatang pantao sa mga pandaigdigang kumperensiya lamang.  Ngayon, dito na mismo sa Pilipinas..

Nitong nakaraang taon, pinili si Obispo bilang isa sa mga hukom ng Citizens’ Congress for Truth and Accountability. Lalo siyang naging tanyag, kasama ng mga high profile na personaheng tulad nina Hukom Romeo Capulong at dating Bise Presidente Teofisto Guingona Jr.

Habang tumatanyag, patuloy siya sa paglilingkod sa taumbayan. Isang linggo bago mamatay, pinayuhan at binigyan pa niya ng sanktuwaryo ang mga manggagawang  nagbabalak magwelga, ayon kay Gloria Galindo, presidente ng Unyon ng Manggagawa ng Blooming Apparel sa Tarlac.

Biruan pa nilang mag-ama ang panganib kay Obispo dulot ng pagiging lantad na kritiko ng gobyernong Arroyo. Nang makatanggap ang ama ng sunud-sunod na banta sa buhay, pansin ni Aldos ang pagiging balisa ni Obispo. “Madalas siyang makipagkulitan sa amin, pero noong araw na iyon, tahimik lang siya sa isang sulok.”

Obispo Ramento, sa isang press conference noong 2006. IFI

Alam ni Obispo Ramento na siya ang susunod na target ng pamamaslang sa mga aktibista. Dalawang linggo bago paslangin, dalawang beses nang pinasok ang kanyang simbahan sa Tarlac. Alas kuwatro ng umaga ng Oktubre 3, lumantad kay Obispo ang madugong panunupil na buong-buhay niyang nilabanan. Agad na iniulat ng pulisya na pagnanakaw ang dahilan ng krimen. Singsing, cellphone at pera sa pitaka umano ang ninakaw ng apat na suspek.

Pero mahirap maniwala rito si Aldos, at maging ang mga kapanalig na manggagawang bukid at maralita. Maraming tanong ang di nasasagot: Bakit nanakawan ang simbahan, gayong sa hitsura pa lamang nito ay walang mamahaling mananakaw doon? Bakit di kinuha ng magnanakaw ang iba pang aplayans sa simbahan? Bakit kinailangang saksakin pa ng pitong beses ang Obispo?

Sa mga tulad ni Crisanto na minsan nang dumulog sa Obispo, hindi kapani-paniwala ang pahayag ng pulisya. “Hindi na kailangang pasukin ang simbahan niya. Kasi, humingi ka lang sa kanya, bibigyan ka, pakakainin. Humingi na lang sana sila, kung totoong magnanakaw sila.”

Sa sariling imbestigasyong ginawa ng IFI, napag-alamang siniguro ng mga salarin na patay si Ramento bago siya iniwan.  Malamang, anila, di ito gawa ng mga magnanakaw.

Para kay Aldos, walang ibang may motibo kundi ang administrasyong Arroyo. Matagal na umano silang naghanda sa posibilidad na maging target ang ama, pero gimbal pa rin ang buong pamilya sa pangyayari. Anong bigat ng kanyang loob dahil si Obispo ay di na uuwi sa munting bahay nila sa Cavite. Di na niya makakabiruan at makakuwentuhan hinggil sa pulitika at musika. Di na makakasama sa paliligo sa beach, na sa totoo lang ay hindi resort kundi mga komunidad ng mangingisda.

Pero batid ni Aldos at ng pamilya Ramento na di lang sila ang nawalan ng ama. Sa burol ng Obispo, kapag sinasabi ng mga manggagawa, magsasaka, at maralita na nakikiramay sila sa pamilya, gusto niyang sabihin na  “lahat kayo, itinuring ng aking ama bilang sariling pamilya niya, ama nating lahat ang yumao.”

Naulila man sila, kaya ni Aldos, ng kanyang pamilya at lahat ng maralitang nakaugnay ng ama, na tuntunin ang sariling daan – salamat sa pamanang gabay ni Obispo Alberto Ramento.