Pambansang Isyu

10 mahahalagang istoryang pinalampas ng midya noong 2016

January 1, 2017

Sampu lang sa maraming isyu o pangyayaring pambayan na mahalagang malaman ng madla pero hindi binigyan ng sapat na espasyo ng dominanteng midya.

Mahalaga, ngunit nagkulang sa pansin. Tinipon ng Pinoy Weekly ang mga istorya noong 2016 na tinataguriang “underreported” o hindi nabigyan ng midya ng sapat na espasyo (sadya man o hindi) sa kanilang mga ulat bilang isyu o kaganapang dapat alam ng publiko. Nabigyan sana ang publiko ng kumpleto at mas tumpak na larawan ng ating pambansang kalagayan sa pamamagitan ng pagpapatampok sa mga istorya at perspektibang ito mula sa mardyinalisadong mga sektor ng lipunan.

1. Paggamit ng Oplan Tokhang sa counterinsurgency at panunupil sa mga progresibo

pw-tokhang-fr-ben-01Araw-araw nang laman ng balita ang dumaraming bilang ng mga napapaslang sa ilalim ng Oplan Tokhang, o ang giyera kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte. Ngunit nakakalungkot rin isipin na hindi masyado naiuulat sa madla na ginagamit na rin, hindi lang ng pulisya kundi pati ng militar, ang Oplan Tokhang para supilin ang mga mamamayang kritikal sa mga institusyon ng gobyerno, makapangyarihang mga tao, o iyung ipinaglalaban lang ang kanilang mga karapatan. Katulad ito ng kaso ng ilegal na paghuli at pagsampa ng gawa-gawang kaso (na may kaugnayan sa droga, kahit wala silang kinalaman dito) kontra sa tatlong lider-magsasaka sa San Jose Del Monte, Bulacan. May mga katulad na kaso ring naiulat sa Mindanao at Hilagang Luzon — mga aktibista o kritiko ng militarisasyon na sinasangkot ng militar o pulis sa ilegal na droga para makasuhan at matahimik.


2. Pagpapatuloy ng rehimeng Duterte sa bigong mga polisiyang neoliberal

PW-ppp-thumbBago pa man siya mahalal bilang Pangulo noong Mayo at umupo sa poder noong Hunyo, idineklara na ni Rodrigo Duterte na siya ang magiging “unang presidente mula sa Kaliwa.” Bagamat pinatunayan niya ito sa pagdeklara ng independiyenteng ugnayang panlabas at pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, hindi progresibo ang pagpapatakbo niya ng ekonomiya ng bansa. Bagkus, pagpapatuloy lang ito ng neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya ng nakaraang mga rehimen: ang pagpapahalaga sa dayuhang pamumuhunan para kumita ang gobyerno at makalikha ng trabaho (a.k.a. barat ang sahod), pagpapatuloy ng kuwestiyunableng mga proyektong public-private partnerships, di-pagbasura sa tumigas-nang-mga-polisiya sa serbisyong panlipunan (edukasyon, kalusugan, atbp.) na unti-unting pagbawas ng badyet at pagsasapribado. Pati ang pangako niyang pagpawi sa kontraktuwalisasyon ay unti-unti nang binabawi. Gayundin ang pangakong “libreng edukasyon” sa kabataan.

Sa kabila ng lahat ng ito, walang sapat na coverage at pagsusuri sa dominanteng midya ang mga polisiya ni Duterte at economic team niya sa ekonomiya. Hindi rin nabibigyan ng espasyo ang progresibong mga kritika sa neoliberal na mga polisiyang matagal nang nagpapahirap sa mga mamamayang Pilipino.


3. Usapang pangkapayapaan

PW-joint-statement-ndfp-grp-oslo-featuredSa maiksing panahon, nagawa ng administrasyong Duterte ang hindi magawa-gawa (o ayaw gawin) ng nakaraang administrasyon: ang makuha ang kumpiyansa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP, na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan) sa usapang pangkapayapaan. Agosto nang palayain ng bagong administrasyon ang mga bilanggong pulitikal na konsultant sa usapang pangkapayapaan. Noong buwan ding iyon, madulas na natuloy ang unang round ng usapan, at agad na inaprubahan ng dalawang panig ang adyenda ng susunod na mga usapan alinsunod sa The Hague Joint Declaration of 1992. Ipinangako rin ng panel ng gobyerno na itutulak ang pagpapalaya sa iba pang bilanggong pulitikal. Sa ikalawang round nitong Oktubre, pinagtibay ang pagsisimula ng mga negosasyon para sa ikalawang substantive agenda na sosyo-ekonomikong mga reporma, at sumunod na mga adyenda sa pampulitika at konstitusyonal na reporma  at pagkatapos ay disposisyon ng mga puwersa. Siniguro rin ng gobyerno sa pangunguna ni nego panel chair Silvestre Bello III na matutuloy na umano ang amnestiya sa mga bilanggong pulitikal. Samantala, pinagtibay ng dalawang panig ang kani-kanilang tigil-putukan.

Ano ang nilalaman ng mga panukalang reporma ng NDFP sa pang-ekonomiya at pampulitikang sistema ng bansa? Ano ang kalagayan ngayon ng unilateral ceasefiresng dalawang panig (iniuulat ng NDFP ang malawakan umanong paglabag ng Armed Forces of the Philippines sa sarili nitong deklarasyon sa pamamagitan ng panghihimasok sa mga teritoryo ng NDFP at pagpapatuloy ng giyera kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan)? Bakit hindi pa napapalaya ng gobyerno ang mga bilanggong pulitikal kahit paulit-ulit na itong nangako na gagawin ito? Walang malalimang coverage at pagsisiyasat ang dominanteng midya hinggil sa mga usaping ito.


4. Panunupil at paglaban sa Hacienda Luisita

pw-hacienda-luisita-massacre-12-years-violeta-01Mahigit 12 taon na matapos ang masaker sa mga nagwelgang manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Halos limang taon na ring pinal na iniutos ng Korte Suprema ang asyenda para sa mga magsasakang benepisyaryo nito. Mula nang maupo si Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano, iginiit na nito ang agaran at makatotohanang pamamahagi sa lupain ng Luisita, habang sinusuportahan ang karapatan ng mga magsasakang benepisyaryo na pagtamnan na ang lupa. Samantala, kung anu-ano nang modus operandi ang ginawa ng mga Cojuangco-Aquino, at pinaiigting pa nito ang pandarahas sa mga magsasakang nagbubungkal sa Luisita. Hindi nabibigyan ng sapat na coverage ang malagim na mga pangyayari sa asyendang itinuturing na pinakatampok na halimbawa ng kabiguan ng pekeng repormang agraryo ng nakaraang mga rehimen.


5. Paglaban ng mga maralita sa relokasyon

Putikan pa rin ang marami sa mga kalsada sa relocation site tuwing umuulan. (Ilang-Ilang Quijano)Nang maluklok sa Palasyo, sinabi ng administrasyong Duterte na hindi nito papayagan ang demolisyon sa mga bahay ng mga maralitang lungsod hangga’t walang relokasyon ang mga ito. Pero nagpatuloy ang mga demolisyon sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan at iba pang sentrong bayan. Noong Hulyo, ilang araw matapos maupo sa poder si Duterte, nangyari ang marahas na pagdemolis sa Culiat, Quezon City. May mga nangyari ring demolisyon sa Estero de Magdalena sa Recto Avenue, Manila, gayundin sa may Patungan Cove sa Maragondon, Cavite kung saan halos 300 mangingisda ang marahas na tinangkang itaboy. Lumalabas na sa kabila ng anunsiyo ng Pangulo, “business as usual” ang mga demolisyon. Samantala, iyon namang “pinapalad” pang magkaroon ng relokasyon, pangkaraniwan na ang mga reklamo ng substandard na mga bahay, mahal na mga bayarin, at kawalan ng kabuhayan dahil sa malayo sa kanilang mga trabaho ang mga relokasyon. Bagamat may pana-panahon at paisa-isang ulat hinggil sa abang kalagayan ng mga dinedemolis at nire-relocate tila kulang na kulang ito. Nanatiling bulag ang mas malawak na publiko sa bang kalagayan nilang relocatees.


6. Neoliberal na oryentasyon ng K-to-12

Protesta laban sa K to 12 sa pangunguna ng Kabataan Partylist. Kontribusyon/CEGPNang pumasok ang bagong akademikong taon, nakita ang mga kakulangan at problema na dulot ng implementasyon ng programang Kindergarten-to-12 years (K-to-12), tulad ng kakulangan ng pasilidad at mga guro. Nasa gitna na ng transisyon ang sistema ng edukasyon tungo sa pagdagdag ng taon ng pag-aaral sa antas ng sekundaryo. Nagiging pokus ng mga balita hinggil sa K-to-12 ang mga problema sa implementasyon. Pero hindi nabibigyan ng pokus ang pinakaproblema nito: na nakatuon ang programa sa pagluluwal ng murang lakas-paggawa para sa dayuhang mga mamumuhunan at para sa pagpapaigting ng pag-aangkat ng lakas-paggawa (labor export)–dalawang polisiya na inaasahan ng gobyerno na siyang pagpapasok ng kailangang pondo.


7. Pakikibaka ng agrarian reform beneficiaries sa Tagum 

press-conIsang halimbawa lang ang nangyayari ngayon sa Madaum, Tagum City sa pangangamkam ng malalaking panginoong maylupa at korporasyon sa buong bansa sa lupain na ginawad na nga ng Department of Agrarian Reform sa mga magsasakang nagtatrabaho rito. Iginawad na DAR ang 145-ektaryang lupain sa mga benepisyaryong magsasaka nang magsimula ang mga ito sa ilalim ng kanilang organisasyon, ang Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Association Inc. (Marbai), na muling balikan ang lupa para pagtamnan. Pero inatake sila ng mga armadong tauhan ng Lapanday Foods Corp., na naggigiit sa naturang lupain batay sa maanomalyang arrangement sa dating asosasyon ng mga benepisyaryo. Nitong Disyembre 2015, sunud-sunod na araw na namaril ang mga armadong tauhan ng Lapanday sa mga magsasaka. Di-bababa sa 10 ang sugatan, ang ilan sa kanila’y malubha ang sugat. Nitong Disyembre 12, sadyang nag-spray ang Lapanday ng nakalalasong mga kemikal sa lupain habang nakakampo ang mga magsasaka at nag-aagahan. Naiuulat naman ng midya ang mga insidente, pero hindi ito naiuugnay sa mas malaking problema ng kabiguan ng Comprehensive Agrarian Reform Law at ng gobyerno para mapangalagaan ang karapatan sa lupa ng mga magsasakang nagpapayaman dito.


8. Kalagayan ng mga bilanggong pulitikal

pw-ailing-political-prisoners-01Kaugnay ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, ipinangako ni Pangulong Duterte sa publiko na palalayain niya, o bibigyan ng amenstiya, ang lahat ng bilanggong pulitikal. Dalawang round na ng usapang pangkapayapaan, mga konsultant pa lang ng National Democratic Front of the Philippines ang napalaya; nananatiling nabubulok sa kulungan ang mahigit 400 bilanggong pulitikal. Magkakasalungat pa ang mga pahayag ni Duterte, ng kanyang punong negosyador na si Silvestre Bello III at ng punong tagapayo pangkapayapaan ng Pangulo na si Jesus Dureza. Sinabi pa ni Duterte na magpapalaya siya bago matapos ang taon. Pero walang nangyaring pagpapalaya. Samantala, may mga nasawi nang bilanggong pulitikal. Nagdurusa ang maraming maysakit at matatanda. Nagagawa silang baraha sa pulitikal na laro ng rehimeng Duterte. Hindi naman nabibigyan ng sapat na coverage ang tunay na kalagayan ng mga bilanggong pulitikal.


9. Mga imbestigasyon ng DAR, NAPC at DSWD sa korupsiyon sa precedessors nila

pw-progressives-in-cabinetIsa sa positibong mga hakbang na ginawa ni Pangulong Duterte nang maluklok sa Malakanyang ang pagtalaga ng progresibong mga lider at eksperto sa iba’t ibang poste sa kanyang gabinete. Partikular nito ang pagtalaga niya kay Judy Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development, Rafael Mariano sa Department of Agrarian Reform at Liza Maza sa National Anti-Poverty Commission. Pagkaupo na pagkaupo, pinasimulan na ng tatlo ang pagsisiyasat sa mga anomalyang maaaring kinasangkutan ng kanilang mga predecessor sa ahensiya. Sinuri ni Mariano ang nakaraang mga hakbang at desisyon ng DAR–kung naging tapat ito sa tungkuling poproteksiyunan ang karapatan ng agrarian reform beneficiaries na patuloy na pinagkakaitan ng karapatan sa lupa. Inurirat naman ni Taguiwalo kung papaano nagastos ng nakaraang kalihim ang mga pondong nalikom para sa mga biktima ng bagyong Yolanda–na nagrereklamo ngayon na hindi pa rin sila nabibigyan ng sapat na ayuda para makabangon. Inaral naman ni Maza ang mga proyektong pinasok ng NAPC, kasama na ang pagkuha ng daan-daang suwelduhang “konsultant” sa ilalim ng nakaraang tagapangulo nito. Mainam sanang nakober ng dominanteng midya ang radikal na pagrereporma ng tatlong progresibong lider sa mga ahensiyang ito na batbat ng anomalya.


10. People’s Agenda sa administrasyong Duterte

13516440_10153675072341027_1338038402821151657_nSa bisperas ng pag-upo ni Pangulong Duterte sa puwesto noong Hunyo 30, nagsumite ang mga organisasyong masa sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ng 15-puntong “people’s agenda” na maaaring agarang matugunan ng bagong Pangulo sa unang 100 araw at unang taon. Kasama sa mga adyendang ito ang pagpapasimula sa mga programa para sa pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo na ayon sa maraming eksperto sa ekonomiya’y magluluwal ng malawakang empleyo sa mga manggagawa at magsasakang Pilipino, habang magwawakas sa pagkatali ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan at kontrol. Maganda ang ilang naunang pahayag ng Pangulo: plano niyang buhayin ang namamatay nang industriya ng bakal–isa sa mga batayang industriyang kailangan para sa kaunlaran ng bansa. Ano na ang nangyari sa planong ito? Ano na ang naging tugon ng Pangulo sa adyenda ng mga mamamayan? Tila natabunan na ng araw-araw na balita ng mga pamamaslang ng mga pulis sa giyera nito kontra droga ang ilang mahahalaga at batayang isyu na dapat tinutugunan ng Pangulo.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+197
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/01/10-mahahalagang-istoryang-pinalampas-ng-midya-noong-2016/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.