Siyang sinisingil

July 26, 2017

Natulak ng kilusang masa ang Presidente na magpaliwanag sa sambayanan sa kanyang mga kabiguan. Sa bahagi ng kilusang masa, tiyak ang pagpapaigting nito sa paniningil at paglaban.

Dambuhalang protesta ang muling inilunsad ng mga organisasyon ng mga mamamayan nitong Hulyo 24, araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na siyang nag-organisa ng protesta, humigit-kumulang 40,000 ang dumalo.

Ang mensahe ng protesta: Paniningil sa rehimeng Duterte sa mga kabiguan nitong isakatuparan ang mga pangako sa loob ng isang taon sa poder. Nangungunang panawagan din ng mga demonstrador ang pagbasura sa batas militar sa Mindanao na pinalawig pa ng Kongreso noong nakaraang linggo. Kaiba sa nakaraang SONA, hindi na mapagdiwang ang kilos-protesta ngayon. Sa kanilang mga plakard, istrimer, at effigy, idinadaing ng mahihirap na mga sektor ang paglala ng kanilang kalagayan: Lumala ang kawalan ng trabaho at masahol na kalagayan sa trabaho ng mga manggagawa; tumindi pa ang krisis sa pabahay; wala pa ring tunay na reporma sa lupa; nananatiling pangarap ang akses ng mga maralita sa mga serbisyong panlipunan; at iba pa.

Kasama sa martsa ang daan-daang Lumad na naglakbay mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao para idaing ang mga atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang mga komunidad. Kasama rito ang mga estudyante at guro sa mga eskuwelahan ng mga Lumad na pinararatangang “eskuwela ng NPA (New People’s Army)” at target ng panghaharas ng mga sundalo ng rehimeng pinatitindi ang mga operasyong kontra-NPA sa ngalan ng dineklarang “all-out war” at kahit batas militar.

Sa kabuuan, masasabing kinakatawan ng 40,000 ang iba’t ibang aping sektor at pamayanang dehado ngayon sa ilalim ng rehimen at presidenteng nangakong pangangalagaan ang karapatan nila at susuway sa gawi ng nakaraang mapanupil na mga rehimen.

Kung babalikan ang mga ipinangako ni Duterte, lalo na iyung mga pangakong matatagpuan din sa 15-puntong adyenda ng mga mamamayan sa People’s Summit (na tinipon din ng Bayan noong nakaraang taon) tulad ng pagbasura sa kontaktuwalisasyon, libreng pamamahagi ng lupa, at iba, masasabing wala ni isa roon na imposibleng di-magawa ni Duterte.

Pero sa kabila nito, malinaw namang sistematiko ang pagkakait sa mga karapatang nabanggit. Halimbawa, malinaw na nananatili ang monopolyo ng iilang panginoong maylupa sa mga lupaing agrikultural sa bansa, at pinipigilan ng mga asenderong kongresista ang anumang panukalang batas na bubuwag sa mga monopolyong ito. Sa mga pangako ni Duterte sa mga manggagawa, tulad ng pagpawi sa kontraktuwalisasyon at pagkakaroon ng pambansang minimum na sahod, nananatiling malakas ang impluwensiya sa loob ng mismong gabinete at burukrasya ng gobyerno.

Malaki ang inaashaan ng mga mamamayan kay Duterte kasi sadyang nagpaasa siya rito. Kahit sa usapin ng giyera kontra droga, sadyang napakataas ng ipinaasa: matatapos ang problema sa tatlo hanggang anim na buwan. (Siyempre, ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at progresibong mga grupo, mariin ang pagtutol sa marahas na mga pamamaraan ng digmaang ito.)

Sa ganoong punto, dapat inaasahan na ni Duterte ang paniningil matapos ang isang taon. Hindi katanggap-tanggap ang sinabi niya—sa harap ng kilos-protesta sa SONA (balikan natin ito mamaya)–na dapat maghintay pa ang mga mamamayan na matupad ang mga pangakong ito.

Hindi naman sa inaapura siya ng taumbayan. Ang hinihiling nila, kahit panimulang hakbang, halimbawa, sa pagpawi sa kontraktuwalisasyon, ay hindi pa nailalatag ng kanyang gobyerno. Hindi katanggap-tanggap na sabihing itinalaga niya ang mga progresibong miyembro ng gabinete at sapat na iyun—natupad na niya ang mga pangako niya. Makatwiran ang paniningil ng 40,000 katao sa Batasan Road noong Hulyo 24. Matakwirang maningil na ang buong taumbayan.

Balikan natin ang pagpunta ni Duterte sa SONA ng Bayan. Ilang araw bago ang SONA, humiling ang mga organisasyong masa ng diyalogo sa kanya sa Malakanyang. Pinaunlakan niya ito, pero kaiba sa nakaraang mga diyalogo, naging matigas siya sa batas militar, sa giyerang kontra-insurhensiya, sa mga di-makatwirang kondisyon sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.

Noong Hulyo 22, niratsada ng mga tagasuporta ni Duterte sa Kongreso ang pagpapalawig ng implementasyon ng batas militar. Sa puntong iyun, tila nasa hangganan na ang pakikipag-ugnayan ng progresibong kilusan kay Duterte. Sa araw ng SONA, bitbit na ng mga demonstrador ang pagkondena sa “rehimeng US-Duterte”–sa batayang mistulang kontrol na ang rehimen ng imperyalismong US, pangunahi’y sa pamamagitan ng maka-US at militaristang mga miyembro ng gabinete na sina AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Ano, National Security Adviser Hermogenes Esperon, at Defense Sec. Delfin Lorenzana. Tumpak ang suring ito; tumutungo na sa pagpapakatuta sa US ang rehimen ni Duterte at tumitindi pa nga ang pasismo sa pangangasiwa niya sa militar at pulisya.

Sa kanyang mismong SONA, inulit lang ni Duterte ang dati nang mga pahayag: ang programang Build, Build, Build! na pagpapatayo ng mga proyektong imprastraktura (galing sa utang panlabas, o kaya sa pakikipagsosyo sa malalaking dayuhan at lokal na kapitalista), ang pagpapatuloy ng giyera kontra droga, ang kahanga-hangang adbokasiya niya kontra sa malawakang komersiyal at mapanirang pagmimina. Sa talumpating ito, pinaulanan din niya ng insulto at mura ang kanyang mga kritiko. Kasama sa inalimura ang mga progresibo, at lalo na ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan sa usapang pangkapayapaan. Pinuruhan din ng kanyang insulto si Prop. Jose Maria Sison, punong konsultant pampulitika ng NDFP.

Hindi na bago ang pang-iinsultong ito ng Pangulo kontra sa legal at rebolusyonaryong Kaliwa, pero tila pinalalakas lang nito ang tumitinding kritikal at antagonistikong tindig ng kilusang masa kontra sa kanyang rehimen.

Pero nangyari ang isang bagay na hindi inaasahan ng marami. Kalagitnaan ng programa sa kilos-protestang SONA ng Bayan, lumapit ang mga kinatawan ng Presidential Management Staff (PMS) kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan. Ayon umano sa PSG, gustong magsalita ni Pangulong Duterte sa rali. Nag-usap-usap ang mga lider ng mga organisasyong masa, at nagkaisang dapat lang na paunlakan ang Pangulo—para tumugon sa inihahapag na mga hinaing at panawagan ng mga mamamayang nagprotesta.

Pagkatapos na pagkatapos ng talumpati niya, matapos ang maikling panahong pakikipagkamayan at pakikipag-selfie sa sumisipsip na mga kongresista sa loob ng Batasan Pambansa, dumiretso si Duterte sa protesta. Hindi maitatanggi: Makasaysayan ang pangyayaring ito. Sa unang pagkakataon, isang Pangulo na kabibigay lang ng kanyang talumpati sa SONA ang tumungo sa dambuhalang kilos-protesta kontra sa kanyang panunungkulan.

Tamang inilinaw ni Reyes na tagumpay ng mga mamamayan ang natulak nitong hayagang kilalanin ng isang Pangulo—ng namumunong kinatawan ng namamayaning Estado—ang lakas at halaga ng kilusang masang nagpoprotesta. Mahalagang kilalanin din na risky o mapanganib na pampulitikang hakbang ito para sa kanya. Isinugal din ni Duterte ang kanyang seguridad bilang Punong Ehekutibo ng gobyerno sa isang sitwasyong kahit ano’y puwedeng mangyari.

Totoo naman: astang maton, siga, sanggano siya pagtuntong ng entablado. Pero sa kabila nito, at sa kabila ng pag-boo at makatwiran namang pagsigaw ng mga panawagan ng mga mamamayang odyens, napansin ng ilan ang kanyang tangkang pagpapaliwanag sa kilusang masa: “’Yang martial law, sandali lang ‘yan. May tatapusin lang ako…” Nakulapulan man ng pag-aapela (“magrespetuhan tayo…”), paghahamon (“Kahit patayin n’yo na ako dito…itsahan ninyo ako ng granada…”) o pagbibiro, hindi makakailang natulak siyang pumunta sa kilos-protesta—sa kabila, sigurado, ng payo ng kanyang PSG, ng mga heneral ng pulis at militar, at iba pang tagapayo—at magpaliwanag sa kanyang naging mga pahayag at desisyon nitong nakaraang mga linggo.

Ibang usapin pa ang nilalaman ng kanyang mga pahayag, kapwa sa mismong SONA ng Bayan at sa press conference sa Batasan pagkatapos nito. Makatwirang batikusan at kondenahin ang mga pahayag ni Duterte, lalo pa’t may bigat ng polisiya ang mga sinasabi niya bilang Punong Ehekutibo. Sabihin mang tirang pikon lang ang “utos”, halimbawa, na bombahin ang mga eskuwelahan ng mga Lumad sa Mindanao, hindi ito dapat palampasin at dapat kondenahin nang buong lakas. At hindi nga ito pinalampas ng kilusang masa.

Katulad din ito ng makatwirang pagbatikos at pagkondena ng mga organisasyong masa sa di niya pagtupad sa mga pangako sa loob ng isang taon sa poder. Maktwiran ang pagbansag sa kanyang mistulang tuta ng imperyalismong US, dahil sa pagpayag niya sa pananatili ng tropang Kano sa bansa, at lalo na ang pagpapatuloy ng mga polisiyang neoliberal sa ekonomiya na mistulang pagpapatuloy lang ng bigong mga polisiya na lalong pagpahirap sa mga mamamayan sa ilalim ng sunud-sunod na mga presidente bago si Duterte. Makatwiran din ang pagsiwalat ng mga maling impormasyon o kasinungalingang nababanggit niya sa kanyang mga buladas.

Nagpapaliwanag si Duterte sa kanyang mga kabiguang tupdin ang makatwirang mga hiling. At ang kilusang masa, marapat na gamitin ang pagkakataong ito para pukawin, organisahin at pakilusin ang mas malawak na bilang ng mga mamamayan, bitbit sa kanila ang makatwirang mga hiling na ito. Ipinakita ng kampanyang #OccupyPabahay ng Kadamay, ng iba pang malalakas na kampanyang masa, at ngayon ng dambuhalang SONA ng Bayan, na sa pagpapalakas ng kilusang masa naisusulong ang progresibong pagbabago.


Featured image: Larawan ng pagsasalita ni Pangulong Duterte sa entablado ng SONA ng Bayan, ni Cindy Aquino
Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+197
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/07/siyang-sinisingil/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.