Zineulat

Aba Naman, Tama Na: Dasal at Subersyon


Ang relihiyosong Romano Katolikong panitikan tulad ng mga dasal ay naging epektibong instrumento ng mga sistemang kolonyalismo at pyudalismo ng mga Kastila. Ang akto ng pagsasalin ng mga dasal at akto ng pagpapamemorya sa mga dasal ay pagsasalin rin ng kumbersyon o pagsasa-kolonya ng mga katutubo. Ang akto ng pagpapatanggap sa mga dasal at sa epistemolohikal na katunayan nito ay pagpapatanggap sa hirarkiya ng kapangyarihan ng kolonyal na kaayusan ng mga Kastila, na nagmumula pa sa monarkiya ng Espanya.

Ang relihiyosong Romano Katolikong panitikan tulad ng mga dasal ay naging epektibong instrumento ng mga sistemang kolonyalismo at pyudalismo ng mga Kastila. Ang akto ng pagsasalin ng mga dasal at akto ng pagpapamemorya sa mga dasal ay pagsasalin rin ng kumbersyon o pagsasa-kolonya ng mga katutubo. Ang akto ng pagpapatanggap sa mga dasal at sa epistemolohikal na katunayan nito ay pagpapatanggap sa hirarkiya ng kapangyarihan ng kolonyal na kaayusan ng mga Kastila, na nagmumula pa sa monarkiya ng Espanya.

Tingnan halimbawa ang dasal na “Aba Ginoong Maria”:

Aba ginoong Maria

Napupuno ka ng grasya

Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo

Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat

At pinagpala rin naman ang iyong anak na si Hesus

Santa Maria, Ina ng Diyos,

Ipanalangin mo kaming mga makasalanan,

Ngayon at kung kami’y mamamatay,

Amen.

Ang dasal na “Aba Ginoong Maria” ay mahusay na halimbawa ng pagpapasailalim ng payak na mamamayan tulad ni Maria sa kapangyarihan ng isang Diyos. Ang equibokasyon nito ay nasa linyang si Maria ay “napupuno…. ng grasya” at na sumasakaniya ang “Panginoong Diyos.” Sa karanasan ng Katolikong Pilipinas – at ng kinokolonisang mga isla at mamamayan ng Pilipinas – tila itinuro na maging kawangis ng Birheng Maria ang mga kinokolonya: “mababa” at “masunurin” sa atas at nais ng isang makapangyarihang Diyos. Ang implikasyon rin ng dasal na pinili ng Diyos si Maria upang maging “Ina ng Diyos” ay “pinagpala” si Maria, bagama’t mabigat ang responsibilidad ng pagiging Ina ng Diyos.

Mula sa kolonyal at relihiyosong texto ng dasal na “Aba Ginoong Maria,” isa si Marcelo H. del Pilar sa kumasangkapan sa mga porma ng dasal at dasalan upang tuligsain ang kolonyal na kaayusan ng mga Kastila, sa partikular ang frailokrasya o ang teokratiko at politikal na dominasyon ng mga Kastilang fraile. Sa kaniyang klasikong “Dasalan at Tocsohan,” ang pagsatirika ni del Pilar sa mga dasal ng kolonyal na Simbahang Katoliko upang ang mismong tagapamandila ng kolonyalismong Katolisismo ng mga Kastila ang puntiryahin. Ang “Aba Ginoong Maria,” halimbawa, ay pinarodya ni del Pilar bilang “Aba Guinoong Baria”:

Aba guinoong Baria nakapupuno ka nang alcancia ang Fraile’i sumasainyo bukod ka niyang pinagpala’t pina higuit sa lahat, pinagpala naman ang kaban mong mapasok. Santa Baria Ina nand Deretsos, ipanalangin mo kaming huag anitan ngayon at cami ipapatay. Siya naua.

Kapansin-pansin sa naturang “dasal” ni del Pilar na ang pinupuring si Maria sa orihinal na dasal ay naging “Baria.” Hindi ito nangangahulugang binabastos si Maria, kundi ipinapakita na noong panahon ng kolonyalismong Kastila, ang lohika ng “baria” o pera ang pumapaimbulog na logos maging sa pamumuno ng mga tiwaling fraile sa kani-kanilang mga parokya. Laluna’t sa linyang “ang Fraile’i sumasinyo” ay ipinapamalas na ang “Baria” ang siyang nagiging pinaka-operatibong tagapagpadaloy ng kolonyal na kaayusan. Ipinaparating rin sa nasabing pinarodikong dasal na ang mga fraile, taliwas sa kanilang ipinapamandilang buhay ng kawastuan, ay ang lumalabag sa pinakabatayang prinsipyo at karapatan ng tao para sa pantay-pantay na pamumuhay. Nagiging Diyos ang baria. Sa partikular, tinutuligsa ng sinatirikang dasal ang mga akto ng pangungurakot ng mga fraile, sa partikular ang indulhensiya (indulgencia).

Makikita sa ginawa ni del Pilar ang tradisyon ng protesta – ang tradisyon ng subersyon – na mamamasdan sa tradisyong pampanitikan at pangkultura sa Pilipinas. Ang “subersyon” ay ang pagkasangakapan ng pangkalahatang masa at ng progresibong kilusan sa mga kultura ng naghaharing-uri at dominanteng institusyon upang “gisahin sa sariling mantika” ang kalaban/kaaway na uri. Hindi nga ba’t nagisa ni del Pilar ang mga tiwaling fraile sa kanilang sariling mantika sa pamamagitan ng kaniyang “Dasalan at Tocsohan.”

Pagdating sa kasalukuyang panahon, ilang daang taon mula nang isulat ni del Pilar ang “Dasalan at Tocsohan,” matatanggap sa birtwal at elektronikong mundo ng text message ang forwarded message na “Aba Naman Gloria” ng pinakapopular na awtor na si Anonymous:

Aba naman Gloria
Puno ka ng grasya
Ang yaman ng tao’y sumaiyo na.
Bukod kang nandaya
Sa babaeng lahat.
Pinagpala rin, asawa mo’t anak.
Wala ng natira sa AMEN.

Sa panahon ng panunungkulan ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, batbat ng kontrobersiya at katiwalian ang lipunan. Dalawa sa pinakapopular na kontrobersiya ng katiwalian ni Arroyo na makikita sa text message na ito ay ang NBN-ZTE scandal at ang Hello Garci scandal. May dalawang akto ng subersyon sa text message na “Aba Naman Gloria.” Una, ang subersyon ng kolonyal na pormang pampanitikan ng dasal. Ikalawa, ang subersyon ng kapitalistang porma ng text message. Ang pinakalohika ng text message na protestang “Aba Naman Gloria” ay ang pagtuligsa sa “sindikatong Arroyo,” o ang sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan: “Ang yaman ng tao’y sumaiyo na” at “Pinagpala rin, asawa mo’t anak.” Ang Hello Garci scandal na siyang buod ng pandaraya sa eleksyon ni Arroyo ay makikita naman sa linyang “Bukod kang nandaya.” Ngunit ang kahusayan ng protestang ito ay nasa payak na pagbuntung-hininga ng galit: “Wala ng natira sa AMEN” – na tila sinasabing sawa na at hindi karapat-dapat na maghirap ang karamihan ng mamamayan.

Bukod sa pandarambong at pandaraya sa eleksyon, ang kaso ng mga extrajudicial killing, sa partikular ang politikal na pamamaslang sa mga aktibista’t progresibo, ay naging pangkasaysayang karahasan ng gobyernong Arroyo. Pinatindi pa ito at niligalisa ng Human Security Law o Terror Law ni Arroyo na kung tutuusin ay nilalahat at inaakusahang terorista ang sinumang kumakalaban sa pamahalaan. Hindi nga ba’t tahasang tinutuligsa ng mga aktibista si Arroyo, kung kaya’t sila ang tinatarget na pangalanang terorista ng gobyerno. Itong lisyang kamalayan na ito ang tinibag at binuwag ni Prop. Rommel Rodriguez sa kaniyang tulang “Ang Disipulo ng Takot” (http://zumel.com/index.php?id=242&option=com_content&task=view) kung saan ipinakita niyang si Arroyo mismo ang tagahasik ng karahasan sa lipunan, kung kaya si Arroyo ang tunay na terorista. Sumusunod rin sa porma ng dasal na “Aba Ginoong Maria” ang tula ni Rodriguez:

Aba Ginang Gloria
napupuno ka ng pantasya
ang kapangyarihan ng takot
ay sumasaiyo,
bukod mong tinutugis
ang mga palaban
habang patuloy kang
nagsasaboy ng kasamaan.

Aba Ginang Gloria
di ka na nahiya
sa batas na iyong nilikha,
panakip-butas
pakanang gasgas
kunwari’y sa kapayapaan,
katahimikan ang hangad.

Aba Ginang Gloria
bakit hindi tumingin sa salamin?
Tanungin ang sarili, saka bigkasin:

”Salamin, salamin,
Salamin sa Malacanang,
Sino ang terorista’t
Nanliligalig sa bayan?”

Subalit ang salamin ay hindi tutugon
Dahil tukoy na ang sagot sa tanong.

Siya na nga.

Mainam pa ring paalala at hamon sa bagong pangulong Noynoy Aquino ang text message at ang tula ni Rodriguez – na panagutin si Gng. Arroyo at ang kaniyang mga kasapakat para sa lahat ng katiwalian, karahasan at inhustisya na inabot ng bayan mula sa kanila, laluna’t nakapangunyapit pa rin sa politikal na kapangyarihan bilang kongresista si Aba Naman Gloria! At hamon rin ito kay Noynoy na gumawa ng kongkretong hakbang labab sa at parusahan ang mga naghasik ng politikal na pamamaslang mula kay Arroyo hanggang sa kaniyang kasalukuyang administrasyon.