Editoryal

Si Arroyo at ang kanyang mga guwardiyang berdugo


HINDI nakapagtataka kung bakit tinutulan ng marami ang pagtalaga ni Pangulong Arroyo sa kontrobersiyal na retiradong mga heneral sa burukrasya. Isang bukas na lihim kung bakit sa kabila ng matitinding kritisismo sa pagtalaga niya – pinakahuli sina Ret. Vice Admiral Tirso Danga sa National Printing Office, dating AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon bilang hepe […]

HINDI nakapagtataka kung bakit tinutulan ng marami ang pagtalaga ni Pangulong Arroyo sa kontrobersiyal na retiradong mga heneral sa burukrasya.

Isang bukas na lihim kung bakit sa kabila ng matitinding kritisismo sa pagtalaga niya – pinakahuli sina Ret. Vice Admiral Tirso Danga sa National Printing Office, dating AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon bilang hepe ng Presidential Management Staff at posibilidad na pagtalaga kay Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan sa Dangerous Drugs Board – ay nagkikibit-balikat lamang ang pangulo.

Unang dahilan ang kredibilidad ng naturang mga heneral. Nasangkot si Danga sa eskandalong “Hello Garci” at pandaraya sa eleksiyong 2004. Ngayo’y inilagay siya sa NPO na siyang nag-iimprenta ng mga balota para nalalapit na eleksiyong 2010.

Ang kredensiyal naman ni Esperon ay panggigiyera sa mga Moro at rebeldeng komunista. Bago italaga bilang PMS, ipinuwesto muna siya bilang presidential adviser on the peace process. Nagresulta ito sa lalong pagsiklab ng antigong digmaan sa Mindanao nang dahil sa panukalang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain.

Samantala, itinuturong sangkot si Palparan sa napakaraming ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga kritiko ni Pangulong Arroyo. Kahit ang Melo Commission na binuo mismo ng gobyerno para imbestigahan ang malaganap na pamamaslang noon, ay nagsabing may pananagutan si Palparan. Pero hindi ito binalak na panagutin ng gobyerno. Sa halip, pinasalamatan pa ito ni Pangulong Arroyo sa isa nitong state of the nation address. At ngayo’y bibigyan pa ng pwesto sa kanyang gabinete.

Sa bilang ng progresibong mga grupo, mahigit 25 dating militar o pulis ang nasa gabinete ng pangulo kabilang na ang Executive Secretary. Idagdag pa ang mga retiradong opisyal na itinalaga naman bilang mga embahador.

Hindi tuloy maiwasang isipin na ang pagtatalagang ito ay dulot ng pagkatakot ni Pangulong Arroyo na mapatalsik o mawala sa puwesto. Dahil sa pagiging di popular na pangulo, mukhang kailangang lagi siyang guwardiyado.

Subalit gaano man yatang kritisismo ang tanggapin ni Pangulong Arroyo ay tatanggapin nito, maitalaga lamang ang matatapat niyang opisyal. Sukdulang lalong sumadsad ang kanyang lupagi nang popularidad.

Ang masama, baka ang buntot ang nagwawagwag sa aso.

Nagbabayad pa ng utang sa kanila ang Pangulo o naghahanda ng militar na pamumuno? Alinman sa dalawa, tiyak ang mga mamamayan ang talo.