Mas malawak na larangan para sa militanteng oposisyon

April 21, 2009

Rep. Liza Maza: Kasama ang kapwa militanteng mga kongresista, handang sumabak sa mas malaking larangan (KR Guda)
Rep. Liza Maza: Handa na sa bagong larangan sa Senado (KR Guda)

ISANG pangyayaring posibleng may malaking implikasyon sa takbo ng pulitika sa bansa ang naganap noong Abril 16 sa Quezon City.

Hindi ang naganap ang pag-aresto sa mga kaanak ng asawa ng brodkaster na si Ted Failon ang tinutukoy sa itaas. Noong araw na iyon, nagsagawa ng panimulang asembleya ang Makabayan, o Makabayang Koalisyon ng Mamamayan, sa Bahay ng Alumni, UP Diliman. Sa kabila ng matamlay na coverage ng midya, masasabing ito ang isa sa pinaka-malaking kaganapang may kaugnayan sa papalapit na halalan sa 2010 – ang paglahok ng militanteng oposisyon, o ng sinasabing Kaliwa, sa pambansang halalan, pati sa Senado.

Matindi man ang init ngayong tag-araw sa naturang gusaling open air, nakipagsisiksikan ang daan-daang representante ng iba’t ibang progresibong organisasyon sa bansa. Mistulang pista – estilong aktibista – ang kaganapan: mga palamuting lobong pula, dilaw at puti sa mga dingding at kolum ng gusali, dalawang malaking videowall sa kanan, at mga taong nakasuot ng ­t-shirt na may nakasulat na “Ako ay Makabayan.” Paroo’t parito naman ang mga miyembro ng kani-kanilang mga party-list (Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela; pati Kabataang Pinoy, Alliance of Concerned Teachers at Courage). Hindi nga lingid sa kanila ang halaga ng araw na iyon.

Pakikiisa ng mga pulitiko

Kahit ang mga pulitikong panauhin, isa-isa sa entablado na nagbigay pakahulugan sa salitang pangalan ng koalisyon at sa araw na iyon. Si Rep. Jose de Venecia, ikinakatuwa raw ang pagsalita niya sa entablado roon, lalupa’t dati raw niyang tinulungan ang militanteng mga kongresistang binansagang “Batasan 5” (sina Reps. Satur Ocampo, Liza Maza, Rafael Mariano, Joel Virador, at Teddy Casino) na kinupkop daw niya sa kanyang tanggapan sa Kamara para di maaresto ng pulisya. Ginawa niyang pagkakataon ang panahon sa entablado para iprisinta ang bago niyang plano na itaguyod ang “mabubuting akpekto” ng kapitalismo at sosyalismo. Nagpalakpakan ang ilan, pero sabay kamot ng ulo ang marami.

Samantala, nagsalita rin ang ilang senador (ang sabi ng ilan, presidentiables daw): si Sen. Mar Roxas, na bumati lang nang maikli sa entablado bago mabilis na tumalilis pa labas; si Sen. Kiko Pangilinan, na ikinumpara ang ipinaglaban niyang mga isyu bilang dating estudyanteng aktibista sa kanyang ipinaglalaban bilang senador ngayon; at si Sen. Jamby Madrigal, na matalas na pinuri ang Makabayan bilang tanging grupong pulitikal na “handang mamatay para sa pilosopiya nito,” at “wala ni isa (sa mga miyembro) ang mabibili ng trapo (traditional politicians).”

Nagsalita rin si Quezon City Mayor Sonny Belmonte – inamin niyang ang turing sa kanya ng mga aktibista ay isang “trapo”, pero nakikiisa pa rin umano siya sa Makabayan.

Siyempre, nagsalita ang militanteng mga kongresista. Sa pagbabaybay ni Gabriela Rep. Liza Maza sa halos walong-taong gawaing parlamentaryo sa ilalim ng progresibong mga party-list sa Kamara, nailatag ang mga posibilidad na mas malalim na lumahok ang militanteng oposisyon sa pakikibakang elektoral.

Sa press conference noong katanghalian, sinabi ni Maza na may kongkretong batayan para maniwala ang mga militante na may tsansa sila sa halalan. Ang tatlong milyong boto ng progresibong mga party-list, aniya, ang patunay na sa kabila ng pandaraya, pananakot, at pananabotahe ng pinaghihinalaang mga ahente ng Estado ay kuha nila ang suporta ng sambayanan.

Factored in na doon ‘yung dayaan at political repression. Magiging mahirap, pero naigpawan ito noong nakaraang mga eleksiyon,” paliwanag ni Maza.