Panahon upang managot ang pilit nagbabalatkayo


Ano nga ba ang layunin ng pamahalaan sa P25 Milyong pabuya para sa pagsugpo ng pamamaslang? Salapi nga ba ang sagot sa usapin? At bakit tila may taktikalidad at kagyat na pangangailangan ang pangulo upang ipahayag ito?

swine-flu_editorial-cartoon

Inaprubahan kamakailan ng Malakanyang ang kabuuang halaga na P25 Milyon na ilalaan umano bilang pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa nasa likod ng pamamaslang, pandurukot at sapilitang pagkawala ng mga aktibista, mamamahayag at tagasimpatya ng makabayang kilusan. Hinihikayat din ng pangulo na magbigay ang mga mambabatas ng P250,000 mula sa kani-kanilang Countrywide Development Fund o pork barrel upang mabuo ang halagang ito.

Totoo, kagyat na kailangang lutasin ang mga kaso ng politikal na panunupil sa mga progresibo, militante, oposisyon at tagasuporta nila. Paano ba’y mula nang maupo sa Malakanyang ang pangulo, may naitatala nang mahigit 1,000 na kaso ng pamamaslang at mas maraming bilang ng ibang kaso ng paglabag sa mga karapatang-pantao. Sa halos lahat ng pagkakataon, may matibay na tuntungan upang sabihin na may kinalaman ang armadong puwersa ng pamahalaan sa mga kasong ito.

Kaya’t ano nga ba ang layunin ng pamahalaan sa hakbang na ito? Salapi nga ba ang sagot sa usapin? At bakit tila may taktikalidad at kagyat na pangangailangan ang pangulo upang ipahayag ito?

Marami ang nagsasabi na itinataon ang mga hakbanging katulad nito sa panahong kailangang kailangan na salagin ang mga batikos – mula sa loob at labas ng bansa – sa nagpapatuloy na karahasan laban sa mga tumutunggali sa pamahalaan.

Katatapos lamang ilabas ni Propesor Philip Alston, ang Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions ng United Nations, ang kanyang panibagong ulat nito lamang Abril. Aniya, sa isang banda, maaaring batiin ang pangulo dahil sa “pagpapaabot ng mensahe sa militar na nagresulta sa signipikanteng pagbaba ng bilang ng pamamaslang.”

Ngunit ayon sa mga kritiko ng pamahalaan, ang nasabing kaganapan ay di-tuwirang pagkilala na sangkot ang militar sa mga kasong ito. Gayundin, nababahala si Prop. Alston na patuloy pa rin ang mga pamamaslang at iba pang uri ng panunupil sa bansa. Mas malala, hindi pa rin nanagot ang may sala gayong ang kongklusyon mula sa masisinop na imbestigasyon, pinakatumpak na lohika at pinakamatalas na suri ay tumuturo lamang sa iisa at tiyak na salarin.

Kaduda-duda na ang P15-M mula sa halagang ito ay nakalaan para sa pag-aresto kay Jose Maria Sison (na tumatayong tagapayo ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan at tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle), na ang hinarap na mga kaso ay napatunayang walang basehan sa korte sa The Netherlands, at Gregorio “Ka Roger” Rosal (tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines) na namumuno sa isang lehitimong armadong pakikibaka.

Samantala, kahina-hinala naman ang pag-amin ni Executive Secretary Eduardo Ermita na malaking bahagi ng pabuyang ito ay mapupunta sa pulis, militar at sa National Bureau of Investigation na sila umanong magsasakatuparan ng pagwawakas sa paglabag sa mga karapatang pantao sa bansa. Ito ay sa kabila ng ulat ni Prop. Alston noong 2007 (maging, sa isang banda, ng Melo Commission noong 2006) na may kinalaman ang mga pormasyong ito sa mga kasong nabanggit. Suhol ba itong masasabi sa armadong puwersa upang patuloy na magsilbi sa pamahalaan habang pinapatahimik ang mga tumutunggali dito?

Ayon nga sa obispong si Broderick Pabillo ng CBCP National Secreatriat for Social Action, Justice and Peace, “political will” at hindi salapi ang lulutas sa mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao. Ayon pa sa isang progresibong mambabatas, ang kailangang gawin ng pamahalaan ay ang pagtalima sa mungkahi ni Prop. Alston na alisin sa Oplan Bantay Laya ang taktika ng pamamaslang at pandurukot at paglusaw sa Inter-Agency Legal Action Group na siya umanong nasa likod ng pagsasampa ng kriminal na mga kaso sa mga lider-aktibista at mga maka-oposisyon.

Sa ganitong kalagayan, tila tama ngang sabihin na tangkang pagtatakip lamang sa mga pananagutan ng pamahalaan sa mga malalalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang hakbang na ito.

At sa puntong ito, isang bagay lamang ang malinaw: Hindi matatapos ang talamak na panunupil hangga’t malaya at nasa kapangyarihan ang may sala sa mga kasong ito.

Panahon na upang managot ang pilit nagbabalatkayong salarin. (JO)