Sakit ng baboy


Sanay sila na makatanggap ng “pabuyang baboy” (pork barrel) pero hindi ibig sabihi’y hindi na sila maaaring tablahan ng sakit na Influenza A (H1N1) Virus, o mas kilala bilang swine flu virus.

Sanay sila na makatanggap ng “pabuyang baboy” (pork barrel) pero hindi ibig sabihi’y hindi na sila maaaring tablahan ng sakit na Influenza A (H1N1) Virus, o mas kilala bilang swine flu virus.

Tinutukoy natin, siyempre, ang mga kongresistang pumunta sa Las Vegas, Nevada para manood ng labanang Pacquiao-Hatton. Hindi matukoy kung sinu-sino ang mga ito, dahil tumatanggi si Espiker Prospero Nograles Jr. na isiwalat ang talaan ng mga nagsipag-absent para saksihan ang dalawang round ng panggugulpi ni Pacman sa boksingerong Briton noong Mayo 2. Humihingi si Nograles ng pormal na liham sa sinumang gustong alamin ang naturang talaan.

Mabilis na dumepensa si Nograles sa kapwa mga kongresista. Hindi ito nakapagtataka, dahil kasama siya sa mga nanood sa Las Vegas. Nasa isip ng karamihang nakasagap sa balita na posibleng pera na naman ng gobyerno ang minantakan ng mga kongresista. Pero agad na nagsabi ang Espiker na personal na pera ang ginamit ng mga kongresista.

Sa unang tingin, madaling paniwalaan itong sinasabi ni Nograles. Mayayaman naman ang mga kongresistang ito. May kani-kanilang personal na yaman para makabiyahe sa kabilang dako ng mundo para personal na panoorin ang laban na maaari namang panoorin mula sa kanilang mga telebisyon. Kung anuman ang ginagawa nila sa kayamanan nila ay problema nila. Hindi dapat pakikialaman ito ng publiko.

Pero sa mas malalim na suri, malalaman nating hindi totoo ang sinasabi ni Nograles. Sinabi ni Kabataan Party-list Rep. Raymond Palatino, na kumakatawan sa sektor ng lipunan na dapat sana’y tumitingala sa mga nakakatanda sa kanila, na sa unang araw ng sesyon na dinaluhan niya, walang quorum. Marami kasi ang wala sa Plenary dahil nasa Las Vegas. Ibig sabihin, nasakripisyo ang trabaho ng Kamara sa araw na iyon dahil wala ang mga kongresistang mayayaman na nagsitungo sa Las Vegas.

Sinusuwelduhan ang mga kongresistang ito para magtrabaho, para magpasa ng mga batas na sana’y makakatulong sa kabuhayan ng mga mamamayan. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin naaaksiyunan ang ilang mahahalangang panukalang batas na nakasalang sa iba’t ibang komite sa Kamara: panukalang P125 dagdag-sahod sa pampribadong sektor, P3,000 dagdag-sahod sa pampublikong mga kawani, panukalang batas hinggil sa tunay na repormang agraryo, at marami pang iba. Inhustisya sa taumbayan ang bawat araw ng sesyon na napapalampas para hindi mapasa ang mga panukalang ito. Sa puntong ito, masasabi pa ba ni Nograles na walang nasakripisyong pondo at trabaho ang mga layas na kongresista, kasama siya?

Ngayon, pati ang tungkulin nilang siguruhing ligtas ang taumbayan sa isang mapanganib na sakit ay ayaw nilang gampanan. Ayaw nilang magpasailalim sa quarantine. Ayos naman daw ang pakiramdam ni Nograles at ng iba pa. Wala namang kasakit-sakit. Walang kasinlusog ang mga kongresista, na naging abala sa pagbabakasyon sa tinaguriang “sin city” ng Amerika.

Maaari ngang wala silang swine flu virus. Maaaring hindi naman talaga nila ginamit ang “pabuyang baboy” noong nakaraang linggo. Pero may quarantine man o wala, makakatiyak tayong positibo ang bawat isang kongresistang pumunta noon sa Las Vegas. Positibo sila sa pambababoy sa institusyon ng Kongreso. (KRG)