Orasyon ng isang nasisante sa trabaho

June 15, 2009

salin ni Bienvenido Lumbera

Ama,
mula sa mataas mong langit, manaog ka, nakalimutan ko na
ang mga dasal na itinuro sa akin ng aking lola,
kawawang lola, ngayo’y namamayapa na,
hindi na kelangang maglaba, maglinis ng bahay, hindi na
mag-aabalang maghapon para sa pagbibihisan namin,
hindi na kelangang magpuyat, magpakahirap,
magdasal, humingi sa iyo ng kung ano-ano, malumanay na magpaawa.

Mula sa mataas mong langit, manaog ka, kung nakababa ka na, alamin
kung bakit ako namamatay sa gutom dini sa kanto ko,
kung bakit pa ako isinilang,
kung bakit kita mo nga na ang mga palad ko’y walang laman,
kung bakit walang trabaho, wala,
bumaba ka pa nang konti, liripin
kung bakit ganito ako, pudpod na sapatos,
subsob sa alalahanin, walang laman ang bituka,
walang tinapay na mangatngat ang aking ngipin, may lagnat
na umaararo sa aking kalamnan,
sa ganito natutulog,
sa ilalim ng ulan, hinahaplit ng ginaw, inuusig
ng sinasabi kong di ko maintindihan, Ama, manaog ka,
haplusin ang kaluluwa ko, pagmasdan
ang aking puso,,
hindi ako nagnakaw, wala akong pinaslang, musmos ako
at ang ganti nila’y itong walang awang pambubugbog,
na sinabi ko nang di ko maintindihan, Ama, manaog ka,
at kung nakababa ka na, pakihanap
ang pagtitiis na wala na sa akin, sasagpangin ko ang poot at sasanib ako rito
upang maningil at
isisigaw ng aking nagdurugong lalamunan,
kasi hindi ko na kaya, marami akong ipagsasakdal,
at tao lamang ako,
manaog ka, ano itong ginawa nila
sa iyong nilikha, Ama?
hayop na mabalasik
na ngumangatngat ng bato sa kalye?