Husgahan Natin

Hanggang katapusan ng proyekto lamang

Mahalaga sa mga manggagawa na malaman ang konsepto ng “project employee.” May mga pagkakataon kasi na ang isang manggagawa ay tinatanggal ng manedsment sa kanyang trabaho dahil umano siya ay “project employee” at tapos na ang proyekto kung saan siya kinuha. Ito ang nangyari kay Rene sa kasong “ Alcatel Philippines vs. Rene Relos “ […]

Mahalaga sa mga manggagawa na malaman ang konsepto ng “project employee.” May mga pagkakataon kasi na ang isang manggagawa ay tinatanggal ng manedsment sa kanyang trabaho dahil umano siya ay “project employee” at tapos na ang proyekto kung saan siya kinuha. Ito ang nangyari kay Rene sa kasong “ Alcatel Philippines vs. Rene Relos “ (G.R. No. 164315) na hinatulan ng Korte Suprema nito lang Hulyo 3, 2009.

Unang nagtrabaho si Rene sa kompanyang Alcatel bilang estimator-draftsman sa isang proyekto ng kompanya kaugnay ang PLDT. Tatlong buwan lang ang kanyang kontrata dito dahil sandali lang ang proyekto. Pagkatapos ng kontrata ay kinuha siya uli ng kompanya sa loob ng dalawang buwan para naman magtrabaho sa ibang proyekto.

Hindi na muling tinawagan ng kompanya si Rene. Ngunit pagkatapos ng halos 3 taon ay muli siyang pinatawag nito. May proyekto raw ang kompanya na kung tawagin ay PLDT 1342 project. Kaugnay ito ng paglalagay ng mga microwave antennas at towers ng PLDT sa Visayas at Mindanao. Muling kinuha nila ang serbisyo ni Rene bilang inspector . Sa unang kontratang pinirmahan ni Rene, tatlong buwan lamang ang nakasaad rito. Pagkatapos ng tatlong buwan, pinapirma siya ng bagong kontrata na ang haba ay anim na buwan. Pagkatapos ng kontratang ito, muli siyang pinapirma sa kontratang may habang isang taon. Matatapos na ang kanyang kontrata sa kompanya nang ianunsyo nito na nagkakaroon ng konting problema ang proyekto kaya mae-extend ito. Dahil dito, muli siyang pinapirma ng kontrata na may habang tatlong buwan. Pagkatapos nito ay muli siyang pinapirma ng kontrata na umabot ng isang taon.

Hindi na ni-renew ng kompanya ang kontrata ni Rene dahil ayon dito, tapos na ang proyektong PLDT 1342. Nagbigay ang kompanya ng abiso kay Rene at sa iba pang manggagawa kaugnay ng nasabing proyekto mga tatlong linggo bago ito matapos. Nawalan ang trabaho sina Rene.

Nagsampa ng demanda sa tanggapan ng Labor Arbiter itong si Rene. Sinabi niyang regular na manggagawa na siya sa kompanya kaya mali ang manedsment sa ginawang pagtanggal sa kanya. Naniwala ang Labor Arbiter kaya’t nanalo si Rene. Inutusan ng Labor Arbiter ang kompanya na ibalik si Rene at bayaran ng kanyang mga backwage.

Inapela ng kompanya sa Nationa Labor Relations Commission (NLRC) ang desisyon at nabaliktad naman ito. Ayon sa NLRC, hindi regular na empleyado si Rene kaya maari siyang tanggalin pagkatapos ng proyekto. Kaya, tama lamang ang ginawa ng kompanya.

Dinala ni Rene sa Court of Appeals ang kaso at binaliktad naman ng Court of Appeals ang desisyon ng NLRC. Ayon sa CA, tama ang Labor Arbiter sa kanyang desisyon at dapat lang ituring na regular na empleyado itong si Rene.

Umakyat sa Korte Suprema ang kompanya bilang huling hirit.

Pinanalo ng Korte Suprema ang kompanya at sinabing project employee nga itong si Rene.

Ang batayan para malaman kung ang isang mangagawa ba ay project employee o hindi ay kung kinuha ba ng kompanya ang serbisyo ng empleyado kaugnay ng isang proyekto at kung ang haba o katapusan ng proyektong ito ay nakasaad ba sa kontrata ng empleyado.

Batay sa ebidensiya, malinaw na ang serbisyo ni Rene ay kinuha ng kompanya kaugnay ng PLDT 1342 project nito. Ang proyektong ito ay kaugnay ng paglalagay ng mga microwave antennas at transmitters sa Visayas at Mindanao. Pagkatapos ng proyektong ito, hindi na magkakabit ng microwave antennas at transmitters ang kompanya. Natural na hindi na rin kailangan nito ang serbisyo ni Rene.

Hindi maitatwa na natapos na ang PLDT 1324 project ng kompanya. Alam ni Rene ang tungkol sa pagtatapos ng nasabing proyekto. Nakalagay din sa kanyang kontrata kung kailan matatapos ang kanyang serbisyo.

Iba sana kung pinapirma ng kontrata ng kompanya si Rene na nagsasabing para sa ibang proyekto na siya pinagtatrabaho. Ngunit hindi ito ang nangyari. Para sa PLDT 1324 pa rin ang kanyang proyekto. Kaya pagkatapos ng projekto ng PLDT 1324, tapos na rin ang kanyang trabaho, gaano man ang itinagal ng proyektong ito.

Dahil dito, tama lamang ang NLRC sa pagsasabing isang project employee itong si Rene, sabi ng Korte Suprema . Maliwanag sa mga pinirmahan niyang kontrata kung para saang proyekto siya kinuha ng kompanya. Nakasaad din sa mga kontratang kung hanggang kailan siya manunungkulan. Ang kanyang pagka-alis ay batay sa kanyang kontratang pinirmahan at hindi siya tinanggal ng kompanya.

Kaya kung kayo ay tinatanggal ng inyong mga kompanya sa dahilang kayo ay project employee, tandaan lamang ang mga bagay na ito : Meron ba kayong kontrata? Nakalagay ba sa inyong kontrata kung para saang proyekto kayo kinuha ng kompanya? Nakalagay rin ba sa inyong kontrata kung hanggang kailan ang proyektong ito?

Kung ang sagot sa mga nabanggit na katanungan ay wala o hindi, hindi kayo project employee. Kayo ay regular na empleyado. Manindigan at igiit ang inyong karapatan.