Migranteng Pilipino sa The Netherlands ayaw sa Cha-Cha
Consie Taguba-Lozano AMSTERDAM, THE NETHERLANDS — Naglunsad ng kilos-protesta ang mga migranteng Pilipino sa The Netherlandssa pangunguna ng iba’t ibang organisasyon sa ilalim ng Rice and Rights Network bilang pagkondena sa State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Arroyo. Ang kilos-protesta na ginanap sa Dam, sa sentro ng Amsterdam, at tumagal ng isang […]

Consie Taguba-Lozano
AMSTERDAM, THE NETHERLANDS — Naglunsad ng kilos-protesta ang mga migranteng Pilipino sa The Netherlandssa pangunguna ng iba’t ibang organisasyon sa ilalim ng Rice and Rights Network bilang pagkondena sa State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Arroyo.
Ang kilos-protesta na ginanap sa Dam, sa sentro ng Amsterdam, at tumagal ng isang oras, ay simbolo umano ng pagpapahayag ng mga Pilipino ng kanilang disgusto sa pamumuno ni Arroyo at sa pagtutol nila sa
Charter Change o Cha-Cha.
Ayon kay Rami Compra, pangulo ng Migrante-Netherlands, tutol sila sa Cha-Cha sapagkat ayaw na niyang manatili pa si Arroyo sa pagkapangulo. “Walang nagawa si Gloria para sa mga migrante,” dagdag ni Compra.
“Araw-araw, parami nang parami ang umaalis ng bansa dahil sa walang
trabahong makuha sa Pilipinas.”
Para naman kay Rhys de los Santos, isang kabataan na lumaki na sa Netherlands ngunit aktibo sa mga isyu sa Pilipinas at miyembro ng Liga ng Kabataang Pilipino (Linkap), sumama siya sa rali bilang pakikiisa sa mga kababayan sa Pilipinas na pinapahirapan ni Arroyo.
Gayundin, gusto niyang ipakita na ayaw niya sa Cha-Cha dahil papayagan nito na mamuhunan at magmay-ari ang mga dayuhan ng 100 porsiyento ng mga likas na yaman ng Pilipinas.
Isa pang kabataan, ang 12-taong-gulang na si Kyle Baleva, ang ayaw din kay Gloria Arroyo dahil umano kurakot ito. At magpapatuloy lamang ang pagiging kurakot ng gobyernong Arroyo, ayon sa kanya, kapag naaprubahan ang Cha-Cha. (Basahin ang istorya ni Kyle dito)
Sumali kamakailan si Baleva sa bantog na apat-na-araw na walkathon sa Nijmegen, The Netherlands, tinaguriang The Walk of the World, para mangalap ng donasyong ibibigay sa mga batang biktima ng paglabag sa Karapatang Pantao sa Pilipinas.
Ayon naman kay Maitet Ledesma ng Ibon-Europe at Pinay sa Holland, layon ng pangkating Arroyo sa pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas ang bigyang di-makatwirang ganansiya ang mga dayuhan sa Pilipinas. “Wala nang matitirang Pilipinas para sa mga Pilipino,” aniya.
Matapos sumayaw sa saliw ng gangsa, mamahagi ng polyetong komiks at ang malakas na pagsigaw ng “No to Cha-Cha, Oust Gloria,” mapayapang nilisan ng mga migranteng Pilipino ang lugar ng kilos-protesta.
Kabilang sa miyembrong mga organisasyon ng Rice and Rights Network ang Kabalikat, (Linkap), Dutch-Filipino Solidarity Movement (NFS), Migrante-Netherlands, Migrante Sectoral Party at Pinay sa Holland.