Istorya ng Linggo

Pagbomba at papatinding panunupil


Posibleng gawing dahilan ng rehimeng Arroyo ang sunud-sunod na mga pagbomba sa Mindanao para magdeklara ng Batas Militar at mapahaba ang termino ng Pangulo.

pw-istorya-ng-linggo-bombings-martial-law-02
Army at pulisya sa Mindanao na nagbabantay matapos ang mga pagbomba: itinuturo ang MILF, kinaliligtaan ang sarili. (Kuha ni Keith Bacongco / AKP Images)

Sa tindahan ng litson. Sa tapat ng pinagmimisahan ni Obispo Orlando Quevedo.

Ito ang mga detalye na tila naibaon sa akusasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mga rebeldeng Moro ang maysala sa pagsabog diumano ng bomba sa Cotabato City noong Hulyo 8.

Ayon sa mga ulat sa midya, posibleng bumili ng litson ang nagplanta ng bomba sa tindahan. Bawal sa mga Muslim ang kumain ng baboy. Pero higit pa rito, ayon sa inaakusahang maysala na Moro Islamic Liberation Front (MILF), bawal sa kanila ang magbomba sa mga sibilyan.

“Mali’t imoral ang pagbomba na tinatarget ang mga sibilyan o kahit mga militar na nasa gitna o katabi ang mga sibilyan,” sabi ng MILF sa website nito.

Para naman kay Amirah Ali Lidasan ng Suara Bangsamoro, grupong nagtataguyod ng karapatan ng mga Moro, malabong mga rebeldeng Muslim, laluna’t MILF, ang may kagagawan sa pagsabog. “Kilala si Quevedo na sumusuporta sa laban ng MILF sa MOA-AD [Memorandum of Agreement on Ancestral Domain],” ani Lidasan.

“Nananawagan pa nga si Bishop Quevedo na buksan ng mga Kristiyano sa Mindanao ang isipan nila para maintindihan bakit nananawagan ang Bangsamoro para sa ancestral domain.” Noong nakaraang taon, muling sumiklab ang giyera sa Mindanao matapos itigil ng Korte Suprema ang paglagda sa MOA-AD na magbibigay sana sa MILF ng malaking kontrol sa mga lupaing Kamorohan.

Kaya mahirap umanong ituro ang MILF na may kagagawan sa mga pagbomba.

Anu’t anuman, tila masisiguro lamang na makukuha ang katotohanan sa mga naganap sa pamamagitan ng isang independiyenteng imbestigasyon.

Itinulak ito ng mga grupong pangkapayapaan at kahit ng MILF. Sinabi ni Lidasan na kailangang magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon na di pamumunuan ng gobyernong Arroyo, ng militar o ng pulisya nito, tulad ng isinagawa ng Initiatives for Peace in Mindanao matapos ang serye ng pagbomba noong 2003.

Sa Kamara, nagsampa na ng House Resolution 1257 si Gabriela Rep. Liza Maza na humihiling din ng independiyenteng imbestigasyon sa mga pagsabog.

Pulis at aso ng nang-aamoy ng pinaghihinalaang bomba sa Davao. (Kuha ni Keith Bacongco / AKP Images)

Batas Militar

Sa kabila ng tila nakakapagdudang mga detalye, iginigiit ng AFP na MILF ang may kagagawan sa mga pagbomba sa Cotabato, pati sa Iligan at Jolo. Katunayan, ayon kay Maj. Carlo Ferrer, tagapagsalita ng AFP National Capital Region Command, posible umanong dalhin sa Kamaynilaan ang mga pagbomba ng MILF na may “pakana” sa Mindanao.

Marami tuloy ang nagdududa—oposisyon man o militanteng mga grupo—na maaaring tangka na ito ng gobyernong Arroyo para bigyang katwiran ang pagdedeklara ng Batas Militar sa hinaharap. Katulad ng sinabi ni Cong. Jose de Venecia na minsan nang binalak ni Arroyo na magdeklara ng Batas Militar noong 2007.

“Isang leksiyon na hindi natin dapat makalimutan ay ang mga sirkumstansiya na nagbigay katwiran sa deklarasyon ng Batas Militar ng napatalsik na rehimeng Marcos,” sabi ni John Birondo, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Timog Mindanao.

Bago kasi ang deklarasyon ng Batas Militar ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972, may serye muna ng mga pagbomba sa mga instalasyon ng gobyerno. Dumulo ito sa “tangkang asasinasyon” sa noo’y ministro sa depensa na si Juan Ponce Enrile. Matapos ang Batas Militar, noong Pebrero 1986 sa pag-aalsa sa Edsa, sinabi ni Enrile na gawa-gawa lamang ang tangkang asasinasyong ito.

“Palasak na at di kapani-paniwala ang mga teorya at pagkonekta ng militar sa terorismo,” sabi pa ni Birondo. “Mahirap maipagdugtong ang puntong hindi napigilan ng militar ang mga pagbomba at ang sinabi ng militar na alam nito ang mga plano [ng pagbomba] sa pamamagitan ng mga intelligence report.”

Para kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, “Nakakabahala ang tiyempo ng mga pagbombang ito, tatlong linggo bago ang SONA [State of the Nation Address]. Hindi natin maiwasang maalarma sa kapangahasan ng mga pag-atakeng ito.”

Sinabi ni Reyes na dapat maging mapagbantay ang taumbayan sa posibleng paggamit sa mga pagbomba bilang dahilan para magdeklara ng Batas Militar o state of emergency. Sa paraang ito, posibleng mapahaba lamang ang termino ni Pang. Arroyo.

“Hindi dapat tayo pumayag na gawing dahilan ang mga pagbombang ito para sa panungunkulan ng kamay na bakal. Hindi rin dapat tayo pumayag na patayin ang inosenteng mga sibilyan para lamang makapaglikha ng klima ng takot at mapahina ang mga protesta laban sa rehimeng Arroyo,” pagtatapos ni Reyes.

Para sa karagdagang kaalaman, basahin: