Sa alaala ng mga nawawala

July 8, 2009

dsc_3728

Patuloy pa rin sa paghahanap ang mga magulang nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. / PW files

Maaliwalas ang himpapawid noong umaga ng Hulyo 3, 2009. Tamang-tama dahil may nakatakdang konsiyerto sa Sunken Garden sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Mainit ang araw kaya malamang na pagdating ng hapon, tuyung-tuyo na ang mga damong binasa ng ulan nang nagdaang gabi.

Pagdating ng hapon, dumagsa na ang mga manlalaro ng iba’t ibang isports para magpraktis sa Sunken Garden. Kasabay nito, inaayos na rin ang entablado para sa gaganaping konsiyerto.

Pinamagatang Huling Balita 2, a Tribute to the Missing, inihandog ito para sa dalawang estudyante ng UP Diliman na tatlong taon nang nawawala. Tatlong tag-ulan na ang nakakaraan, dinukot ng pinaghihinalaang mga ahente ng estado sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 26, 2006. Kasama nila noon si Manuel Merino, isa sa mga magsasakang nakasalamuha ng dalawang estudyante nang pagpasyahan nilang makipamuhay sa kanayunan kapalit ng buhay sa prestihiyosong kolehiyo.

Pero mukhang mapagbiro nga ang panahon, biglang bumuhos ang malakas na ulan habang sinusubok ang sound system. Nang tumila, agad din namang nagsimula ang konsiyerto. Sinimulan ito ni Jeff Pagaduan, isang mang-aawit na mula sa College of Human Kinetics, ang kolehiyong pinagmulan rin ni Sherlyn. Nag-alay siya ng mga awit ng pag-ibig at isa para sa mga nawawala.

Sa kabila ng pabugso-bugsong pag-ulan, nagpatuloy ang konsiyerto. Kumanta ang ilang bandang tulad ng Flagpul, Dragon, Sinangag, Datu’s Tribe, Giniling Festival, at iba pa. Nagpaunlak rin ng ilang awitin si Bobby Balingit ng The Wuds, mga grupong pangkultura tulad ng SinagBayan (Sining na Naglilingkod sa Bayan), Alay Sining at higit sa lahat ang mga miyembro ng Desaparecidos, ang samahan ng mga kaanak ng mga ‘nawawala.’ Nag-alay sila ng isang tulang nilapatan ng musika nina Prof. Rommel Rodriguez at Prof. Roselle Pineda, parehong mula sa Kolehiyo ng Arte at Literatura.

Mahusay at akmang-akma sa okasyon ang ginawang pagtatanghal ng Sinagbayan sa tulang Bumabangon sa Hukay ang Batas Militar. Sinabayan ito ng musika ng bandang Ebanghelyo at sayaw sa pangunguna ni Marfred Wadell.

Nanay Linda at Nanay Connie

Nanay Linda at Nanay Connie. / KR Guda

Sa pagtatanghal ng Desaparecidos ng kombinasyong tula-awit na Desap, muling isinalaysay ng mga kaanak ng biktima ang kuwento ng pagkawala ng kanilang anak, asawa at kapatid at ang walang humpay na paghahanap sa kanila.

Kabilang sa mga nagtanghal sina Noki Calubid, anak nina Prudencio Calubid at Celina Palma na dinukot sa Camarines Norte noong Hunyo 26, 2006; Aya Santos, anak nina Leo Velasco at Elizabeth Principe, kapwa konsultant ng NDF (National Democratic Front) na dinukot noong 2007; Connie Empeño, nanay ni Karen; Linda Cadapan, nanay ni Sherlyn, at marami pang ibang kaanak na patuloy na umaasang makikita pa silang ‘kabilang sa mga nawawala’.

Nagsungit man ang panahon, dumagsa pa rin ang waring nakikiramay na mga tao. Sa kabila ng malamig na hangin at putikang damuhan, umalingawngaw sa paligid ng Sunken garden mga awit ng paghahanap, pag-asam at galit sa mga lumapastangan sa nawawalang kaanak.

Ang Huling Balita 2 ay ikalawa nang konsiyerto na idinaos para sa mga desaparecidos. Noong nakaraang taon, inialay naman ang okasyon kay Jonas Burgos, isang aktibistang dinukot rin ng pinaghihinalaang mga militar sa Quezon City noong Abril 28, 2007.

Kabilang sa mga nagtaguyod ng konsiyerto ang UP Diliman Student Council, Kabataan Party-list, Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP, Student Christian Movement of the Philippines at Ugnayan ng Nagkakaisang Artista.