AFP sadyang inatake ang MILF sa Basilan?


Nananawagan ang Suara Bangsamoro, grupong nagtataguyod ng karapatan ng mga Moro, ng maagap na imbestigasyon sa operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines) AFP sa kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Baguindan, Tipo-Tipo, Basilan noong Agosto 12. Ayon kasi sa mga ulat na natanggap ng Suara sa mga sibilyan sa lugar, hindi […]

Sundalo ng MILF sa Basilan: Dinepensahan lamang ang kampo? (Larawan mula sa Luwaran.com)
Sundalo ng MILF sa Basilan: Dinepensahan lamang ang kampo? (Larawan mula sa Luwaran.com)

Nananawagan ang Suara Bangsamoro, grupong nagtataguyod ng karapatan ng mga Moro, ng maagap na imbestigasyon sa operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines) AFP sa kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Baguindan, Tipo-Tipo, Basilan noong Agosto 12.

Ayon kasi sa mga ulat na natanggap ng Suara sa mga sibilyan sa lugar, hindi mga Abu Sayyaf kundi mismong kampo ng MILF ang inatake ng mga sundalong Marines sa naturang lugar.

Ayon sa pahayag ng MILF spokesperson na si Eid Kabalu sa website ng MILF, totoong nagsimula ang operasyong militar sa Sitio Kurrelem, sa Brgy. Silangkum sa Tipo-Tipo bandang als-tres ng umaga, ngunit bandang alas-sais ng umaga ay lumipat ang operasyon papuntang Baguindan, kalapit baryo at kilalang kampo ng MILF buong Basilan.  Ang Baguindan ay kilalang lugar ni Ustadz Hamza Sapanton, provincial committee chairman ng MILF.

Kasabay nito, sinabi ng MILF na tatlong miyembro nito ang patay na nang laslasin ang leeg at halos pinutugan ng mga sundalo ng Philippine Marines sa matapos ang labanan sa pagitan ng dalawnag panig sa Brgy. Gayuindan.

Naunang nabalita na aabot sa 23 sundalo ng Marines at 31 rebelde ang napaslang sa naturang labanan. Sinabi ng AFP na mga napaslang na mga sundalo nito ang halos pugutan ng leeg.

Sinabi ng MILF na hindi Abu Sayyaf ang isa sa mga pinangalanan ng AFP na napaslang kundi kumander ng MILF na si Asid Alih, liderng 114th Brigade MILF-BIAF sa Bgy. Baguindan, Tipo-Tipo, Basilan.

Ayon kay Amirah Lidasan ng Suara Bangsamoro, kinokondena nila ang operasyong militar dahil sa isa itong sinyales ng hindi sinserong pagtugon ng gobyerno sa Suspension of Military Operations (SOMO) na nilagdaan ni Presidente Arroyo at sa esensiya ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan ng MILF at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP).

“Dapat ay managot ang GRP sa nangyaring raid, na nagbalatkayong raid laban sa Abu Sayyaf, gayong ang MILF naman talaga ang pinuntirya ng nasabing operasyon,” ani ni Amirah Lidasan.

Iniulat ng MILF na nalagasan sila, hindi ng 31 katao tulad ng iniulat ng AFP, kundi ng 10 miyembro sa naganap na raid. Kabilang dito ang commander ng 114th Brigade ng MILF-BIAF na si Alih.

Sa kanilang website, inihayag ng MILF na magsasampa sila ng reklamo laban sa GRP dahil sa paglaba nito sa ceasefire. Hindi raw nakipagkoordina sina Maj. Gen. Benjamin Dolorfino, kumander ng Western Mindanao Command (Westmincom), sa isinasagawa nilang raid sa Abu Sayyaf.

Kinokondena din ng mga kamag-anak ng nasawing MILF ang pagyurak sa mga labi ng mga namatay.

Ayon sa mga miyembro ng Kawagib Moro Human Rights-Basilan Chapter na nagsasagawa ng paunang imbestigasyon at panayam sa Tipo-Tipo, natagpuan daw ng mga kamag-anak ang katawan ni Alih na pugot ang ulo at me hiwa ang isa sa mga tainga niya. Ang ibang mga namatay ay tinanggalan ng puso at niyurakan ang mga mukha.  Halos hindi na makilala ng iba ang mga nasawi.

Pakitang-gilas ng AFP?

Ayon kay Lidasan, malaki ang suspetsa ng kanyang grupo na isinagawa ang raid bilang pagpapakitang gilas sa pagbisita ni Admiral Timothy Keating, commander of the US Pacific Command (USPACOM), na dumating sa Maynila para sa regular na pulong ng RP-US Mutual Defense Board (MDB) at Security Engagement Board (SEB).

Adyenda ng mga pulong na ito ang pagpapatibay ng MDB, VFA, pagpapanatili ng tropang US.

Dagdag pa rito, sinasabing tutulong din ang tropang US sa pagpapatayo ng mga estasyon ng radar sa Sulu, Basilan, at Tawi-tawi para sa “coast watch south” project.

“Isang malaking katanungan para sa mga mamamayang Moro kung sinsero ba talaga ang gobyerno sa pagtatawag niya ng pagpapatuloy ng peace talks o ito lamang ay isang pakitang tao upang mayroon siyang maipakitang peace agenda sa Mindanao sa kanyang pagbisita kay Obama noong July 30,” ani Lidasan.

Bukod pa rito, nangangamba si Lidasan na ang peace agenda na sinasabi sa usapang Arroyo at Obama noong July 30 ay nangangahulugang pagpapabilis ng negosasyong pangkapayapaan upang magbigay daan ito sa pagpasok ng mga pang-ekonomiyang interes ng US sa Mindanao at hindi pa sa pagkilala sa pakikibaka ng sambayanang Moro para sa lupa at sariling pagpapasya.

‘Humanitarian crisis’

Ayon kay Lidasan, kung sinsero daw ang gobyerno sa usaping pangkapayapaan, nararapat na itigil ang mga operasyong militar sa mga lugar ng MILF.

Nakapagtataka pa umanong ayon sa SOMO na pinirmahan ni Arroyo noong July 23, itutuloy pa rin ng AFP ang mga operasyong militar laban sa mga tinaguriang “rogue” MILF – sina Commanders Abdullah ‘Bravo’ Macapaar, Ustadz Ameril Ombra Kato and Ustadz Solaiman Pangalian.

Bugbog-sarado umano sa operasyong militar ang mga lugar ng mga kumander na ito na nagbunsand ng may lagpas 300,000 evacuees sa Central Mindanao.

Ayon nga sa Internal Displacement Monitoring Centre ng Norwegian Refugee Council, aabot sa 600,000 evacuees na ang bakwit sa buong Mindanao.

Ayon kay Lidasan, hindi pa bumabalik ang mga bakwit dahil hindi pa naman itinitigil ang mga operasyong militar sa mga probinsiya ng Maguindanao, North Cotabato, Lanao del Norte at del Sur, gayundin sa Saranggani at Basilan.