Alyansa ng MMDA at AFP, tinuligsa
Tinuligsa ni Anakpawis Rep. Joel Maglunsod ang bagong alyansa sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Metro Manila Development Authority (MMDA), na pinangangambahang magdudulot ng ibayong pang-aabuso sa kapangyarihan ng umano’y mga “siga sa kalsada.” Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinirmahan ng MMDA at ng AFP noong Setyembre 3 na nagdedeklarang […]
Tinuligsa ni Anakpawis Rep. Joel Maglunsod ang bagong alyansa sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Metro Manila Development Authority (MMDA), na pinangangambahang magdudulot ng ibayong pang-aabuso sa kapangyarihan ng umano’y mga “siga sa kalsada.”
Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinirmahan ng MMDA at ng AFP noong Setyembre 3 na nagdedeklarang reserbang yunit ng militar ang ahensiya sa panahon ng giyera at iba pang “emergency.”
Sa ilalim ng MOA, magbibigay ng pre-military training o pagsasanay ang AFP sa mga kawani ng MMDA para umano’y maiwasan ang mga reyd, sabotahe, at iba pang atake mula sa mga kaaway ng Estado.
Magbibigay din ang militar ng suportang materyal (logistical support) sa ahensiya. Sa MMDA kukuha ang AFP ng mga aplikante para sa kanilang reserbang puwersa.
Samantala, susuportahan naman ng MMDA ang operasyon ng AFP sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo sa tubig, kuryente, transportasyon, at komunikasyon; at tulong sa panahon ng sakuna, kalamidad, at iba pang emergency.
Pero ayon kay Maglunsod, posibleng abusuhin ng MMDA, na pinamumunuan ni Bayani Fernando, ang bago nitong kapangyarihan na bibiktima sa ordinaryong mga komyuter, drayber, at manininda sa kalye.
“Nakikita natin kung paano naging abusado ang ahensiya sa pagmamantine ng pangaraw-araw na trapiko. Ayaw nating makakita ng de-armalayt na kawani ng MMDA na nag-aabang sa EDSA,” sabi ng kongresista.
Posible umanong bahagi ang MOA sa paghahanda ng administrasyon sa halalan sa 2010. Umano’y sa panahong ito ipinapakalat ang AFP sa mga maralitang komunidad sa Metro Manila para maghasik ng takot.
“Ngayon kasama na nila ang MMDA sa kanilang kampanyang militarisasyon sa lungsod,” dagdag ni Maglunsod.