Husgahan Natin

Kahalagahan ng Appeal Bond


Nakalagay sa Labor Code na ang desisyon ng Labor Arbiter sa isang labor case ay maaring i-apela sa National Labor Relations Commision (NLRC) sa loob ng sampung (10) araw. Ngunit kapag ang desisyon ay paborable sa manggagawa at may babayaring dapat bayaran ang kompanya, dapat na may kasamang appeal bond ang apela ng kompanya. Kung […]

Nakalagay sa Labor Code na ang desisyon ng Labor Arbiter sa isang labor case ay maaring i-apela sa National Labor Relations Commision (NLRC) sa loob ng sampung (10) araw. Ngunit kapag ang desisyon ay paborable sa manggagawa at may babayaring dapat bayaran ang kompanya, dapat na may kasamang appeal bond ang apela ng kompanya. Kung wala itong kasamang appeal bond, ituturing itong walang bisa at hindi magiging hadlang sa pagpapatupad ng desisyon.

Ang kasong Heritage Hotel versus National Labor Relations Commission, Rufino Ranon III and Ismael Villa (G.R. No. 180478-79) na denisisyunan ng Korte Suprema nitong Setyembre 3, 2009 ay nagpapakita ng kalakarang ito.

Sina Rufino ay nagtatrabahong extra waiters sa casino ng Heritage Hotel Manila. Isang araw ay hindi na sila binigyan ng trabaho ng manedsment kung kaya’t nagsampa sila ng kasong illegal dismissal laban dito sa tanggapan ng Labor Arbiter. Itinanggi naman ng manedsment na empleyado nito sina Rufino. Ayon sa manedsment ay agency employees daw itong sina Rufino at ang dapat nilang sinampahan ng kaso ay ang agency na nagpasok sa kanila.

Sa desisyon ng Labor Arbiter, pinanalo nito sina Rufino at inutusan ang menedsment ng hotel na ibalik sa trabaho ang mga manggagawa. Inutusan din nito ang hotel na magbayad ng backwages kina Rufino.

Agad namang nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang manedsment. Hindi nito sinamahan ng appeal bond ang kanyang apela. Bagkos, naghain ito ng Motion to Reduce Appeal Bond dahil ayon sa kanya, nahihirapan itong magbayad ng kabuuang appeal bond dahil sa nagaganap na resisyon sa ekonomiya.

Ibinasura ng NLRC ang apela ng manedsment dahil wala itong kasamang appeal bond. Umakyat ang manedsment sa Court of Appeals pero ganun pa rin ang naging hatol. Dinala ng manedsment sa Korte Suprema ang kaso bilang huling hirit.

Ibinasura ng Korte Suprema ang apela ng manedsment. Maliwanag sa Labor Code na ang ganoong apela ng manedsment ay dapat may kaukulang appeal bond.

Paano kung may inihain na Motion ang manedsment para bawasan ang appeal bond?

Ayon sa Korte Suprema, dapat sumunod ang manedsment sa 2005 NLRC Revised Rules of Procedure pagdating sa bagay na ito. Ito ang sinasaad ng Section 6 ng 2005 NLRC Revised Rules of Procedure:

No motion to reduce bond shall be entertained except on meritorious grounds, and only upon the posting of a bond in a reasonable amount in relation to the monetary award.

The mere filing of a motion to reduce bond without complying with the requisites in the preceding paragraphs shall not stop the running of the period to perfect an appeal. (Emphasis and underscoring supplied)

Maliwanag na upang mapagbigyan ang Motion ng manedment para sa pagbabawas ng appeal bond, kailangan ang dalawang kondisyon. Una, kailangang may makatarungan siyang dahilan para sa paghingi nito. Pangalawa, kailangan pa ring magbigay ng manedsment ng appeal bond sa resonableng halaga.

Hindi sapat ang dahilan na binanggit ng manedsment para bawasan ang appeal bond nito. Ang hirap ng negosyo at ang resisyon sa ekonomya ay hindi makatuwirang dahilan para bawasan ang appeal bond ng manedsment, paliwanag ng Korte Suprema. Kung papayagan natin ito, mawawalan ng saysay ang nasabing rekwisito dahil halos lahat ng kompanya ay maaring umangkin na hindi maganda ang takbo ng negosyo para makaiwas sa pagbayad ng appeal bond.

Hindi rin nakapagbigay ng appeal bond sa resonableng halaga ang manedsment kasabay ng paghain nito ng Motion to Reduce Appeal Bond. Dapat, sa paghain ng manedsment ng ganung Motion, sinamahan niya ito ng kaunting appeal bond para man lang maipakita ng kanyang kagustuhang sumunod sa patakaran.

Dahil sa hindi nasunod ng manedsment ang hinihingi ng batas, ituturing na wala itong apela at maaari nang ipatupad ang Desisyon ng Labor Arbiter, pasya ng Korte Suprema.