Husgahan Natin

Bakasyon ng manggagawa, dapat bang dagdagan?

August 1, 2021

Sa isang bansa na kailangang makabawi dahil sa pandemyang dulot ng Covid- 19 tulad ng Pilipinas, kailangan daw na ma-minimize ang pagtigil sa trabaho.

Batay sa mga pag-aaral, dapat lang na magbigay ang isang kompanya ng tamang pahinga sa kanyang mga manggagawa sa kanilang mga trabaho.

Ang sobrang trabaho ay nagdudulot ng tensyon sa mga manggagawa. Dahil sa masyadong tensyon o stress na ito, ay bumababa ang kanilang pagiging produktibo.

Sa kalaunan, ang kompanya din ang apektado dahil sa mababang productivity ng kanyang mga manggagawa.

Ito ang dahilan kung bakit meron tayong probisyon sa ating Labor Code na naglilimita sa walong oras sa isang araw at anim na araw sa isang linggo na pagtatrabaho ng mga manggagawa sa kompanya.

Ito rin ang dahilan kung bakit nakasaad sa ating Labor Code na ang isang manggagawa ay dapat bigyan ng karapatang bakasyon bawat taon.

Ang karapatang magbakasyon mula sa kanyang trabaho ay kailangan ng isang manggagawa para magkaroon ng sapat na panahon para sa kanyang pagpapahinga, paglilibang, pagpapagaling sa sakit, o pag-gampan sa iba pa niyang mga personal na obligasyon.

Ito ay matatagpuan sa Article 95 ng ating Labor Code.

Ayon sa artikulong ito, ang isang manggagawang nakapagtrabaho na nang isang taon sa kompanya ay may karapatang magbakasyon o magkaroon ng service incentive leave bawat taon.

Sa service incentive leave o bakasyong ito, patuloy ang sahod ng manggagawa sa kompanya. Kailangan din na hindi ito bababa sa 5 araw.

Kung hindi magamit ng manggagawa ang service incentive leave (SIL) na ito, maari niya itong ipa-commute para makuha ang halaga nito pagkatapos ng taon.

Kung sakaling hindi niya ito magawa, maari pa rin niyang kunin ang monetary value nito sa panahon ng kanyang resignation o separation mula sa kompanya.

Ang kompanyang binubuo lamang ng hindi hihigit sa sampung (10) manggagawa ay hindi obligadong magbigay ng service incentive leave na ito.

Pero alam ba ninyo na pati ang mga kasambahay ngayon ay may karapatan na rin sa service incentive leave (SIL)?

Sa ilalim ng RA No. 10361 o Batas Kasambahay, ang isang katulong na nakapagtrabaho na nang isang taon sa kanyang amo ay may karapatan sa SIL. Ibig sabihin, makapagbakasyon siya ng may bayad sa loob ng 5 araw sa isang taon.

Kailangan nga lang gamitin niya kaagad ang SIL na ito dahil kung hindi niya ito magagamit, mawawalan ito ng bisa at hindi niya maaring kunin ang monetary equivalent.

Ngunit bumalik tayo sa SIL ng mga manggagawa. Ang 5 araw na SIL ng mga manggagawa ay noon pang 1974 nila nakuha, nung aprubahan ni Pang. Ferdinand Marcos ang Labor Code.

Sa maraming taon na nagdaan, may mga nagtangka na rin na amyendahan ang Article 95 ng Labor Code at dagdagan ang 5 araw na SIL ng mga manggagawa.

Ang pinakahuling pagtatangka ay sa pamagitan ng House Bill No. 3388 sa House of Representatives kung saan minungkahi ng mga kongresista na imbes na 5 araw lamang ang service incentive leave ay gawin na itong 10 araw.

Maraming kongresista ang sang-ayon sa mungkahi na gawing 10 araw ang service incentive leave na ito. Ito ang dahilan kung bakit inaprubahan nila sa pamagitan ng unanimous vote ang House Bill 3388 na ito.

Nitong Hunyo ay pinag-uusapan pa ang panukalang batas na ito sa Senado.

Dito nagpahayag ng malakas na pagtutol ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP).

Ayon sa ECOP, mahigpit nilang tinututulan ang pagdagdag ng service incentive leave sa mga manggagawa dahil sa napakadami na ng public holidays na maaring magamit para rito.

Sa mga bansa sa ASEAN region, isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming public holidays . Nariyan halimbawa ang Christmas Day, New Year’s Day, Araw ng Kagitingan, Good Friday, Labor Day, Independence Day, National Heroes’ Day, All Saint’s Day, E’id El Fit’r, at iba pa.

Bukod pa riyan, marami ring batas ang nagbibigay ng bakasyon o leave benefits sa mga manggagawang Pilipino.

Nariyan ang Paternity Leave, Maternity Leave, Parental Leave for Solo Parents, Leaves under RA No. 9262 o Violence Against Women and their Children, Special Leave Benefits Under RA No. 9710 (Magna Carta for Women) at iba pang batas.

Sa isang bansa na kailangang makabawi dahil sa pandemyang dulot ng Covid- 19 tulad ng Pilipinas, kailangan daw na ma minimize ang pagtigil sa trabaho.

Kaya tama na raw ang binibigay na service incentive leave ng kasalukuyang batas sa mga empleyado at hindi na kailangang dagdagan pa ito.

Ngunit kung susuriin nating mabuti, maraming bansa sa mundo ang nakakabigay ng mas mahabang bakasyon sa kanilang mga manggagawa kaysa binibigay natin sa ating mga manggagawa dito dito sa Pilipinas.

Halimbawa, sa Afghanistan ay 20 araw ng recreational leave at 15 araw ng paid holidays ang kanilang binibigay sa kanilang manggagawa; sa Cuba naman ay isang buwan na annual paid holidays at 9 na araw na paid public holidays ang tinatamasa ng mga manggagawa; sa Denmark naman ay 25 araw na annual leave at 11 paid public holidays ang nakukuha ng mga manggagawa; sa Egypt naman ay 21 araw ng paid annual leave at 13 paid public holidays ang nakakuha ng mga manggagawa; sa European Union naman ay 4 na linggong paid vacation leave ang nakukuha ng kanilang mga empleyado; at sa Spain naman ay 22 araw na paid annual leave at 14 na araw na paid public holidays ang kanilang benepisyo.

Sinasabi din ng ECOP ang masamang epekto ng panukalang batas na ito sa mga small at medium scale enterprises (SMSE) na ngayon ay posibleng magsara dahil sa tinamaan ng pandemya. Ang pagbabawas ng working days dahil sa karagdagang bakasyon na ibibigay ay maaring magdulot ng dagdag na suliranin para sa mga negosyong ito upang mapadali ang kanilang pagsasara.

Ngunit ayon naman sa mga grupo ng manggagawa ang expanded service incentive na ito ay makakadagdag sa pagiging produktibo ng mga manggagawa at makapagpalaki din sa tubo ng kompanya.

Ano sa tingin nyo mga kasama?

Sa tingin naman natin, kapakanan ng mga manggagawa ang mahalaga sa usaping ito.

Kaya, dapat ipaglaban natin para madagdagan ang service incentive leave ng mga manggagawa!

Avatar

Atty. Remigio D. Saladero Jr.

Si Atty. Remigio D. Saladero, Jr. ay ipinanganak sa Nuralah, South Cotabato noong Enero 27, 1959. Panganay sa apat na anak nina Remigio Saladero Sr. at Thelma Damandaman na kapwa guro. Si Atty. Saladero ay agad nagpakita mg gilas sa kanyang pag-aaral mula sa elementarya sa Sto. Nino Elementary School, sa Koronadal National High School. Ang kanyang unang kurso sa kolehiyo ay sa Mindanao State University kung saan niya natapos ang AB Political Science. Sa lahat nang ito, nanguna si Atty. Saladero sa larangan ng akademya. Nuong 1979, matapos maging Cum Laude ay ipinasya niyang lumuwas ng Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang napiling karera. Nag-aral siya ng batas sa San Beda College at ipinasa ang Bar Examinations nuong 1984, sa rating na 88.95 porsiyento, bilang pang-17 pinakamataas na grado.