Gimik ni GMA sa Brgy. Tatalon

October 12, 2009

Para sa kamera: Si Pangulong Arroyo, nakikipag-usap sa mga residente ng Brgy. Tatalon na "hinakot" diumano niya para mag-evacuate sa Malakanyang. (PCPO)

Para sa kamera: Si Pangulong Arroyo, nakikipag-usap sa mga residente ng Brgy. Tatalon na “hinakot” diumano niya para mag-evacuate sa Malakanyang. (PCPO)

Maulan at hindi pa ganap na humuhupa ang baha sa komunidad ng mga maralita sa Brgy. Tatalon, Quezon City, gabi noong Miyerkules, Setyembre 30. Sa isa sa itinalagang evacuation centers, ang Diosdado Macapagal Elementary School, naghahanda na sana para patulugin ni Mary Jane Bonghanoy ang kanyang tatlong maliliit na anak nang dumating ang isang pulutong ng malalaking kalalakihan, alas-siyete ng gabi.

Nagmasid-masid ang kalalakihan, pero hindi nakipag-usap kanino man. “Ni hindi nagbigay-abiso sa (barangay) kapitan,” sabi ni Mary Jane.

Halos dalawang oras ang lumipas, alas-nuwebe ng gabi. Tulog na ang marami sa daan-daang evacuees, samantalang may iilang kabataang palakad-lakad o tumatambay sa paligid ng eskuwelahan. Noong araw na ito, may ilang namigay na ng pagkain, pero kapos pa rin. Marami ang natulog na lamang na kumakalam ang sikmura.

Sa oras na ito, dumating ang pulutong ng mga sasakyan – magagara, madidilim. At, pagkatapos, ang mga bus.

Tumigil ang mga sasakyan sa paradahan ng eskuwelahan. Pagkababa na pagkababa ni Pangulong Arroyo sa isa sa mga sasakyan, agad na nagsitayuan din ang mga evacuees sa kani-kanilang hinihigaan. Nagsibabaan ang marami mula sa ikalawang palapag kung saan naroon ang ilang mga klasrum. Sa isip nila, tiyak mamimigay ng pagkain ang Pangulo.

Isa si Mary Jane sa mga tumayo para maki-usyoso. “Kumaway-kaway (si Arroyo),” alaala niyang nakita ang Pangulo. Pumasok umano sa bilding si Arroyo at ang mga kasamahan niya. Pati ang kapatid niyang si Rebecca, at ang mga anak nito, ay nagising.

Nagsilapitan na ang mga tao. Ang ilang mga nanay na miyembro ng progresibong mga organisasyon tulad ng Gabriela at Samahan ng Kababaihang Maralita (Samakana), nagsimulang sumigaw ng “Gloria, ibagsak!”, pero mistulang nalunod ang mga sigaw na ito sa pagdagsa ng mga taong lumapit sa naglalakad na Pangulo.

Isa sa mga sumigaw si Mary Jane, pero hindi na agad nakalapit kay Arroyo dahil sa nangharang na mga miyembro ng Presidential Security Group. “Ni magsalita man lang hindi niya ginawa,” sabi niya. “Ang hinihintay ng mga tao (na marinig) ay kung ano man lang ang tulong na maibibigay niya.”

Hindi na nakalapit si Mary Jane, pero ang kapatid niyang si Rebecca, nakalapit. Maya-maya, bumalik ang kapatid niya sa tulugan, inalerto ang mga anak, at nagsimulang magligpit ng kung anong gamit ang natira mula sa baha.

“Ang sabi raw, magbibigay ng lupa’t bahay, sa Cavite pa,” ani Mary Jane. Isa si Rebecca sa 103 indibidwal na nahikayat ng mga tauhan ni Arroyo na sumakay sa bus. Hindi nila agad alam na dadalhin sila sa Malakanyang.

Palasyong evacuation center?

Larawang inilabas ng Malakanyang para sa midya na nagpapakita umano sa mga evacuees sa Malakanyang na mula sa Brgy. Tatalon. (PCPO)

Larawang inilabas ng Malakanyang para sa midya na nagpapakita umano sa mga evacuees sa Malakanyang na mula sa Brgy. Tatalon. (PCPO)

Tila wala naman talagang balak ang mga opisyal ng Malakanyang, laluna ang retiradong heneral na si Hermogenes Esperon Jr., na siyang hepe ng Presidential Management Staff, na gawing evacuation center ang Palasyo.

Tatlong araw matapos ang bagyong Ondoy, noong Setyembre 29 – mataposinanunsiyo sa midya na gagawing himlayan ng mga nawalan ng tahanan ang Malakanyang – dinagsa ito ng mga maralita. Kaya agad na nagpahayag si Esperon sa midya ng paglilinaw. Hindi raw gagawing evacuation center, kundi sentro lamang ng relief operations, ang Palasyo.

Kinabukasan, binawi ni Arroyo ang “pagbawi” ni Esperon, sa pamamagitan ng pagpunta sa Brgy. Tatalon.

President Gloria Macapagal-Arroyo personally brought the initial 103 evacuees from the Diosdado Macapagal Elementary School evacuation center and housed them in a temporary shelter at the Mabini Hall inside the palace,” sabi ng press statement ng Malakanyang noong Setyembre 30. Pero ang hindi sinabi o kinumpirma ng Palasyo, ay ang pagbitaw ng pangakong bibigyan ang 103 ng lupa’t bahay sa Cavite.

Kinabukasan, sa Diosdado Macapagal Elementary School, naghintay sina Mary Jane at ang mahigit 5,700 evacuee ng karagdagang tulong na ipinangako ng mga “badigard” ni Arroyo. Walang dumating na tulong.

Pero dumating si Rebecca kinabukasan. Ayon kay Mary Jane, lumabas sa Malakanyang ang kapatid niya para pumunta sa Quezon City Hall at humingi ng tulong o relief. Pagkatapos, bumalik siya sa eskuwelahan. “Buti pa nga raw dito, maraming nagbibigay (damit, atbp.). Dun wala raw, pagkain lang,” kuwento ni Mary Jane. “Ang sabi ko sa kanya, ‘Sabi ko na sa ‘yo, wala namang maaasahan sa gobyerno nating ito, naniniwala ka pa,’” aniya.

Sinabi pa umano ni Rebecca na mabuti pa sa eskuwelahan, madaling nakakabalik lang sila sa kanilang mga tahanan. Hindi pa rin naman kasi ganap na nasira ang mga ito. Hinihintay lamang nilang ganap na bumuti ang panahon bago magsimulang mag-ayos at muling ibangon ang nabulabog na mga buhay sa Tatalon.

Bumalik din si Rebecca sa Malakanyang. Hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, hindi pa nakakabalik si Rebecca sa kanilang tahanan.

Samantala, sa pagragasa naman ng bagyong Pepeng sa Hilagang Luzon noong nakaraang linggo, muling inanunsiyo ni Arroyo sa publiko na ibinukas niya ang Presidential Mansion, pati ang summer cottage ng Bise Presidente, sa Baguio para sa mga evacuee.

Ano naman kayang pangako niya sa mga nasalanta ng bagyong Pepeng ang sinabi niya sa mga “hinakot” niya roon?