Mga Larawan: Pasko ng bulnerableng taumbayan sa harap ng pagsabog ng bulkang Mayon
Aabot sa 40,000 katao ang nagdiwang ng Pasko sa evacuation centers matapos sapilitang pinalikas sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ng pagsabog ng bulkang Mayon sa probinsiya ng Albay.
Mayorya sa kanila ang nasa mga eskuwelahang pampubliko, nagsisiksikan sa mga klasrum. Ang ilan, pana-panahong bumabalik sa kanilang mga lupain sa loob ng walong-kilometrong danger zone sa paanan ng bulkan para bisitahin ang kanilang mga bahay at pananim.
Kaya naman iminungkahi ni Tessa Lopez ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa rehiyong Bikol na maglaan ng pondo mula sa halos P1.5 Milyong ginagastos ng pamahalaang probinsiyal para subsidyuhan ang mga magsasakang apektado ng puwersahang ebakwasyon.
“Dapat bayaran ng lokal na gobyerno ang nawalang ani ng mga magsasaka na apektado para may sarili na silang pera na pantawid ngayong panahon ng kalamidad,” sabi ni Lopez. Sa paraang ito, aniya, mas mahihikayat ang marami sa kanila na manatili sa evacuation centers sa halip na isugal ang buhay sa pagbalik o pananatili sa danger zone.
Pero tila mas pinaprayoritisa ang pamamahagi ng relief goods. Sa huling tatlong araw bago ang Pasko, binisita ang evacuees sa iba’t ibang paaralan sa Legazpi City at Daraga, Albay ng mga pulitikong tatakbo sa susunod na halalan — isang malinaw na kaso ng oportunistang pamumulitika sa panahong bulnerable ang mga mamamayan.






