Ka Bel: mandirigma para sa tunay na pagbabago – KMU


Ipinagdiwang ng Kilusang Mayo Uno ngayong Enero 7 ang ika-77 kaarawan ng dakilang lider-manggagawa na anila’y “iginagalang na lider ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa ating pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.” Tamang-tama umanong pumapatak ang ika-77 kaarawan ni Beltran sa taon ng isang eleksiyon, sa isang panahong nananawagan ang iba’t ibang grupo […]

Mga istap at lider ng Anakpawis Partylist at Kilusang Mayo Uno, matapos mag-alay ng bulaklak sa bust ni Crispin "Ka Bel" Beltran sa Plaza Miranda, ngayong Enero 7, ika-77 kaarawan ng namayapang lider-obrero at mambabatas. (Contributed Photo)
Mga istap at lider ng Anakpawis Partylist at Kilusang Mayo Uno, matapos mag-alay ng bulaklak sa bust ni Crispin "Ka Bel" Beltran sa Plaza Miranda, ngayong Enero 7, ika-77 kaarawan ng namayapang lider-obrero at mambabatas. (Contributed Photo)

Ipinagdiwang ng Kilusang Mayo Uno ngayong Enero 7 ang ika-77 kaarawan ng dakilang lider-manggagawa na anila’y “iginagalang na lider ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa ating pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.”

Tamang-tama umanong pumapatak ang ika-77 kaarawan ni Beltran sa taon ng isang eleksiyon, sa isang panahong nananawagan ang iba’t ibang grupo ng pagbabago sa bansa, ayon kay Lito Ustarez, executive vice president ng KMU.

“Ang ibig sabihin ng marami sa mga nagsasabi ng ‘pagbabago’ ngayon: gusto na naming matanggal si Gloria. Ang totoo, kagustuhan ng manggagawa at sambayanang Pilipino na matanggal sa pwesto ang kasalukuyang presidente at maparusahan siya sa kanyang mga krimen sa mga mamamayan. Pagkakataon ang darating na halalan para sa pagbabagong ito,” sabi ni Ustarez.

Sinabi pa ng KMU na nilabanan ni Beltran ang rehimeng Arroyo hanggang sa kanyang kamatayan noong Mayo 20, 2008.

“Hindi lang siya tumulong sa paglalantad at paglaban sa mabahong rekord ng rehimeng ito pagdating sa pagsisinungaling, pagnanakaw at pandaraya, tumulong din siya sa paglalantad at paglaban sa mga patakaran nitong kontra-mamamayan at pasista,” sabi pa ni Ustarez.

Bukod pa sa paglaban sa rehimen, nilabanan din umano ni Beltran ang namamayaning impluwensiya ng gobyernong US sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Gayundin ang paglaban niya sa matinding piyudalismo sa kanayunan, at ang paggamit sa gobyerno para sa pansariling interes ng iilan.

“ Tiningnan niya ang pagtanggal sa rehimeng US-Arroyo bilang isang hakbang patungo at paghahanda sa pagtanggal sa buong istrukturang panlipunan na nagpiit ng mayorya sa sambayanang Pilipino na pinagsasamantalahan, inaapi, nagdaralita at nagugutom. Ipinaglaban niya ang pagpapatalsik kay Gloria dahil nakipaglaban siya para sa sosyalismo,” dagdag pa ni Ustarez.

Kahanga-hanga rin umano ang paninindigan ni Beltran sa kabila ng “paninira, panghaharas, pagpiit at kahit sa banta ng kamatayan.”

Matatandaang noong panahon ng batas militar, ikinulong si Beltran ng diktadurang Marcos dahil sa kanyang militanteng pamumuno sa kilusang paggawa at sa KMU. Tumakas si Beltran mula sa kulungan, at muling namuno sa mga manggagawa matapos mapatalsik ang diktadura.

Naging kintatawan sa Kamara ng Bayan Muna noong 2001 at Anakpawis noong 2004 at 2007 si Beltran. Noong Pebrero 2006, muling ikinulong si Beltran ng rehimeng Arroyo sa salang rebelyon. Sa kabila ng kanyang mga sakit, hindi isinuko ni Beltran ang kanyang pagbatikos sa naturang rehimen.

“Maalab niyang niyakap ang pakikibaka, walang-pagod na nagsalita sa mga manggagawa, kapwa-Pilipino at maging mga dayuhan para imulat sila tungkol sa pakikibakang nagaganap sa bansa at daigdig. Gayunman, lagi siyang mapagkumbaba, hindi hinahayaang mapunta sa ulo niya ang kanyang mga tagumpay,” sabi pa ni Ustarez.

Nanawagan ang KMU sa mga kapwa manggagawa na “tularan si [Beltran] at lumaban para sa uring manggagawa at sambayanang Pilipino sa paglaban para sa tunay na pagbabagong panlipunan – paglaya mula sa pagdominang neokolonyal at elitista sa bansa.”