Pondo sa ‘El Niño’ kinurakot?


Maaaring sa palasak na korupsiyon at maling paggastos ng pondo sa agrikultura maisisi ang kakulangan ng kahandaan ng administrasyong Arroyo sa pagharap sa El Niño, ayon sa isang progresibong kinatawan. “Alam ng halos lahat ng mga nasa DA (Department of Agriculture) na tatamaan ng El Niño ang bansa. Sa kasamaang-palad, hindi matagpuan kung nasaan ang […]

Maaaring sa palasak na korupsiyon at maling paggastos ng pondo sa agrikultura maisisi ang kakulangan ng kahandaan ng administrasyong Arroyo sa pagharap sa El Niño, ayon sa isang progresibong kinatawan.

“Alam ng halos lahat ng mga nasa DA (Department of Agriculture) na tatamaan ng El Niño ang bansa. Sa kasamaang-palad, hindi matagpuan kung nasaan ang pondo sa agrikultura at magsasaka para malabanan ang tagtuyot,” sabi ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Sinabi ni Mariano na maipapaliwanag ng ulat ng COA (Commission on Audit) sa taong 2008 na gumastos ng halos P7 bilyon ang DA at siyang “top performer” sa pagwaldas ng pondo sa pamamagitan ng bulagsak na implementasyon ng mga proyekto o nawawalang pondo, kung bakit halos walang magawa ang administrasyong Arroyo sa pagbigay ng suporta sa mga magsasaka sa harap ng tagtuyot.

“Ang ulat ng COA ang pinakamagandang sagot kung bakit hindi handa ang gobyerno sa pagsuporta sa mga magsasaka at agrikultural na produksiyon sa harap ng El Niño. Ipinakikita lamang nito na ang pondo sa agrikultura ay tinamaan ng “man-made El Niño,” ani Mariano.

Kabilang sa mga tampok na obserbasyon ng COA sa ulat nito sa taong 2008 ang mga sumusunod: 1) Farm to Market Road project na hindi maayos na naisakatuparan – P5.188-B, 2) Fertilizer Discount Coupons (FDCs) na hindi lubusang natapos – P1.303-B, 3) Mataas na presyo ng binhi kesa sa merkado – P65.919-M, 4) Pagwaldas sa pag-imprenta ng FDCs – P0.984-M, 5) pondo sa “Tipid Abono” Fertilizer Program – P203.790-M, 6) labis na halaga sa pagbili ng binhi – P3.485-M, 7) depektibo at di gumaganang mga dam –  P7.35-M, at iba pa.

Sinabi pa ni Mariano na nangyayari ang korupsiyon sa pondo sa agrikultura nang walang napaprusahan sa DA at nagaganap ito kapalit ng kasiguruhan ng pagkain ng bansa.

“Ipinaliliwanag din nito ang lumalalang kagutuman at pinabubulaan ang umano’y mga nagawa ng administrasyong Arroyo, partikular ang sinasabi niyang nakapagbigay ng pagkain sa bawat mesa ang gobyerno,” ani Mariano.

Maliban sa mga nabanggit na obserbasyon ng COA, isinama rin nito ang kuwestiyonableng paglipat ng pondo sa  ZNAC (ZNAC Rubber Estate Corporation) na nagkakalahaga ng P340-M, kahit pa ang presidente at ilang opisyal nito ay pawang mga opisyal rin ng DA.

Ipinakikita ng mga dokumento na lumagda sa isang MOA (memorandum of agreement) ang mga opsiyal ng DA at ZREC. Pinirmahan ni Mr. Salvador S. Salacup, Assistant Secretary for Agribusiness and Marketing ng DA ang MOA bilang presidente ng ZREC. Nirebisa at pinagtibay din ito nina Atty. Vero B. Librojo, hepe ng Legal Division ng DA at ZREC Corporate Secretary, at Eduardo C. Nolasco, Asst. Sec. for Admin and Finance ng DA at siya ring ingat-yaman ng ZREC.

Nakasaad rin sa ulat ng COA na karamihan sa bord of directors ng ZREC ay mga opisyal rin ng DA gaya ng makikita sa Board of Secretary’s Certificate na may petsang Oktubre 5, 2008.

Nanawagan naman si Mariano sa mga magsasaka na imonitor ang mga “galaw” ng DA para maiwasan ang isa na namang fertilizer fund scam kaugnay ng nalalapit na eleksiyon sa Mayo.