Istorya ng Linggo

Palasyo, sentro ng pamemeke ng partido


Sikat ang Recto Avenue na pagawaan daw ng pekeng mga diploma at iba pang dokumento. Pero sa nalalapit na gusali na Malakanyang, partidong pinatatakbo sa eleksiyon naman ang pinepeke.

Ikinagulat ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares (una sa kanan) ang lantarang pangongopya ng Ang Galing Pinoy ni Mikey Arroyo sa Konstitusyon ng Bayan Muna. (Contributed Photo)
Ikinagulat ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares (una sa kanan) ang lantarang pangongopya ng Ang Galing Pinoy ni Mikey Arroyo sa Konstitusyon ng Bayan Muna. (Contributed Photo)

Pekeng partido nga. Mula sa mga opisyal hanggang sa mga dokumento nito.

Ikinagulat ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang kanyang nakita matapos makakuha ng kopya ng Konstitusyon ng isang party-list na matagal na nilang pinaghihinalaang peke at pakawala ng Malakanyang.

Mula sa Konstitusyon hanggang idineklarang mga tsapter ng party-list na Ang Galing Pinoy, mistulang kinopyang “word-for-word” ang Konstitusyon ng Bayan Muna. Nauna nang kinondena ang naturang partido na pangunahing nominado si Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo, anak ni Pang. Arroyo at pangalawang nominado si Lubao Mayor Dennis Pineda, anak ng pinaghihinalaang jueteng lords at malapit na alyado ng Malakanyang na mag-asawang Lilia at Bong Pineda.

“Kung may kaunting hiya si Rep. Arroyo dapat tanggihan na niya ang nomination if only for this at talagang nakakahiya ang nadiskubre naming ito,” sabi ni Colmenares.

Halos buung-buo umano ang pagkakopya ng Ang Galing Pinoy sa Konstitusyon ng Bayan Muna na isinumite sa Commission on Elections (Comelec).

Kabilang sa mga bahaging kinopya ng Ang Galing Pinoy: (1) Sampung puntong programa ng Bayan Muna sa Konstitusyon nito, kabilang ang  “vision of establishing a nationalist and democratic government”; (2) Eksaktong mga salita na naglalarawan sa organizational structure nito at sa mga prinsipyo sa pagmimiyembro, kasama ang mga probisyon hinggil sa “Intermediate Leading Bodies” at “Barangay Chapters”; (3) “Special Provisions” ng Konstitusyon ng Bayan muna sa pagbubuo ng mga alyansa at rehiyunal na mga partido at kahit ang probisyon hinggil sa kung paano kukuha ng pondo at mga rekurso.

Noong Marso 25, nagsampa ng petisyon laban sa Ang Galing Pinoy sa Comelec sina Satur Ocampo at Liza Maza, mga kandidato sa pagkasenador ng Makabayan at Nacionalista Party. Bukod sa pamemeke ng Konstitusyon, malinaw rin umanong hindi kinakatawan ni Arroyo ang sektor ng mga security guard na tinaguriang kinakatawang sektor ng Ang Galing Pinoy.

Ipinaliwanag ni Ocampo na bahagi ang pagtakbo ni Arroyo sa ilalim ng isang party-list ng plano ng Malakanyang para mahalal na Espiker si Pang. Arroyo at maamyendahan ang 1987 Saligang Batas. “Allowing the non-marginalized and overrepresented to vie for the remaining seats under the party-list system would not only dilute, but also prejudice the chance of the marginalized and underrepresented, contrary to the intention of the law to enhance it,” ani Ocampo.

Matataandang noong 2007 pa namonitor ng progresibong mga party-list na nagdedeploy ang Malakanyang ng pekeng mga partido. Noong kampanya para sa halalang 2007, isiniwalat ng mga partidong Bayan Muna, Gabriela, Kabataan,  Anakpawis, at Suara Bangsamoro ang internal na memo ng Office of External Affairs sa ilalim ng Malakanyang na naghahayag ng pagpondo ng administrasyon sa ilang mga partido bilang pangontra sa popularidad ng progresibong mga party-list.

Pinaimbestigahan din sa Comelec ng Bayan Muna at mga kaalyadong partido ang tinaguriang pekeng mga party-list, pero binalewala ito ng Comelec.

Halatang peke

Kontra-Daya: Minonitor ang talaan ng mga nominado para matanto kung alin at ilan ang pekeng partido. (Arkibong Bayan)
Kontra-Daya: Minonitor ang talaan ng mga nominado para matanto kung alin at ilan ang pekeng partido. (Arkibong Bayan)

Natagpuan ng grupong Kontra-Daya at ng progresibo ang saklaw ng “operasyon” ng Malakanyang na magdeploy ng pekeng mga party-list matapos maglabas ang Comelec ng talaan ng mga nominado ng mga partidong tumatakbo sa party-list elections.

Naglabas ang Kontra-Daya ng inisyal na talaan ng mga partidong tinitingnan nitong peke, batay sa mga nominado nito. Mahihinuha sa naturang talaan na marami sa mga nominado ay malapit na alyado ng Malakanyang. Ilan ang dati o kabibitiw pa lamang na mataas na opisyal ng administrasyon.

Kabilang sa mga pinararatangang peke at pakawala ng administrasyon: (1) 1-Utak, na si dating Energy Secretary Angelo Reyes ang unang nominado. Partido ng transport sector ang 1-Utak. Kasalukuyang kinatawan sa Kamara ng naturang partido si Vigor Mendoza, dating opisyal ng Land Transportation Franchising and Review Board o LTFRB. Interesanteng ipunto na dating abogado rin si Mendoza para sa Hacienda Luisita Inc. at sa pamilya Cojuangco;

(2) Ang Kasangga. Unang nominado nito si Teodorico Haresco, isang negosyante na naging sangkot sa Bridge Program ng tanggapan ng Pangulo. Bahagi rin ng Board of Directors ng Philippine National Oil Corp. si Haresco;

(3) Batang Iwas Droga (BIDA). Unang nominado ng partidong ito si Sheryl Genuino-See, anak ni Efraim Genuino na tagapangulo ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor). Dating nominado si Genuino-See ng party-list na Bigkis Pinoy, isang partido na sinasabi ring pinondohan ni Genuino ng Pagcor;

(4) Kabayan. Unang nominado ng naturang partido si Ron Salo, dating undersecretary sa ilalim ng Office of the Executive Secretary Eduardo Ermita;

(5)  Pakyaw. Sinasabi ng partidong ito na kinakatawan daw nito ang mga kabataang maralita sa lungsod. Pero ang unang nominado nito ay hindi nagmula sa mga maralita: si Janet Lazatin, na dating assistant secretary ng Department of Tourism. Miyembro rin siya ng Lakas-CMD.

(Basahin ang buong inisyal na talaan ng Kontra-Daya rito).

Pero maliban dito, may iba pang mga partidong pinaghihinalaan ding malapit sa, o pakawala ng, Malakanyang. Kabilang dito ang Ako Bikol, isang partido sa rehiyong Bikol na pinaghihinalaang pinopondohan ng anak ni Pang. Arroyo na si Rep. Dato Arroyo. Nariyan din ang Babae Ka, isang partidong pinaghihinalaang pinantatapat sa Gabriela Women’s Party, na nangunguna ngayon sa mga sarbey sa party-list.

Ibinunyag ng Gabriela ang namomonitor nitong pangangampanya diumano ng Babae Ka sa mga komunidad na nakakampanyahan din ng Gabriela. Namonitor din ang malapit na pakikipag-ugnayan nito sa Armed Forces of the Philippines, mula sa pagsasagawa ng gender sensitivity trainings sa militar, hanggang sa “kampanyang paninira” laban sa progresibong mga party-list.

Ibinunyag din ni Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), na unang nominado ng Babae Ka si Nerissa Consumido-Garcia, kapatid ni Assistant Secretary Danilo Consumido ng Office of External Affairs. Dating kasamahan nina Gaite si Consumido sa Courage bago tinalikuran ang pagtuligsa sa administrasyon at naging opisyal ng Malakanyang.

Ayon sa Kontra-Daya, aabot sa 30 partido ang nakikita nilang may direktang ugnay sa Malakanyang at malamang na makawala ng administrasyon.

Bakit hindi pa dinidiskuwalipika?

Hanggang sa pagkakasulat ng artikulo, hinihintay pa ang desisyon ng Comelec hinggil sa kasong diskuwalipikasyon laban sa Ang Galing Pinoy at iba pang tinaguriang “pekeng” mga party-list na pakawala ng Malakanyang.

Hinihikayat ng Kontra-Daya na agarang desisyunan ang naturang mga kaso. “May patuloy na kapangyarihan at tungkulin ang Comelec na depensahan ang sistemang party-list sa anumang panahon mula sa pagdagsa ng mga gustong abusuhin ito at labagin ang nakasaad at intensiyon ng Konstitusyon at Party-list Law sa ikasasama ng mga mardyinalisado at underrepresented,” ayon sa Kontra-Daya.

Ibinunyag naman ni Ocampo na may ispekulasyong “natatakot” ang Comelec na banggain si Mikey Arroyo at ang administrasyon.

The Comelec is tasked with upholding clean and credible elections, but why is it allowing the likes of Mikey Arroyo to join the party-list elections? The Comelec cannot wash its hands of the responsibility to right this wrong,” pagtatapos ni Ocampo.