Diskuwalipikasyon vs Vendors Partylist, inihain ng Kontra Daya
Sa pagsasaliksik ng election watchdog na Kontra Daya, Napag-alamang sangkot sa iba’t ibang malalaking negosyong may mga kontrata sa gobyerno ang tatlong nominado ng Vendors Partylist.

Nagsumite ng petisyon sa pagsasawalang-bisa ng rehistro ng Vendors Partylist ang election watchdog na Kontra Daya sa Commission on Elections (Comelec) nitong Abril 15.
Nakasandig ang reklamo sa batayang hindi tunay na kinatawan ng mga manininda ang tatlong nominado ng naturang partylist na sina Malou Lipana, Florencio Pesigan at Sheryl Sandil.
Iginiit ng naturang partylist na mayorya umano ng kanilang miyembro ay galing sa mga sektor ng manininda na nahahati sa 651 na mga market vendors, 1,116 na mga street vendors, 7,089 na sidewalk vendors at 445 na mga miyembro ng mga grupo na bitbit ang adbokasiya ng mga manininda.
Gayunpaman, natuklasan sa pananaliksik ng Kontra Daya na sangkot sa mga malalaking negosyo ang tatlong nominado. Isang batayan ng kanilang petisyon ang isang panayam sa programang “Ted Failon at DJ Chacha” sa Radyo 5 kay Lipana noong Okt. 4, 2024.
Mula sa interbyu, sinabi ni Lipana na galing sa kanyang sariling bulsa ang pondo para sa akreditasyon ng Vendors Partylist.
“Sa accreditation po, wala naman po masyado ‘yong gumasto po doon, ako na lang po,” sabi ni Lipana nang tanungin sa mga gastusin na umabot umano ng mahigit P800,000.
Inamin din niya sa naturang interbyu na bukod sa pagbebenta ng mga ready-to-wear clothes at iba pang produkto, nakapangalan din sa kanya ang mga kompanya sa solar lights at construction materials.
Dagdag pa dito, pagmamay-ari din ng kanyang pamilya ang Olympus Mining and Builders Group Philippines Corporation na dati nang tumatanggap ng kontrata mula sa gobyerno.
Kamakailan lang, binigay sa nasabing kompanya ng kontrata na nasa P95 milyon para sa proyekto ng pagpapailaw ng mga kalye sa Meycauayan City at Marilao sa lalawigan ng Bulacan.
Nasa isang advertising agency naman ang ikalawang nominado ng partylist. Habang nanunungkulan siya bilang konsehal sa Talisay City, Batangas, sinuspinde si Pesigan ng Ombudsman ng isang taon nang walang sahod noong 2017 sa kasong unbecoming conduct.
Dalawang korporasyon ng konstruksiyon, ang D.C. Sandil Construction at 22 Prime Construction & Realty Development, ang pagmamay-ari ni Dennis Sandil, asawa ng ikatlong nominado, na humawak sa mga proyektong pagpapatayo ng mga daan sa Antipolo City, Rizal at Palawan. Nanalo din sa bidding ang korporasyon sa mahigit pitong proyekto sa Makati City noong nakaraang taon.
Paliwanag ni Kontra Daya convenor Danilo Arao na bagaman 156 ang mga partylist na hindi tunay na kinatawan ang kanilang sektor ayon sa kanilang pananaliksik, Vendors Partylist aniya ang kanilang hinainan ng petisyon sapagkat limitado ang kanilang pera at matagal ang panahong inilalaan para sa pagkalap ng ebidensiya laban sa mga huwad na partylist.
Dagdag pa niya na isang pangungutya sa Party-List System Act of 1995 ang Vendors Partylist at nararapat lang na mapasawalang-bisa ang kanilang rehistro.
“Ang aming panawagan sa Comelec ay madesisyonan ito sa agarang panahon lalo na’t malapit na ang halalan,” ani Arao.