Comelec, nanlilinlang hinggil sa OAV?
Mariing binatikos ng Migrante International ang umano’y “maling” presentasyon at paggamit ng Comelec (Commission on Elections) sa paunang resulta ng Overseas Absentee Voting (OAV) para ipakitang mananatiling mataas ang voter’s turnout bukas sa kabila ng malaganap na problema sa pagdaos ng automated na halalan. Sa huling press conference ng Comelec ngayong hapon, sinabi nitong ipinapakita ng itinakbo ng […]
Mariing binatikos ng Migrante International ang umano’y “maling” presentasyon at paggamit ng Comelec (Commission on Elections) sa paunang resulta ng Overseas Absentee Voting (OAV) para ipakitang mananatiling mataas ang voter’s turnout bukas sa kabila ng malaganap na problema sa pagdaos ng automated na halalan.
Sa huling press conference ng Comelec ngayong hapon, sinabi nitong ipinapakita ng itinakbo ng OAV na magiging maayos din ang takbo ng botohan bukas at nananatiling kumpiyansado ang publiko sa kredibilidad nito.
Ipinagmamalaki ng Comelec at Department of Foreign Affairs na mas malaki ang bilang ng mga Overseas Filipino Worker na bumoto ngayong taon kumpara noong 2007.
Pero ipinunto ng Migrante malayo ang resulta ang OAV ngayong taon sa resulta ng OAV noong 2004, ang huling presidential elections. Nasa 16% lang ang mga OFW na bumoto noong 2007 halalan, na hindi presidential at vice-presidential.
“Wala pa sa kalahati ng porsiyento ng (mga OFW) na bumoto noong 2004 ang bumoto ngayon. Maging sa Hong Kong kung saan automated ang halalan, dumausdos din ang bilang ng mga bumoto,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Ayon sa mga huling nakalap na datos ng grupo, nasa 22 porsiyento pa lang ang bumoto habang 65 porsiyento ang naabot noong 2004.
Sa Hong Kong, nasa 35,000 pa lang ang bumoto, samantalang 65,000 ang bumoto sa nakaraang presidential elections.
“[Pinagtatakpan] ng Comelec ang mga kapalpakan nito at [gustong] lokohin ang publiko na makakaasa pa ito sa isang maayos at malinis na halalan. Tiyak na ang kaguluhan bukas, sa pinaka-minimum ito ang dapat ipagtapat ng Comelec. At ang kagyat na sunod na hakbang ay bigyang abiso ang publiko sa ano ang mga dapat gawin at bantayan para hadlangan ang dayaan,” paliwanag ni Martinez.
Nanawagan ang grupo sa publiko na kung sakaling magkaroon ng matinding kaguluhan sa halalan ay tumungo sa Malakanyang para makiisa sa protesta para singilin at panagutin ang gobyernong Arroyo, na umano’y may iskemang isabotahe ang halalan para makapanatili sa puwesto si Arroyo.
“Dapat lang na hilahin na papaalis ng Malakanyang si Arroyo dahil siya ang pangunahing sagka sa pagkakaroon ng demokrasya sa bansa,’’ pagtatapos ni Martinez.
Basahin ang kaugnay na istorya: Matumal na pagboto ng OFW, saan maisisisi?