LP nagbayad ng odyens sa miting de avance nito?

“Nanghakot” at nagbayad kaya ng odyens ang Liberal Party para sa isinagawang miting de avance nito sa Quezon City Memorial Circle nitong Mayo 7? Nakatanggap ng ulat ang Pinoy Weekly na daan-daang residente ng isang barangay — at posibleng iba pang barangay — sa Quezon City ang “hinakot” mula sa kanilang mga komunidad at binayaran […]

Miting de Avance ng Liberal Party sa Quezon City. Itinaas ni LP presidential candidate Noynoy Aquino ang mga kamay nina Herbert Bautista, kandidato ng LP sa pagka-alkalde ng LP, at Joy Belmonte, kandidato sa pagka-bise-alkalde. Nasa kanan ang kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Sonny Belmonte. (Kontribusyon)
Miting de Avance ng Liberal Party sa Quezon City. Itinaas ni LP presidential candidate Noynoy Aquino ang mga kamay nina Herbert Bautista, kandidato ng LP sa pagka-alkalde ng LP, at Joy Belmonte, kandidato sa pagka-bise-alkalde. Nasa kanan ang kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Sonny Belmonte. (Kontribusyon)

“Nanghakot” at nagbayad kaya ng odyens ang Liberal Party para sa isinagawang miting de avance nito sa Quezon City Memorial Circle nitong Mayo 7?

Nakatanggap ng ulat ang Pinoy Weekly na daan-daang residente ng isang barangay — at posibleng iba pang barangay — sa Quezon City ang “hinakot” mula sa kanilang mga komunidad at binayaran ng mula P100 hanggang P300 para dumalo sa miting de avance ng Liberal Party at ni Aquino.

Ayon kay Joymar Rivera, lider-kabataan sa Brgy. San Jose at Quezon City, personal niyang nasaksihan ang “panunundo” diumano ng ilang kagawad ng kanilang barangay gamit ang sasakyan ng barangay sa mga residente rito para dumalo sa miting de avance sa Quezon City Memorial Circle.

Ayon sa kanya, isa siya rin siyang lokal na boluntir ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting.

Sinabi pa ni Rivera na aabot sa 300 katao ang sumama at isinakay sa apat na sasakyan. “Kahit hindi mga botante at mga bata, isinama,” aniya. Isinalarawan ni Rivera ang Brgy. San Jose — na may humigit-kumulang na 2,000 botante diumano — na barangay kung saan “malakas sina Erap (Joseph Estrada) at (Sen. Manny) Villar sa pangulo, at malakas si Mike Defensor sa pagka-meyor” ng Quezon City.

Mapa ng Brgy. San Jose sa Quezon City (Google Maps)
Mapa ng Brgy. San Jose sa Quezon City (Google Maps)

Kuwento naman ni Eduardo (tumangging isapubliko ang apelyido), residente rin ng Brgy. San Jose, “Naunang inalok ang mga residente ng hapunan, pero hindi masyado pinansin. Kaya sinabi nung mga kagawad: ‘Sige, P100 sa mga sasama.’ Kaya maraming sumama,” aniya.

Ayon naman kay Beng (tumangging isapubliko ang buong pangalan), pinangakuan siya ng mga kagawad na babayaran ng P300. Pero nauna siyang umalis sa miting de avance nang maaga dahil may kasama umano siyang mga bata.

Sinikap ng Pinoy Weekly kunan ng reaksiyon ang kampo ni Aquino ngunit hindi nito sinagot ang mga hiling ng PW para sa reaksiyon.

Ipinagmamalaki ng nangungunang mga lider-pulitiko ng LP ang malalaking crowd sa mga pangangampanya nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ipinagmamalaki rin ng LP presidential candidate Benigno “Noynoy” Aquino III na reporma sa lumang takbo ng pulitika ng bansa ang ipinapakilala nito sa eleksiyon ngayon.