78 anyos na magsasaka, ikalawang aktibistang pinaslang


Tinutukoy ang mga miyembro ng 7th Infantry Division sa Fort Magsaysay na nasa likod ng pagpaslang sa isang 78 anyos na lider-magsasaka sa Nueva Ecija, ang ikalawang aktibista na biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Aquino. Hinamon ng mga militante si Pang. Benigno Aquino III na gumawa ng konkretong aksiyon para itigil […]

Tinutukoy ang mga miyembro ng 7th Infantry Division sa Fort Magsaysay na nasa likod ng pagpaslang sa isang 78 anyos na lider-magsasaka sa Nueva Ecija, ang ikalawang aktibista na biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Aquino.

Hinamon ng mga militante si Pang. Benigno Aquino III na gumawa ng konkretong aksiyon para itigil ang mga pamamaslang at parusahan ang mga salarin.

Binaril ng isang hindi pa nakikilalang gunman sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Isidro, Laur, si Pascual Guevarra, tagapangulo ng Agrarian Reform Beneficiaries Association at Alyansa ng mga Magbubukid na Nagkakaisa 3100.

Naunang pinaslang ang lider ng Bayan Muna sa Aklan na si Fernando Baldomero noong Hulyo 5.

Ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, “malinaw na may kinalaman ang pamamaslang kay Guevarra sa pakikibaka ng mga magsasaka na manatili sa kanilang 3,100 ektaryang lupain sa Fort Magsaysay military reservation.”

“Nagsisilbing panginoong may-lupa sa lugar na ito ang 17th ID,” dagdag pa niya.

Sinabi ng mambabatas na noong panahon ni dating pangulong Corazon Aquino, inilipat sa mga magsasaka ang pag-aari ng nasabing lupain, sa pamamagitan ng Deed of Transfer sa pagitan ni dating Defense Secretary Renato de Villa at Agrarian Reform Secretary Benjamin Leung noong Nobyembre 5, 1991.

Umano’y binigyan ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang mga magsasaka. Pero noong 2008, naghain ng petisyon ang 7th ID sa Department of Agrarian Reform na ikansela ang mga CLOA. Patuloy ding hinaharas ng militar ang mga magsasaka.

Si Guevarra ang ika-60 lider ng Anakpawis at ika-119 na magsasaka na biktima umano ng Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo

“Pinatutunayan ng insidenteng ito na aktibo pa rin ang operasyon ng OBL at ng mga death squad. Hangga’t hindi umaaksiyon si Aquino para arestuhin at parusahan ang mga salarin, hindi matitigil ang mga pamamaslang na ito,” sabi ni Cherry Clemente, pangkalahatang kalihim ng Anakpawis.

Obligado rin si Lt. Gen. Ricardo David, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, na imbestigahan ang mga opisyal ng 7th ID bilang pangunahing suspek sa pagpaslang kay Guevarra, ayon sa nasabing party-list.