Dahil sa imported na bigas: Tag-hirap sa anihan, inaasahan


May 3.5 hanggang apat na milyong magasasaka ang maaapektuhan dahil sa sobrang bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA), ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Sa isang pahayag, sinabi ni Mariano na nakakabahala ang inaasahang pagpasok sa bansa ng imported na bigas sa Agosto 15. Kamakailan, ibinulgar ng Kal. Lito Banayo ng NFA na […]

May 3.5 hanggang apat na milyong magasasaka ang maaapektuhan dahil sa sobrang bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA), ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mariano na nakakabahala ang inaasahang pagpasok sa bansa ng imported na bigas sa Agosto 15. Kamakailan, ibinulgar ng Kal. Lito Banayo ng NFA na pinayagan ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Philippine International Trading Corp. na mag-angkat ng 20,000 metro toneladang bigas sa kabila ng sobrang suplay.

“Ang pagpasok ng imported na bigas ay tiyak na magpapabagsak ng presyo ng palay,” ayon sa mambabatas. Sa Oktubre at Nobyembre ang anihan ng palay.

Ayon kay Mariano, tagapangulo rin Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), dapat maglaan ng pondo ang NFA para sa pagbili ng lokal na palay, kung hindi ay mauuwi ang palay ng mga magsasaka sa mga barat na rice trader.

Sinisi rin ng mambabatas ang pribadong mga importer ng bigas, na umano’y ginagawang modus operandi ang pag-aangkat ng bigas. Matapos umano itong bilhin ng NFA, hihintayin nilang maitambak ang mga bigas sa mga warehouse at saka bibilhin sa murang presyo sa public auction. “Sa ganitong paraan, nakakaiwas sila sa 40 hanggang 50 porsiyentong taripa,” aniya.

Ipinanawagan ni Mariano sa gobyerno na suportahan ang lokal na produksiyon ng bigas sa halip na angkatin ito.

Kaya umanong anihin sa isang milyong ektarya ang 2.4 MT ng bigas na inangkat noong nakaraang taon. May hanggang apat na milyong ektarya ang mga palayan sa bansa.

Panawagan ng KMP sa NFA, ipamahagi nang libre ang bigas na sobra sa imbentaryo nito hanggang Setyembre 30, para maproteksiyunan ang lokal na mga magsasaka at mapakain ang pinakamahihirap na Pilipino.

Inudyukan din ng grupo si Pang. Benigno Aquino III na itigil ang modus operandi ng pribadong mga importer sa pamamagitan ng pagtigil ng public auction ng inangkat na bigas.